Friday, July 13, 2012

Renaliza Rogers

SA  TABI   LANG   PO
Ni Renaliza Rogers

Pasukan


Pasukan
Nag pasukan nanaman. Balik eskwela nanaman ang mga estudyanteng todo enjoy nung summer. Ang iba, nag summer classes, iba nag summer job para may konting pera, iba ay nag bakasyon kung saan-saan para mag enjoy, at ang iba...wala lang, nasa bahay lang nagpalipas ng dalawang buwan dahil walang baon.


Ito ang unang taon kong hindi pumasok sa eskwela dahil nga ako'y nagtapos na nung Marso. Medyo kainggit makita ang ibang kabataan balik eskwela. Biruin mo, noon abalang-abala ako sa pagpapa-enrol ng sarili ko. Ngayon, ang role ko na lang ay tagapag-enrol ng aking kapatid.


Nung mga elementary years, tuwing first day of school, kapansin-pansin na halos lahat ng gamit ng mga bata ay bagung-bago, maliban na lang sa mga bunso na pinag-lumaan na ni kuya at ate ang gamit. Ang mga uniforms bagong tahi, kung hindi man ay bagong laba at plantsa na lang, okay na. Ang mga sapatos halos masilaw ka sa kintab dahil kung hindi man bagong bili ay bagong kiwi! Ang mga notebooks, kaka wrap pa lang sa plastic cover at wala pang gusot.


Sa unang araw ng eskwela, nandoon din ang pagandahan ng bagong pencil case at bag at kung anu-ano pang wala din naman gaanong kabuluhan sa pag-aaral. Nung elementary, talbog lahat ng kaklase kong babae sa akin at inggit na inggit. Kasi naman lahat halos ng gamit ko ay Hello Kitty. Mula pencil case hanggang lapis, hanggang sa suot kong panty, Hello Kitty lahat. Hindi naman sa patay na patay ako kay Hello Kitty pero ito lahat ang padala sa akin ng aking ina. Ewan ko ba kung bakit niya naisip na dapat Hello Kitty lahat ng gamit ko. Kung hindi man Hello Kitty ay dapat residente din ng Sanrioland ang mga ito.


Kahit nung nag high school na ako, nakaka-excite pa rin pag nalalapit na ang pasukan, halos kasing exciting din ng bakasyon. Nakakaaliw ang mag shopping ng mga school supplies. Sa pagpili pa lang ng mga notebook, inaabot ako ng isang oras. Pili ako ng pili ng pinaka-magandang cover design. Ayoko na si Jolina Magdangal o Marvin Agustin ang disenyo sa cover kahit na alam kong pareho din naman yun.  Sa pagpili ng ballpen, kailangan ding i-test muna kung may tinta o wala.


After nun, bibili pa ng school shoes. Noong mga elementary years, wala akong pakialam kung saan kami mamili ng sapatos, kahit Divisoria or downtown basta okay yung yari. Nung mag high-school, natuto nang maging maarte. Sa mall ko na gustong mamili at Rusty Lopez pa ang uso noon, kahit alam ko namang matibay din at maganda ang yaring mura. Laging dahilan ko, masakit sa paa yung mura. Walang kwentang dahilan ng isang maarteng bata.


Nakakasabik din ang unang araw ng eskwela dahil merong thrill factor. Hindi mo alam kung sinu-sino ang magiging kaklase mo or magka-section pa ba kayo ng crush mo. Hindi mo alam kung magka-section pa ba kayo ng mga barkada mo or ikaw lang ang nag-iisang na isolate sa kabilang section sa buong barkada niyo. Sa ganoong sitwasyon, medyo disappointing at nakakalungkot. Tuwing recess at uwian na lang kayo magkikita-kita at naa-out of place ka na sa mga kwentuhan nilang tungkol sa mga pangyayari sa loob ng "kani-
lang" classroom.


Haay, ang pasukan nga naman, nakakamiss. Kung estudyante ka, akala mo'y hirap na hirap ka na sa mga pagdadaanan mo. Lahat ng attention ay iyo. Ang hindi mo alam ay mas hirap na hirap ang mga magulang mo sa kakaisip kung saan lalagap ng perang pang-enrol sa iyo at pambili ng mga mamahaling school supplies na gusto mo.


Aaminin ko, napaka-swerte ko noong nag-aaral ako dahil kumpleto ako sa mga bagong gamit at ni minsan ay hindi ako tumigil dahil walang panggastos. Dalawa pa kami ng kapatid ko nag-aaral sa pampribadong paaralan, salamat sa magiting kong ina na nagkakanda-kubang kumakayod sa Japan pero may time pang mag shopping ng Sanrio at Ultraman-themed school supplies upang ipa-package sa amin.


May mga bata diyan na sa hirap ng buhay ay tumitigil na lang muna sa pag-aaral. Minsan dahil walang pera, minsan dahil si ate o kuya muna ang mag-aaral, at minsan ay dahil hirap sa pagpasok dahil ilang kilometro pa ang lalakarin gamit ang sirang tsinelas o naka paa lang at hindi mamahaling school shoes.


May mga estudyante na hindi makapasok dahil uunahin pang maghanap ng pera pantulong sa magulang kaysa sa mag-aral at may iba din diyan na sadyang hindi makapasok dahil ayaw mismo ng kanilang magulang na sila'y pag-aralin. Maswerte ako at ang marami sa mga kakilala ko. Maswerte ang mga anak mo na may magulang silang katulad mo na nagpapaaral sa kanila. Maswerte kang nagbabasa nito ngayon at nakapag-aral ka pa kasi marunong kang magbasa.


Kaya ako ngayon, hanggang tingin na lang sa mga pumapasok, pipila-pila sa enrolment ng kapatid. Titingnan ko na lang ang mga gamit ng mga batang babaeng nadadaanan ko kung taga Sanrioland din ba ang mga ito o hindi. Malamang hindi. Disney Princess at Dora na ngayon ang uso eh.




No comments:

Post a Comment