Thursday, January 17, 2013

Loleng Ramos

KAPATIRAN
by Loleng Ramos

Pangarap!

Kapatid, Manigong Bagong Taon! Tatanda na naman tayo, tatagal na naman tayo dito sa Japan pero ang maganda, mas iikli na ang paghihintay natin sa kagampanan na ating mga pangarap. Meron ka bang pangarap? New Year’s Resolution?Anong plano para sa taong ito? May mga nagsasabing, “Masarap ang mangarap,” pero ang totoo, masama ang hindi mangarap. Sa isang pangarap nagsisimula ang lahat. Isipin mo na lang kung wala kang minimithi? Di ba mabigat ang ating katawan? Walang buhay, nakakatamad! Sa pagsu-sweldo na lang, di ba kung gusto nating halimbawa, makapag-pa-kisame ng bahay sa Pilipinas, mas ganado tayong mag-overtime. Kung mas kailangan natin ng pera para mas malaki ang maipadala natin sa Pilipinas, iisip pa tayo ng side business, “Magtinda kaya ako ng sinampalukang panimpla sa Japan. Sige, sa pag-uwi ko magbabaon ako ng marami pabalik dito.” Di ba nakakagana ang trabaho? Sabi nga, hindi ka raw bibigyan ng Diyos ng problemang hindi mo kaya, kung mas kailangan mo ng pera, sabi lang ni Lord, “Mas sipagan mo pa ang pagtra-trabaho kase alam kong masipag ka at matyaga.”  Syempre pa, sa bawat tiyaga ay may nilaga. Hindi mo mamamalayan, isang araw nakaipon ka na pala ng hindi lang pang-kisame, pangpagawa na ng buong bahay. Isang paalala lang, sa isang pangarap ay isa ring responsibilidad, baka mamaya magaling ka nga mag-ipon pero napadaan ka lang sa pachinko, gusto mo kase ng mansyon na at buo mo na ang pera para sa isang bungalow, sinugal mo ang naipon mo. Kapatid, huwag kang magpapa-udyok, masasayang lahat ng iyong pagsisikap at baka masira lang ang isang pangarap na halos hawak mo na!

Paano ba ang mangarap? Nakakabasa ka ba ng mga artikulo ni Brother Bo Sanchez? Isa siyang preacher sa atin, Nagbibigay siya ng mga inspiring words of wisdom. Subukan mo siya hanapin sa internet at marami kang inspirasyon na makukuha mula sa kanya. Sabi niya nga, pangarapin mo ang mga bagay na halos hindi mo akalain na papangarapin mo kase tila imposible, sa Diyos at sa bigay Niyang kakayanan sa iyo, walang imposible? Ang importante lang, sa pag-buo mo ng pangarap, kasama ang liwanag ng pag-iisip. Ang ilang mga great dreamers kase katulad ni Adolf Hitler at Napoleon Bonaparte na tinagurian ding mga anti-Christ ay mga taong pambihira ang pangarap. Nais nilang mag-hari sa mundo, napakataas ng kanilang mga pangarap at halos naabot nila, pero dahil maitim ang mga pangarap na ito, para din silang ibon na sa taas ng lipad at bilis ng pagaspas ay nabalian ng pakpak at tuloy-tuloy na bumulusok sa lupa. Si Walt Disney naman, ang siyang utak ng isa sa pinakamasayang lugar sa mundo, Disneyland: California, Tokyo, Paris & Hong Kong. Sabi niya, “All our dreams can come true, if we have the courage to pursue them.” Tapang ang kailangan sa pag-abot natin ng ating mga pangarap, kase kung napapansin mo, kapag meron tayong isang bagay na gustong mangyari o gustong makuha, meron palaging may mga pangyayari na tila haharang sa atin sa pag-abot nito, pero ang mga balakid na ito ang mas magpapatatag pa sa atin at magbibigay ng direksyon. Nagsasawa ka na bang mag-trabaho sa gabi? Tipo bang mas gusto mo na ngayon iyong hindi ka lang nasisikatan ng araw, ikinatutuwa mo na rin ang masikatan nito. Kaya lang ang trabahong hawak mo ngayon sa gabi nga lang, paano ang gagawin mo? May nahahawakan ka bang pera? Umpisahan mo mag-ipon iba kase kapag meron kang hawak na sarili mong pera parang mas panatag ang loob mo na kaya mong ingatan ang sarili mo. Isang araw makikita mo naririyan na ang pagkakataon para makalipat ka ng trabaho. Kung wala ka namang trabaho at ayaw mo pang umuwi sa Pilipinas dahil pakiramdam mo may pagkakataon ka pa para makapag-hanap-buhay dito sa Japan, dapat din sigurong maging matapang ka at lumapit sa isang mapagkakatiwalaang Filipino na maaring makatulong sa iyo. Kung ang pangarap mo naman ay isang maayos na pamilya pero malimit kayong mag-away ng asawa mo, na kung pwede lang hiwalayan mo na siya, pero iniisip mo ang kapakanan ng mga anak ninyo, gawin mo ang lahat para maitama mo ang lahat. Naipakita mo na ba ang lahat ng katangian mo sa asawa mo para mas bigyan ka niya ng halaga at respeto? Alam mo, ang maganda sa isang pangarap ng isang tao ay sa kanya lamang nakasalalay ang katuparan ng kanyang pangarap. Hindi maaring gagawin ng nanay mo ang pangarap mo para sa iyo, pangarap mo iyan, diskarte mo yan! Totoo merong mga tao na sinuwerte na tila hindi man lang nakatikim kahit konting sakripisyo sa pag-abot ng kanilang  mga pangarap (manalo kaya ako sa Lotto?) pero iba ang hatid na saya ng katuparan ng isang pangarap na pinaghirapan mo, na pinagpaguran mo, mas makinang, mas nakakataba ng puso, mas may halaga!

Iba-iba ang ating mga suliranin at iba-iba rin ang ating mga pangarap. Pinagkalooban tayo ng lakas para sagupain ang lahat ng problema at inspirasyon para mangarap. Bakit hindi natin gamiting mabuti ang mga instrumentong ito para sa mas makulay at mahusay na buhay? Huwag lang tayong makakalimot tumawag sa Kanya at makikita mo kapatid.  Bagong Taon, bagong buhay!

No comments:

Post a Comment