Thursday, January 17, 2013

Nestor Puno

Rebisyon ng Immigration Law At Bagong Residence Management System sa Japan, Pagluluwag ba O Paghihigpit sa Atin?
ni Nestor Puno

Bagama’t naipatupad na ang bagong rebisyon ng immigration law at ng residency management system noong nakaraang July 2012, marami pa rin sa ating mga kababayan ang hindi lubos na nakakaunawa sa nasabing mga batas na nagdudulot ng sari-saring espekulasyon o haka-haka batay sa kani-kanilang kalagayan. Mahalagang maintindihan natin ang nilalaman nito upang maka-iwas tayo sa problemang maaaring idulot nito dahil sa simpleng hindi natin alam. Kasabihan nga, “ignorance of the law is no excuse.”

Ang bagong batas ba ay pagluluwagan o paghihigpit sa atin?

Maraming natutuwa kasi hindi na natin kailangang magbayad ng re-entry permit kapag tayo ay lalabas ng Japan. Madami din ang natuwa ng magkaroon ng 5 years visa, at magkakaroon na din tayo ng juminhyo (residence certificate) tulad ng lokal na mamamayan.

Subalit sa isang banda, karamihan sa atin ay hindi naman madalas lumabas ng bansa sa loob ng isang taon kaya hindi tayo dapat matuwa dahil makakatipid tayo. Ang pagkakaroon ng mahabang visa tulad ng limang taon ay mangangahulugan ng pag-antala ng pag-aaplay ng permanent visa. At baka hindi natin alam, dati 1 taon ang pinakamababang visa, subalit ngayon ay mayroong 3 buwan at 6 na buwan depende sa inyong visa. Mayroon ng mga karanasan na dating 1 o 3 taon ang visa, subalit ng mag-aplay para sa ekstensyon, binigyan lamang sila ng 6 na buwan. Imbes na humaba o tumagal, umikli pa ang bagong natanggap na visa.

Ang bagong batas na ito ay pinabigat, at nagbibigay sa ating mga dayuhan ng mas maraming tungkulin. Ito ay nagpapataw ng multa, kaparusahang kriminal, kanselasyon ng pananalagi sa Japan at mapauwi sa Pilipinas.

Ang simpleng hindi pagpapakita sa kinauukulan o pagdadala ng residence card ay maaaring mapagmulta ng 20 lapad. Gayundin ang pagbibigay ng maling impormasyon o hindi naipaalam ang mga pagbabago na nakalagay sa inyong residence card tulad ng pangalan, edad, tirahan, pinagtatrabahuhan, atbp., ay maaari ding maging dahilan para makansela ang ating legal na pananalagi at mapauwi sa Pilipinas.

Kung lilipat ka ng tirahan, kailangang mag-abiso sa city hall na iyong pinanggalingan, at gayundin sa munisipyo ng bagong lilipatan. Kung saang lungsod ka nakarehistro, doon ka lamang maaaring makatanggap ng serbisyong pangkagalingan. Paano iyong mga biktima ng domestic violence na tumakas sa kanilang asawa, hindi siya maaaring humingi ng tulong sa ibang lugar na malayo sa kanyang asawa. Sa mga lugar na maliit ang populasyon, na halos lahat ng tao ay magkakakilala, kapag nagreklamo ka sa pulis o munisipyo ay madaling nakakaabot sa asawa.

Maging ang mga may maliit na negosyo at mayroong manggagawa (kabilang ang mga omise) ay kailangan ding maging maingat sa pagtanggap ng mga empleyado dahil maaaring maparusahan ang mga may-ari ng pagkakulong ng hindi hihigit ng 3 taon o magmulta ng hanggang 3 milyong yen, o pareho. Hindi rin maaaring idahilan na hindi natin alam ang status ng ating empleyado.

