TULUY-TULOY
Mga Tula ni Karen Sanchez
Buhay sa Japan
Sa Manila ako'y naging isang tindera,
Ng mga damit sa SM at Glorietta
Nangarap na makapangibang bansa,
Nang maiahon ang aking pamilya
Sa Brunei at Malaysia ako'y naging turista,
Nagtrabaho kahit walang karampatang bisa
Sa kaunting kita, hirap at pagod ay di ininda,
Makapagpadala lamang sa aking
mga kapatid at ina
Kaibigang Hapon sa akin ay naawa,
Kami'y nagkasundo at dito ako'y
kanyang dinala
Upang kanyang mga magulang
ako'y mag-aalaga,
Pag nagkasakit at sa kanilang pagtanda
Sa simbahan, mga Pilipino'y nakilala
Dito rin ay nag-aral ng Hapon na salita
Trabaho ay marami, pag masipag ka
Edad o edukasyon rito ay di alintana
Dito, kailangan tiis, sipag at tiyaga
Oras man o trabaho ay may halaga
Maging ikaw ay Hapon man o banyaga
Pagkat karamihan buhay dito ay kanya-kanya
Ngunit para sa akin pamilya ay nangunguna
Kaligayahan ko'y ang matulungan sila
Magsakripisyo man, para sa kanila
Alam kong ang Diyos
ako'y kanyang pinagpapala.
Mga Hapon at Hamon
Mula noong pangalawang digmaan
Mga Hapon sa Pilipinas ay nagpuntahan
Manakop para sa kapangyarihan
Ngunit sa Amerika ay naging talunan
May maganda't pangit na kainahinatnan
Ang iba'y lumisan at may ibang nanirahan
May pinakasalan at may naanakan
Kagandahan nito, sila'y di napapabayaan
Bansang Hapon sila ay pinagkakalooban
Karapatang makapagtrabaho at manirahan
Taon man ang mga nagdaan
Tinuturing sila rin ay mamamayan
Karamihan "Japan" ay gustong puntahan
Kung bakit, ito'y sa maraming dahilan
Sa pamamaraang pangkabuhayan man
At sa gobyerno batas ay pinahahalagahan
Sa pulitika malaki din ang kaibahan
Mga namumuno pag di kaya,
pwesto binibitawan
Sa Pilipinas di man sapat ang kaalaman
Ang iba'y di naiisip, sila'y maluklok lamang
Buhay nga naman ay para-paraan lamang
Maganda man o hinde ang mga pinagmulan
Mahalaga ay kung paano ka lumalaban
Sa hamon ng buhay,
Diyos nama'y di ka pababayaan.
No comments:
Post a Comment