Friday, July 13, 2012

Jeff Plantilla

Isang Araw sa Ating Buhay 
ni Jeff Plantilla

























Isang araw, nagtipon-tipon ang mga tao mula sa iba’t-ibang bayan at siyudad ng Nara prefecture para sa pormal na pamama-alam ng isang grupo ng mga paring misyonero. 63 na taon silang nagsilbi sa misyong ito. Sa haba ng panahong ito, may mga umuwi na, o di kaya ay namayapa na. Ang mga natira ay matatanda na, at hindi na maganda ang kalusugan. Ipinaliwanag ng puno ng grupo ng mga pari na hindi na nila kayang  makapagpadala ng pari sa Nara dahil hindi na sila makakuha ng mga bagong recruit.

Sumabay na rin ang pamama-alam ng  isang madre sa isa pang lugar.  Hindi sa siya ay matanda na, kundi  tapos na ang panahon ng kanyang paninilbihan sa Japan. Kailangan na siyang  bumalik sa kanyang congregation sa Pilipinas at magsimula ng ibang gawain.

Masaya ang pamama-alam ng mga pari. Halata sa kanilang pananalita ang magandang  relasyon sa mga Japanese. Nagtatawanan ang mga Japanese sa kanilang pagbibiro at sa pananariwa ng masayang nakaraan. Marami sa mga Japanese na pumunta ay matatanda na rin.

Sa mensahe naman ng madreng paalis, ipinaliwanag niya ang buhay-madre at ang hindi maiiwasang paglipat ng lugar na pagsisilbihan. Ang kanyang mensahe ay ipinahiwatig niya sa isang kanta: ang magmahal kaysa mahalin, ang magbigay kaysa mabigyan, ang umunawa kaysa unawain.

May mensahe din siya sa komunidad ng mga Pilipino tungkol sa pagiging lider. Sinabi niya na ang lider ay isang taong nasa harap ng lahat dahil ipinakikita niya kung ano ang dapat gawin. Gusto ng lider na tularan ang kanyang ginagawa.  Nasa harap siya hindi para magdesisyon para sa lahat, kundi  para ituro kung ano ang dapat.

Ganun na rin ang aking tingin sa ginawa ng mga pari. Alam nilang hindi sila habang panahong maninilbihan sa mga tao. Darating ang panahong sila ay magpapa-alam. Kaya’t masaya sila kung nakikita nila na kaya nang gawin ng mga tao ang dapat. Sila ay maaring sabihing leader-servants.

Uri Ng Lider
Maraming uri ang lider. May minamahal, may hindi tinatanggap, at may naging masama sa tingin ng mga kasama.

Puwede natin ihalintulad ang pagiging lider sa pagnenegosyo.

Sa Pilipinas, may mga may-ari ng tindahan na walang ginagawa kundi mag-utos sa mga tauhan. Nakabantay palagi. Kung ang negosyo ay restaurant, hindi sila maglilinis ng lamesa para sa customer.  Tatawagin nila ang tauhan para magawa ang kailangan. Sa uri ng lider, ito ang “manager” type – utos nang utos lang.

Sa Japan, may mga may-ari ng tindahan na naglilinis ng sariling tindahan. Kung sakaling may bibili, agad silang magsisilbi. Maaaring marami sa kanila ay walang tauhan, sila lamang (o kaya man ay kasama ang asawa).  Kung may tauhan man, kapag may customer at may kailangang gawin, agad silang kikilos. Mahalaga sa kanila ang “service” kaysa sa status na may-ari ng tindahan. Minsan, kung wala silang maibigay sa hinahanap ng customer, sila  pa ang magtuturo kung saan makukuha ng customer ang kanyang  kailangan. Sa uri ng lider, ito ang “service-oriented.” Hindi mahalaga ang kinatatayuan o status, ang mahalaga ay ang gawaing dapat tuparin.