Ito ay ilan lamang sa mga paghihigpit ng mga naturang rebisyon. At ang higit na maa-apektuhan dito ay ang mga tinatawag na “bilog.” Sa dating sistema, kahit wala kang visa, nakakakuha ng alien card sa mga city hall at naipapakita ito sa mga ahensya ng pamahalaan upang makatanggap ng serbisyo na maaaring maibigay sa kanila sa kabila ng kanilang kalagayan. Ito rin ang nagagamit na pagpapatunay ng mga magulang kung saan sila nakatira upang maipasok ang kanilang mga anak sa karaniwang paaralan. Sa bagong batas, dahil sa immigration office na dapat kumuha ng residence card, hindi na sila maaaring makakuha nito. Wala na silang maipapakitang papel upang makatanggap ng anumang panlipunang serbisyo, laluna ang mga bata. Dadami na naman ang mga batang hindi makakapasok sa karaniwang paaralan.

Ang mga sumusunod naman po ay ilang mga katanungan na ipinaabot sa inyong lingkod, at ang mga kasagutan, kasama na rin ang ilang opinyon.


Q 1. Mawawala na ba ang permanent visa?
A 1. Hindi. Maaari pa ring mag-aplay nito kung nasa takdang panahon na batay sa inyong visa. Subalit dahil sa nagkaroon ng 5 taong visa, baka ito muna ang kailangang matanggap bago ang permanent visa. Sumangguni sa abogado o higit na nakakaalam kung maaari na kayong mag-aplay ng permanent visa.

Q 2. Mawawala ba ang permanent visa kapag nakipaghiwalay sa Hapon at muling nag-asawa?
A 2. Hindi. Nakuha ninyo ang permanent visa sa panahon ng inyong pagsasama, at hindi kondisyon na kapag naghiwalay ay mawawala ang naturang visa.

Q 3. Ano ang ibig sabihin ng, “not engaging in activities as spouse?”
A 3. Ibig sabihin nito, mga bagay na ginagawa bilang asawa. Ang mga salitang ito ay isang batayan para makansela ang visa ng may asawa, lalu na sa Hapon. Ito ang gray area, mahirap patunayan kung ang isang may asawa ba ay gumagampan ng kanyang tungkulin bilang asawa o hindi. Hindi porke’t nagsasama sa isang bubong ay masasabing ginagampanan niya ang kanyang tungkulin. At sa isang banda naman, hindi porke’t magkahiwalay ay hindi na niya nagagampanan ang tungkulin bilang asawa. Hindi lahat ng mag-asawa ay pare-pareho ang kalagayan, na dapat ay naninirahan sa isang bubong o nagtatabi sa pagtulog. May ilang kalagayan na kailangang magkahiwalay  ng tirahan o magkalayo nang hindi nagdi-diborsyo. Kailangan lamang nating maipakita na ginagampanan natin ang ating tungkulin bilang asawa. Mungkahi lang, magtala ng ating mga ginagawa o kaya ay bagay na magpapatunay ng ating ugnayan sa ating asawa.

Q 4. Sa dating alien card nakalagay ang kanji (Chinese character) ng aming pangalan, na ginagamit bilang identification sa bangko, insurance, atbp. Pero sa residence card, alphabet (romaji) lamang ang nakalagay. Saan maaaring kumuha ng identification na magpapatunay ng aming kanji name tulad ng dating nasa alien card?
A 4. Maaaring kumuha ng residence certificate sa munisipyo ng inyong tinitirhan, na kung saan nakalagay dito ang kanji characters ng inyong pangalan. Ito ay opisyal na dokumento at maaaring isumite bilang pagpapatunay ng inyong pangalan.

Kung mayroon po tayong katanungan o nangangailangan pa ng dagdag na paliwanag, maaari po kayong dumulog sa kakilalang abogado, o makipag-ugnayan sa inyong lingkod, at maisangguni natin sa mga taong mas higit na nakakaalam. Maari po kayong sumulat sa aking facebook account, Nestor Puno, o kaya sa nestorpn@yahoo.com.

Maraming salamat po. Mapayapa at Masaganang Bagong Taon!

No comments:

Post a Comment