Friday, July 13, 2012

Marcial Caniones

ITLOG na PULA
by Marcial Caniones
Ito ay alay para sa mga Pilipinong masisipag, tapat at may malinis na hangarin na nakalimutan dahil kina Jessica, Lady Gaga at Corona.

Nay,

Napasulat ako kahit alam kong pagod at busy ka diyan sa Japan.

Pasukan na po kasi, ayaw ku man sanang sumulat ngunit naaawa po ako kay Pat-Pat. Narinig ko po kasi na hindi sinasadya na nabanggit po ni Tay kay Tito Nestor na pahihintuin muna po siya sa  pag-aaral. Nung huli po kayong umuwi, si Pat-Pat ay Grade 3. 2nd year High School na po siya ngayon.

‘Nay, yung pinapadala mo para sa akin, bawasan mo na lang. Kaya ko pong mag working student, gaya mo po ‘Nay, kaya ko rin magtapos ng pag-aaral kahit po nagtatrabaho. Tulad niyo Nay, natapos ka ng Caregiving habang nagbabantay ka ng maliit ninyong tindahan sa gabi at sinasamahan si Lola Puring sa paglalako ng suman sa Tutuban tuwing Sabado.

Lahat po ‘nyan ay na kwento ni Lola Puring sa akin ng naka smile… habang naluluha at may halung pagmamalaki.

Sana po ay huwag kang magalit kay ‘Tay sa kanyang balak, kulang po talaga kasi ang budget. ‘Nay, ako po kasi ang namamalengke at ako rin po ang taga bayad ni ‘Tay ng kuryente at tubig.

‘Nay, hindi ko naman po sinasabi na kulang ang iyong pinapadala, sadyang mataas po ngayon ang mga bilihin lalung-lalo na sa mga gastusin sa school, ang dami-dami pong mga project. Hindi rin po pweding hindi sumama sa mga field trips dahil requirement po at kasama sa pagbibigay ng grades.

Bukas nga pala po ay mag-aaply ako dito sa maliit na karinderya na tinayo nila Aling Fely, yung lumang bahay po nila, binubungan po ang kanilang garahe at nagpadala ng pera ang anak niyang si Tessie na nagtatrabaho din ‘dyan sa Japan upang gamitin niyang puhunan. Malaking tulong po sa akin ito ‘Nay, marami po akong matututunan at makakapag-ipon.

Paki sabi na lang po kay ‘Tay na huwag pahintuin sa pag-aaral si Pat-Pat, sayang kasi ‘Nay, ilang taon na lang matatapos na siya.

Sa iyo lang nakikinig si ‘Tay, kaya ikaw na lang ang magsabi sa kanya at sana huwag mo po siyang pagalitan, gusto lang ni Itay na hindi magsasabay-sabay ang mga gastusin.

 Medyo humina na rin po kasi ang talyer ni ‘Tay dahil nagbukas rin sa malapit sa simbahan ang Rapide Repair Shop. Nasabi nga niya na kung sakali, baka mag apply nalang siya doon dahil ang ibang suki niya sa home service ay doon na rin pumupunta dahil naka aircon na, may libreng kape’t miryenda at may wide screen sports channel TV pa.

‘Nay, ingat po kayo ‘dyan lagi.

Ok lang kami dito, mahalaga po ay makapag patuloy si Pat-Pat.

Tutulong po ako ‘Nay.

Kayo na ang magsabi kay ‘Tay.

Mahal na mahal at miss po namin kayo.


Lubos na nagmamahal,

Kristel

P.S. ‘Nay huwag po kayong masyadong magpuyat alam kong malungkot kayo ‘dyan kaya lagi po naming dasal na laging malakas at maayos ang iyong kalusugan.

Salamat po pala sa pinadala ninyong sweater, sapatos at make-up kit, pa ubos na daw po pala ang pinapadala mong vitamins kay ‘Tay.
         
Huwag kang mag-alala ‘Nay, ga-graduate po ako ng Nursing Aide…



No comments:

Post a Comment