Malimit na rin sa ating karanasan sa gobyerno na kapag tayo ay hihingi ng serbisyo, kaagad tayong sinasabihan na mag-fill-up ng form at magsubmit ng kailangang mga dokumento. Kadalasan tayong naghihintay at hindi sinasabihan kung kailan babalikan ng opisyal ng gobyerno. May mga pagkakataon na humahaba ang hintayan dahil inabot na ng tanghalian. At kung mamalasin, pagbalik ng opisyal ng gobyerno sasabihing kulang ang dokumentong kailangan. Kaya, pasensiya, babalik ka na lamang. Sa uri ng lider, ito ang taong ang pinahahalagahan ay pormalidad. May sulat ka na ba na humihingi ng aking tulong? Kinunsulta mo na ba ako? Kung walang sulat o konsulta, pasensiya ka. Alin sa mga ito ang lider na ating kailangan? Yung status conscious (“ako ang mahalaga dahil ako ang manager”)? Yung service-oriented (“mas mahalaga ang ibang tao o ang gawain”)? Yung bureaucratic-minded (“kung walang sulat na humihingi ng tulong, o walang konsultasyon walang aksyon”)?

Sino sa mga ito ang lider ninyo?

Pangangailangan Sa  Lider
Mas mabilis magawa ang mga bagay-bagay kapag nagkakatulungan. Mas may pagkakataon na malulutas ang problema kung sama-sama. At sa pagsasama-samang ito, isang mabuting lider ang kailangan ng komunidad.

Hindi maiiwasan na tumulong ang komunidad sa pangangai-langan ng mga kasama. At ito ang dapat unang naiisip ng mabuting lider. Ito ay isa pang katangian ng lider, nauuna siyang mag-isip sa lahat. Nauuna siyang mag-isip ng mga bagay na ikabubuti ng lahat o ng mga nangangaila-ngan ng tulong. Ito ay lider na may vision kung ano ang dapat mangyari sa komunidad. Hindi siya self-centered (“ang kapakanan ko ang mahalaga”).

Kaya siguro ang lider na kailangan natin ay yung service-oriented, other-centered, at may lakas ng loob na gawin ang dapat kahit medyo mahirap.

Tulad nung sinabi ng madre, ang lider ay nasa unahan para tularan. Hindi siya nangunguna dahil sa status (“ako ang lider”), kundi dahil ipinakikita niya kung ano ang tama. Siya ay hindi basta-basta nag-uutos, siya mismo ay kumikilos kasama ng lahat.

Lubos-lubusin na rin natin. Ang mabuting lider ay minamahal ng iba, hindi kinamumuhian. Ngunit ang pagmamahal ng iba ay hindi niya hangad. Ang kanyang hangad ay ang umunawa kaysa unawain, magmahal kaysa mahalin, magbigay kaysa mabigyan. Hirap ano?

Hindi biro ang maging lider. Responsibilidad yan na pinapasan. Nguni’t kung pangsarili lamang ang iniisip, gulo sa komunidad ang dala. Pagkakahiwa-hiwalay sa imbes na pagkaka-isa.

Isang Karanasan
May isang project na ipinatupad kamakailan lang sa Japan. Ito ay para sa pag-aalok ng serbisyo ng gobyerno sa Pilipinas sa mga Pilipinong nasa labas ng bansa. Mas mabuti sa pagpapatupad ng project na ganito na may malaking bahagi ang mga komunidad. Mas may impact ang project kapag suportado ng komunidad.

Tinanggap na ng dalawang komunidad ng Pilipino ang project (na suportado ng isang church-based network ng mga komunidad) dahil sa isang bagay: makabubuti ito sa kapwa Pilipino.

Nguni’t hindi ito ang naging tingin ng ilang lider ng isang dapat ay network ng mga komunidad ng Pilipino. Sa imbes, binigyan ng halaga ang kawalan ng pormal na sulat ng paghingi ng tulong, at ng konsultasyon.

Para saan pa ang network na ito kundi para sa mga komunidad? Mas mahalaga ba ang pormal na sulat kaysa sa pagtugon sa pangangailangan ng kapwa Pilipino? Kung nariyan na ang pagkakataong makapagsilbi, bakit hindi gawan ng paraan na yang pagkakataong yan ay magamit?

Sa isang mabuting lider iisa lang ang sagot diyan: “Tayo na, at ating pagtulungan.”

No comments:

Post a Comment