Shoganai: Gaijin Life
By Abie Principe
Bagong Taon, Bagong Buhay, napaka-cliché, pero angkop sa panahon. Hindi talaga naiiwasan ang pag-usapan, pag-isipan at pag-debatehan ang pagbabagong buhay sa tuwing sumasapit ang katapusan ng taon.
Umamin nga tayo, minamahal na taga-basa, kelan ba talaga na TOTOONG nagbago tayo kasabay ng bagong taon? Really? Sa totoo lang? Malamang kung gagawa ako ng survey, at makatotohanang sasagot ang mga tinanong, siguro wala pang 20% ang totoong nagbagong buhay. Pero taon-taon naman binabalak magbagong buhay. Bakit kaya? Food for thought, di po ba? Hindi ko kayang sagutin ang tanong na “Bakit?” Ang teorya ko lamang ay “human nature.”
Basic nature natin ang gustuhin magbago, ngunit basic nature din natin ang mag-maintain ng status quo. Medyo conflicting, hindi po ba? Pero yan din ang kagalingan ng human nature, kayang mag-harmonize ng conflicting ideas. Hindi tayo gaanong na-stress kung hindi man matupad ang New Year’s resolutions, kasi kaya natin i-blank out muna yung “need for change” at instead mag-focus sa “maintain status quo.”
Ngayong napag-usapan natin kung bakit hindi talaga nagbabagong buhay tuwing Bagong Taon, paano kaya natin totoong magagawa ang pagbabagong buhay? Hindi ko kayo bibigyan ng tract at sasabi-hing tanggapin ang Panginoon, sa ibang venue po ang usapan na iyan. Ang masasabi ko lang, dapat magkaroon ng “focus” —ibig sabihin, dapat meron talagang konkretong balak gawin, at pagpursigihang gawin ito. Wag mag pa-distract sa ibang tao, wag gumaya sa mga plano ng ibang tao, wag pabagu-bago ang isip, sa isang salita “focus.”
Halimbawa, matagal ninyo nang balak asikasuhin ang ilang importanteng papeles, at ngayon hindi ninyo ginagawa dahil “busy,” “ayaw ako tulungan ng asawa ko,” “wala akong pera para asikasuhin,” etcetera, etcetera. Ang mga rason na ito pinapatunayan ang kakula-ngan sa “focus.”
Tulad ng “busy,” kung talagang busy kayo, malamang hindi importante ang papeles ninyo, dahil, kung talagang importante, kahit gaano ka busy, mabibigyan ng oras ang pag-aasikaso.
Focus on the level of importance, work vs. documents.
Yun namang, “ayaw akong tulungan ng asawa ko,” isang tanong po lamang, kanino po ba ang mga papeles? Kung ang papeles ay sa inyo lang, at hindi kasali si misis o si mister, dapat asikasuhin ninyo mag-isa. Huwag umasa sa ibang tao pagdating sa mga importanteng papeles. Dahil hindi naman naka-focus ang ibang tao sa papeles ninyo.
Focus on the importance of the documents for yourself, not others.
Tungkol naman sa “walang pera para asikasuhin,” medyo nalilito ako sa rason na ito. Kung tulad ninyo ako, at nandito ako sa Japan dahil sa trabaho, at madalas pa nga, dahil sa gusto nating makapag-padala ng pera sa ating mga pamilya, hindi ba ibig sabihin nito ay kumikita tayo ng pera habang nandito? At malamang ang mga papeles na dapat asikasuhin ay para makapagpatuloy ng pagtra-trabaho dito sa Japan, hindi po ba? So, hindi ba dapat paglaanan ng budget ang mga papeles? Babalik na naman yan sa “focus,” dahil hindi dapat doon sa “gastos” ang focus, kundi doon sa “pagkakataon na tuluy-tuloy ang pagtira at paghanapbuhay sa Japan.” Focus on the long term, not the short-term.
Mga suhestion lamang naman ito. Sa kahuli-hulihan, kayo ang bahala sa desisyon ninyo. Pero kung napanood ninyo ang movie na “Limitless” directed by Neil Burger and starring Bradley Cooper, impressive pala ang epekto ng mga taong very focused. Bagama’t fiction ang palabas na ito, ang basic storyline niya ay maaring ma-aaply sa pang-araw-araw na buhay natin, na ang pagkakaroon ng focus ay magbubukas ng iba’t ibang opportunidad sa iba’t ibang tao.
Sana ngayong taon na ito, magkaroon tayo ng “focus” sa ating buhay.
Maligayang 2013 sa ating lahat!
No comments:
Post a Comment