CELEBRATING THE SPIRIT OF FILIPINOS IN JAPAN: an online version of Jeepney Press www.jeepneypress.com
Thursday, May 10, 2012
SA TABI LANG PO by Renaliza Rogers
SA TABI LANG PO
by Renaliza Rogers
Pagtatapos
Kung bibilang-bilangin mo kung ilang taon ang iginugugol ng isang pangkaraniwang Pilipino sa pag-aaral, tatakbo din ito ng mahigit-kumulang 17 years. Kung siya ay dire-diretso sa pag-aaral, magsisimula siya sa edad na 4 at magtatapos siya sa edad na 20.
Ako, nagsimula akong mag-aral sa edad na tatlong taong gulang. Unang eskwelahan ko ay ang Kiddie Corner kung saan ang kadalasang ginagawa lang namin ay ang dumede at matulog. Toddler school kasi ito eh at lahat kami doon ay may kanya-kanyang bote ng dede at ang pinaka rurok na ng aming achievement for the day ay ang makakuha ng isang stamp sa braso na hugis star kapag nag behave ka.
Noong 4 years old ako, nursery na ako sa L’Ecole. Noong unang araw ko doon, umiyak ako dahil iniwan ako ng aking yaya sa classroom. Lahat naman halos kami umiyak. Ang iba, may handusay sa sahig pang nalalaman. Sila ngayon yung mga lumaking madrama at iyakin sa buhay: magwawala pag iniwan ng syota, magpapakamatay o gagawa ng eksena, etc. Sa L’Ecole na rin ako nag kinder at prep nung 5-6 years old ako. Ang mga naaalala ko ay sumisigaw ako ng “Manang Pina! Tapos na ako!” pag tapos na akong umebak sa toilet at kailangan ng hugasan ang puwet, sa classroom ako nag se-celebrate ng birthday taon-taon, at nakakuha ako ng “Academic Excellence Award” sa graduation namin at hindi ko alam kung bakit.
Mula grade 1, sa St. Theresita’s Academy na ako pumasok. Doon na rin ako nagtapos ng elementary at high-school. Nung grade 1 ako, naalala ko Valentine’s Day, lumuhod ang kaklase kong si John sa harap ko at kumanta ng “I Swear” ng All 4 One. Bata pa lang, hopeless romantic na siya. Yun nga lang, pagkatapos niya akong kantahan, binigay niya ang ginawa niyang card sa aking katabing si Hannah kaya’t binato ko ang ‘langya ng lapis.
Wala akong masyadong maalala nung grade 2 ako kundi ang pumasok sa klaseng kulay orange ang mukha sa Betadine dahil inararo ng mukha ko ang semento pagkatapos matisod habang naghahabulan. Nung grade 3, hindi ko malilimot ang maganda kong kaklase na puno ng kuto ang buhok. Gumraduate na lang kami ng high-school, kutuhin pa rin siya. Nung grade 4, kumain ako ng limang itim na langgam sa udyok ng mga kaklase dahil pampaganda daw ito ng boses. Epektib ata dahil nanalo ako sa kantang “Isang Lahi” kinahapunan. Grade 5, pumayat ako dahil pina diet. Ang baon ko lang eh Sky Flakes or Fita crackers at tubig. Nung grade 6, ang bestfriend ko ay si Roxanne at dinadalhan niya ako ng dalawang sandwich pag recess dahil naaawa siya sa baon kong kalunos-lunos.
First Year high-school, nagkaroon ako ng retainers sa ngipin kong sungki-sungki. Nung 2nd year, napahiya ako dahil nalimutan ko ang lyrics ng kantang “Panunumpa” ni Carol Banawa sa Vocal Solo contest. “Ikaw lamang ang pangakong mahalin… Hmmm… hmmm…hehehe…” Nung 3rd year, nasali ako sa Volleyball Varsity team kung saan dalawang beses akong natapilok sa practice at namaga ang paa ko ng major-major! Nung 4th year, naging editor-in-chief ako ng aming school paper na pawang nakakasukang pa-tweetums na love poems at love stories ang laman.
Pagtungtong sa kolehiyo, hindi ko alam kung anong kurso ang kukunin ko. Kumuha ako ng exam sa San Agustin at nakakuha ng full scholarship pero ayoko doon, kaya’t sa University of St. La Salle ako tumuloy kung saan magbabayad ako ng mahal dahil sa kaartehan ko.
Gusto ng aking ina, ang kunin ko ay business courses pero gusto ko ay yung maarte. Kaya’t Liberal Arts and Commerce Major in Marketing and Mass Communications ang kinuha ko para walang away. Noong 1st year, inosente pa ako. Neneng-nene, Dean’s Lister kaagad. Nung mag 2nd year na, Dean’s lister pa naman din pero natuto nang mag bulakbol at napariwara ang landas. Tumigil ako ng pag-aaral at pumuntang Japan.
Pagbalik ko sa La Salle after 3 years, nag-shift ako sa kursong Interdisciplinary Studies dahil feeling ko mas nababagay ako dito. Hindi ako nagkamali. Ito nga ang kurso that suited me well. Tamad na akong mag explain kung ano ang Interdisciplinary Studies kaya’t iresearch nyo na lang pag may time kayo. Dito, natuto akong makibagay ng husto. Tamad pa rin akong mag-aral at mahilig pa rin akong gumala at gumimik pero natuto na akong ibalanse ito. Awa ng Diyos, hindi bumababa ng 90 ang grado, lumalagpas lang ng 100!
Nung graduation ko nitong March 2012 sa edad na 23, napaidlip ako nung nag-iispeech ang propesor. Nakatulog din ako habang nag-iispeech ang Summa Cum Laude dahil nagkaroon kami ng “pre-graduation gimikan/inuman” nung gabi. Yinugyog lang ako ng aking kaklase upang magising dahil nag- standing ovation na silang lahat. Masaya ako dahil sa wakas, nakapagtapos na rin ako ng pag-aaral at mayroon na akong maipagmamalaki na pinagsikapan ko ng ilang taon. Maliban dito, may maihahandog na rin ako sa aking ina na ang hangad ay ang mapagtapos ang kanyang mga anak ng pag-aaral. Para sa kanya, ito na ang kanyang achievement sa buhay at panatag siyang magkakaroon ako ng mas magaang kinabukasan dahil may pinanghahawakan na akong kaalamang hindi maaagaw ng iba. Medyo nalungkot din ako dahil iiwan ko na ang kinagisnan kong buhay. Humigit-kumulang 18 years din akong naging estudyante, ito na ang kinagisnan kong pamumuhay kaya’t medyo nakakalungkot ding iwan ito at sumabak sa adult world na puno ng responsibilidad. Oo alam kong nagtapos na ako ng kolehiyo pero, ika nga, I never let my education get in the way of my learning. Hindi sa pagtatapos tumitigil ang pagkatuto. Marami pa akong bagay na kailangang matutunan sa labas ng paaralan, mga bagay na mas mahirap ngunit mas mahalaga.
At ang pinaka-nakakalungkot kapag graduate ka na? Syempre wala ka nang baon.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
wonderful article ^_^
ReplyDeletewell written, humorous, inspiring and honest
love it very much ^_^
goodluck and more power