Friday, July 13, 2012

CENTERFOLD by DENNIS SUN

CENTERFOLD
 by DENNIS SUN

NESTOR PUNO: Sa Pagpuno ng Yaman


Ipinanganak at lumaki sa Lungsod ng Makati sa isang maralitang pamilya, si Nestor Puno ang panganay sa limang magkakapatid. Ang mga magulang niya ay tubo ng Ilocos at Pampanga. Isang maglalako ng prutas ang kanyang ama sa Paco Market. Wika ni Nestor, “Upang makadagdag sa aming kabuhayan, mayroong kaming tindahan na malapit sa mababang paaralan na pinapasukan ko.” Sa murang edad, nakilala ni Nestor ang tunay na lasap ng buhay. Nagigising siya ng maaga upang magbukas at maglinis sa tindahan. Pagkatapos nito, doon pa lang siya mag-aayos para pumasok sa paaralan.

Sa matinding sikap at awa ng Diyos, nakapagtapos naman ng pag-aaral si Nestor. Batay sa utos ng kanyang mga magulang, civil engineering ang kursong kinuha niya sapagkat madaling maka-hanap ng trabaho at malaki ang kita nito kaya madali raw yumaman.

Subalit sa pagdaloy ng panahon, masasabi ko na yumaman nga si Nestor. Hindi ito yaman na batay sa materyal na bagay. Ito ang tunay na yaman sa buhay: yaman sa pagmamahal sa Diyos, yaman sa paglilingkod sa kapwa tao at yaman sa kagandahang loob at malasakit sa mga nasawing palad.

Alamin natin kung paano nag puno ng yaman si Nestor:

Kailan ka lumipad papuntang  Japan at sa anong dahilan?
Dumating ako dito sa Japan noong 1998 ng ipadala ako ng Iglesia Filipina Independiente (Philippine Independent Church) bilang missionary sa Anglican Church of Japan-Chubu Diocese upang magturo sa maliit na paaralan (ELCC) para sa mga batang Filipino na hindi nakakapasok sa ordinaryong paaralan.

Ano po ba ang ELCC?
Ang ELCC ay paaralan para sa mga batang Pinoy, na itinayo ng Anglican Church of Japan noong 1998, dahil sa kadahilanang maraming mga bata dito sa Nagoya ang hindi nakakapasok ng school dahil sa kanilang status of stay.
Itinayo ito upang maibigay ang edukasyong panganga-ilangan ng mga bata dahil karamihan sa kanila ay nasa 7-12 taong gulang na subalit hindi pa nakakaranas na makapasok sa paaralan. Ang mga batang ito ay ipina-nganak at lumaki dito sa Japan at ang kanilang mga magulang ay parehong Pilipino, subalit hindi marunong magsalita ng Wikang Filipino. Dahil sa kanilang status, hindi natin alam kung kailan sila mapapauwi at kapag nagkaganoon mahihirapan ang
mga batang ito na mamuhay sa Pilipinas dahil sa hindi sila marunong mag-Tagalog. At higit sa lahat, malaki ang problema ng mga batang ito sa usapin ng identity dahil alam nila na sila ay Hapon dahil sila ay ipinanganak dito sa Japan.

Layunin din nito na mabigyan sila ng lugar na maaari nilang mapag-aralan, mapaglaruan at makasalimuha sa ibang bata na kanilang parehong edad. Karamihan sa kanila ay nananatili lamang sa kanilang bahay o karatig na parke dahil hindi sila maaaring ma-expose sa labas.

Layunin din ng ELCC na matulungan sila sa kanilang pamumuhay kahit sa maliit na bagay lamang, tulad ng mga programang pangkalusugan dahil halos lahat sa kanila ay walang health insurance. Tinutulungan din ang mga magulang na maisaayos ang kanilang legal na pamamalagi nila dito lalo na yung mga batang anak ng Hapon na hindi kinilala ng kanilang amang Hapon. Sa katunayan, halos lahat ng mga batang walang dugong Hapon ay natulungan na manatili ng legal sa kadahilanang dito ipinanganak at lumaki ang mga bata at mahihirapan na makapamuhay sa Pilipinas kung pababalikin sa kanilang edad.

Sa kasalukuyan, halos puro may visa na ang mga mag-aaral at karamihan ay galing sa Pilipinas na naglalayong manirahan ng matagal dito sa Japan at sa ELCC muna ipinapasok upang matuto ng wikang Hapon at mapanatili ang wikang Tagalog, gayundin ang wikang Ingles. Sa kasalukuyan ay may 15 mag-aaral, mula 4 -7 taong gulang.

Gaano kana katagal dito? May plano kabang magtagal pa?
Magla-labing-apat na taon na ako dito sa Nagoya at kasalukuyan pa ring nagtatrabaho sa ELCC. Subalit hindi natin masasabi kung hanggang kailan tayo maninirahan dito. Marahil, habang mayroon pang ELCC at nangangailang mag-aaral ng ating serbisyo, at sa Filipino community na aking ginagalawan.

