Thursday, May 10, 2012

KAPATIRAN by Loleng Ramos

KAPATIRAN
by Loleng Ramos

GLOBAL WARMING

Totoo bang wala ng summer sa Pilipinas?  Na-alarma ako sa balitang ito ng kaibigan ko.  Medyo matagal na rin kase akong hindi nakaka-uwi sa atin. Sabi niya, sa nakalipas na tatlong taon, hindi na kasing-init ng dati ang summer. Gitna ng tag-araw ay tag-ulan na din.  Dito rin sa Japan, ang ganda ng Autumn noong una akong mapunta sa Kyoto sampung taon na ang nakalipas. Sabay-sabay ang pagpalit ng kulay ng mga dahon. Ang una kong spring noong tumira na ako dito ay nakakaduling sa ganda ang iba’t-ibang kulay ng bulaklak na nasa paligid ko lang.  Sa bawat taon ay nakikita ko ang mga pagbabago sa mga puno at dahon na ito. Parang nababawasan at parang nag-iiba. Nagtataka din ako kung talaga lang nakakasanayan ko na ang lamig sa Japan o sadyang hindi na kasing-lamig ng mga unang taon na naririto ako.  Ikaw ba kapatid, napapansin mo rin ba ang mga pagbabagong ito?

Hindi lamang ito sa tabi-tabi nangyayari kung hindi  sa buong mundo. Ang tawag nga ay Global Warming. Dahil umiinit ang mundo, ang kalikasan ay naa-apektuhan.  Narinig mo na ba ang mga salitang coral bleaching (kung saan ang mga kurales sa dagat ay nagiging kulay puti at isa sa mga dahilan ay ang pag-init ng tubig sa dagat), glacial depletion (ang glacier o niyebe na naging yelo dahil hindi nagawang matunaw noong mga nagdaang taon ay unti-unting lumiliit) katulad ng continental glacier (purong yelo) sa Antarctica at valley glacier, mga yelo na nakabalot sa mga lugar katulad ng nasa Swiss Alps.   Dahil sa pagtunaw ng mga yelo na ito, ang tubig sa dagat ay tumataas din.  Maraming bansa katulad na lang ng Maldives, ang unti-unti ng lumulubog sa dagat.  Marami na ring mga hayop at halaman ang hindi na natin nakikita ngayon sa dating lugar na tinitirhan nila. Lumikas na sila dahil sa pagbago ng temperatura sa kanilang paligid o di kaya ay dahil wala na ang kanilang mga dating tirahan. 

Ano ba ang sanhi ng lahat ng ito?  Dahil sa pagbabago at pagdami ng materyal na pangangaila-ngan sa buong mundo lalo na sa mga mauunlad na bansa, ang industriyang gumagawa sa mga bagay na ito ay gumagamit ng mga makinarya na pinapa-andar ng elektrisidad.  Saan ito nanggagaling? Sa pag-proseso ng likas na yaman (o tinatawag na fossil fuel dahil mas matanda pa sila sa mga dinosaurs) katulad ng uling at langis, kailangang itong sunugin upang makagawa ng init na siyang naghahatid ng elektrisidad.  Sa pagsunog na ito, ang gas na carbon dioxide ay lumalabas din.  Kung ang gas na ito ay sapat lamang, maaari itong makalabas sa teritoryo ng daigdig at hindi tayo maapektuhan. Subalit ang sobrang pag- gamit, ang gas na ito na humahawak din ng init ay bumabalik sa atin.  Ang deforestation (pag-kalbo ng gubat) ay isang dahilan din. Ang mga puno sana ay lumalanghap ng carbon dioxide pero sa pagkawala nito, hindi lang mga hayop ang nawawalan ng tirahan, gumuguho din ang mga lupa sa kinalbong bundok na sana ay sumusuporta dito.

Paano na lang kung magpatuloy ang lahat ng ito?  Parang mawawala na rin ang mundo ano?  Meron ba tayong magagawa?  Siguro iniisip mo na ang mga malalaking kumpanya ang dapat unang gumawa ng hakbang. Bahala na sila sa solusyon pero ang bawat tao, lalung-lalo na sana ang mga nasa kumpanyang nag-papagalaw ng mga industriya ay dapat magbigay galang at mag-alaga kay Mother Earth.  Ang nakakalungkot, malimit ang mga taong nandodoon ang siyang unang nakakalimot sa kanyang mga responsibilidad sa ating kalikasan.
 
Kung magbabawas lang tayo ng mga bagay na hindi naman natin kailangan, makakatulong din ito at makakatipid pa tayo.  Gusto mo na ba ng latest gadget tulad ng cellphone, bagong trend ng damit at sapatos kahit na Imeldific na ang dating mo, basta masarap mag-shopping eh!  Naku, naku, sa bawat binibili mong bagong bagay na hindi mo naman talagang kailangan, nagpadagdag ka sa konsumo ng elektrisidad na gumamit ng langis na hinukay sa Middle East na gawa noong wala pang tao sa mundo at sinunog ngayon na nagdagdag lang ng init sa mundo na nagtangay ng summer heat sa Pilipinas pero ikinalat sa buong taon kasabay ng maraming ulan at baha. Parang nakakatawa at nakakaloka ba? Pero lahat ay katotohanan lamang na ang solusyon ay nakasalalay sa bawat isa sa atin. Syempre marami pa tayong magagawa. Ang “recycling” ay ginagawa iyan dito sa Japan. Sa Pilipinas din, dapat sabihan natin ang mga kamag-anak at kaibigan natin doon na gawin din nila.  Ang pagtitipid sa kuryente ay kailangan at marami pang bagay.  Di ba kung ang iba ay “wapa” walang pakialam, ikaw at ako ay meron kase hindi lang matuwid na pag-iisip meron tayo kung hindi kunsyensya at  kaluluwa din. 

Kaya mamayang gabi, patayin mo ang ilaw sa kwarto mo at mula rin ngayon, magtitipid ka hah?  Sa ating pagkalinga kay Mother Earth, mas aalagaan niya tayo at lahat pa ng mga taong susunod sa atin.
 

No comments:

Post a Comment