Anong parte ng Japan ka tumira?
Sa loob ng labing-apat na taon, ako ay nakatira sa Nagoya.

Anong masasabi mo sa bansang Hapon pati na rin ang mga Hapones?
Mayamang bansa ang Japan at ang lahat ay nasa ayos, ibig sabihin, may trabaho ang tao at may ibinibigay na serbisyo ang pamahalaan, kaya naman ang lahat ay kailangang nasa ayos. Dahil dito, ang mga tao ay organisado at mahalaga ang tingin sa oras kaya ang lahat ay nasa ayos. Relatibong mababait at mahiyain ang mga Hapon, subalit sa kabuuan, nakita ko na ang mga Hapon ay extremes. Kapag mabait, mabait talaga, at kapag hindi naman, talagang hindi.

Paano  mo maikukumpara ang Japan at Pilipinas? Mga Hapon at Pilipino?
Sa kabuuan, maipagku-kumpara lamang ang Japan sa Pilipinas sa larangan ng ekonomiya. Kung may maganda o pangit na kata-ngian ang mga Hapon, gayundin ang mga Filipino, kasi mayroong ibang kultura tayong nakagisnan at nakalakihan.

Naging aktibo ka sa mga gawain at mga pangangailangan ng mga Pinoy sa iyong komunidad. Anong mga organisasyon ang mga sinalihan mo at anong mga layunin ng mga ito? Maaari bang ikwento mo sa amin ang mga ito?
1. Ako at si Virgie Ishihara ang nagbuo ng Filipino Migrants Center noong 2000, at kasalukuyang Deputy Director nito, at si Ishihara naman ang Director. Binuo namin ito upang makatulong sa dumarami at lumalalang suliranin ng ating mga kababayan, hindi lamang sa Nagoya kundi sa buong Japan. Tinatanggap namin dito ang anumang problema (huwag lang sa pera… joke…) ng ating mga kababayan na may kinalaman sa kanilang pamumuhay sa Japan. Naghahatid ng mga impormasyon lalo na sa usapin ng batas at tumutulong na mag-organisa ng mga grupo ng Pinoy sa kani-kanilang komunidad.
2. Ako rin ang kasalukuyang pangulo (ikatlong termino) ng Philippine Society in Japan-Nagoya. Ang PSJ ay isa sa pinakamatagal na organisasyon dito sa Nagoya at nabuo noong 1986 sa kasagsagan ng anti-diktadurang kilusan sa Pilipinas noong mga panahong iyon. Itinayo ito upang suportahan ang anti-diktadurang kilusan sa Pilipinas mula sa mga Pilipinong naninirahan ditto sa Japan. Sa kasalukuyan, nagiging sentro ng aktibidades ng PSJ ang pagpapakilala ng kulturang Filipino sa local na komunidad habang nagtataguyod ng kagalingan at programa para sa kasapian nito.
3. Task Force Respect – Coordinator. Ang TFR ay alyansa ng mga Filipino communities sa Tokai Region upang pangunahan ang kampanya para sa pagkakaroon ng konsulado ng Pilipinas ditto sa Nagoya upang magbigay serbisyo sa mahigit 50 libong Filipino na naninirahan sa Aichi, Mie at Gifu. Layunin din nitong matugunan ang problema ng ating mga kababayan sa ating konsulado at embahada. Sa mahigit sampung taon mula ng sinimulan ang kampanyang ito, unti-unti ng nagkakaroon na ng linaw ang usaping ito dahil naipasa na sa ating kongreso ang resolusyong ito at naghihintay na lamang na ipasa sa senado, hanggang sa maging batas at maipatupad.
4. Sagip Migrante Japan – Coordinator. Ito naman ang tugon ng mga Filipino dito sa Tokai Region upang tulungan ang mga kababayan nating nasalanta at naapektuhan ng 311 disasters sa Tohoku.

Ano sa tingin mo ang kalagayan ng mga Pinoy na nasa Japan ngayon?
Relatibong mas malaki ang kita at maganda ang kalagayan ng mga kababayan natin sa Japan kumpara sa ibang bansa sa Asia. Subalit hindi naiiba ang mga problemang kinakaharap ng ating mga kababayan, laluna sa mga kababaihan. Halos 80% ng mga Pilipino sa Japan ay mga kababaihan na asawa ng Hapon, na siyang panguna-hing paraan upang makapanatili ng legal. Dahil dito, ang kadalasang suliranin ng mga Pilipina ay may kaugnayan sa kanilang status bilang asawa ng Hapon. Marami ang nagtitiis kahit na sinasaktan ng kanilang asawa upang mabigyan lamang ng visa, kaya marami ang nagiging biktima ng domestic violence.

Kadalasan din ng trabaho ng mga kababaihan ay bilang entertainer, at sa mga kalalakihan ay sa mga pagawaan, konstruksyon, o ang mga tinatawag na “3K.” Sa mga omise, matindi ang pagsasamantala sa iba’t-ibang antas dahil sa katangian ng kanilang trabaho, at sa mga pagawaan naman ay bukod sa mababang pasahod ang kakula-ngan pa rin sa seguridad at usapin ng kaligtasan. Duma-daan pa rin ang karamihan sa pagawaan sa ilalim ng part-time at broker system.

Sa July ng taong ito, ipapatupad ang binagong immigration law at ang pagkawala ng alien registration na papalitan naman ng residence card system. May mga probisyon na paborable sa ating mga dayuhan pero mas marami ang paghihigpit magmula sa pagpataw ng penalty hanggang sa pagbawi ng visa at ipa-deport ka. Hindi pa natin alam kung paano ito magkakaroon ng epekto sa ating lahat pero ang sigurado marami ang apektado nitong bagong batas laluna iyong mga dokumento at maging mga bata.

Ano sa palagay mo ang magagawa ng mga Pinoy dito upang makatulong at malutas itong problema?
Kailangan conscious tayong lahat sa kalagayan ng kapwa natin Filipino at magtulungan bilang isang minority community dito sa Japan. Alamin ang mga batas na may kaugnayan sa ating lahat upang mamaksimisa natin ang mga kapaki-pakinabang na batas at pag-aralan ang mga ito na nakakaapekto sa atin bilang banyaga.

Ano ang kalagayan ng mga Pinoy sa Nagoya naman?
Walang kaibahan ang kalagayan ng mga Filipino sa Nagoya sa ibang lugar ng Japan, maliban sa ang mga Filipino sa Nagoya ay magkakalapit at konsentrado sa iisang lugar kaya madali ang ugnayan sa isa’t-isa. Sabi nila, madali at convenient daw manirahan sa Nagoya dahil nandito na halos lahat ang bagay na maaaring hanapin ng Pinoy tulad ng mga tindahang Pinoy, restoran, simbahan, atbp. Mayroong mga area sa Nagoya, sa Sakae, na kapag baba mo sa inyong tinitirhan ay nandun na ang lugar na pinapasukan, pamilihang Pinoy, naglalakihang tindahan, at kung anu-ano pa.

Humigit kumulang sa 50 libong Filipino ang naninirahan sa tatlong pangunahing probinsya ng Tokai Region, tulad ng Aichi, Mie at Gifu. Maliban sa malalaking siyudad na mga ito, marami ring pabrika dito kaya patuloy ang lumalaki ng bilang ng mga Filipino sa Tokai Region, laluna sa mga “descendants, o tinatawag na nikeijin.”

Sa palagay mo ba matatanggap ang mga Pinoy sa syodad ng Japan katulad sa pagtrato ng mga Pinoy na naninirahan sa Amerika? 
Sa lahat ng bansa, na kung saan may mga Filipino ay tinatanggap ng kani-kanilang lipunan dahil sa kanilang kontribusyon sa ekonomiya at komunidad. Sadyang masipag, matiyaga at marami ang matalino at talented, na mahalagang sangkap upang kilalanin sa isang lipunan. Tulad halimbawa ng mga kababayan natin sa Tohoku na apektado ng 311 disasters, dati sila ay isang hamak na may bahay ng isang Hapon at walang ugnayan sa kani-kanilang kapaligiran. Dahil sa pangyayari nagkaroon sila ng pagkakataong makipag-usap, magsama sa mga aktibidades hanggang sa nakilala bilang bahagi ng lipunan, hindi lamang bilang isang banyaga o asawa ng Hapon.

Ang patakaran ng gobyernong Hapon sa pagbubuo ng multi-cultural society ay pagkilala sa pag-iral hindi lamang ng mga Filipino kundi ng lahat ng banyaga dito sa Japan. Ito ay bunga ng pagsisikap ng mga dayuhan at Filipino organization sa iba’t-ibang lugar sa Japan na maipakilala ang Pilipinas, ang ating kultura, gayundin ang mga Pilipinong nakatira sa kani-kanilang komunidad. Usapin na lamang ito kung paano tayo aktibo at masiglang makakalahok sa prosesong ito.

Kailangan din nating burahin ang masamang imahe ng mga banyaga sa pananaw ng mga Hapon.

Ano ang sasabihin mo kung may pagkakataon kang kausapin ang isang kapwa Pinoy kung ano ang dapat at hindi dapat gawin sa Japan?
Ang pag-aaral ng wikang Hapon ay isang napakahalagang sangkap para makapamuhay tayo ng maayos dito sa Japan. Hindi sapat ang nakakapagsalita tayo ng kaunti at nakakapagtrabaho kahit pira-pirasong Japanese lamang ang alam. Malaking ginhawa kung mag-aaral tayo ng wikang Hapon. Maliban sa trabaho maaari tayong makipag-ugnayan sa local na mamamayan at madaling magkakaintindihan, na magdadagdag sa ating kaalaman, magbibigay pagkakataon para maipaabot ang nais sabihin, at marami pang iba.

Kung maayos ang ating wikang Hapon, tataas ang ating status sa lipunan, at lalong magiging madali ang ating pamumuhay.

Salamat po, Ginoong Nestor sa pag-unlak ng inyong tanging yaman sa amin.

No comments:

Post a Comment