Isang Araw sa Ating Buhay
ni Jeff Plantilla
May mga Hapones na nagsasabi na ang Osaka ay ang kitchen ng Japan. Pero nung sinabi ko ito sa isang Hapones, hindi siya sumang-ayon. Sa tingin niya, yung lugar niya ang kitchen ng Japan. Basta’t pagkain, malakas ang interes ng mga Hapones.
Kalagayan Ng Pagkagutom
Ang pinuno ng regional office ng Food and Agriculture Organization (FAO) para sa Asia-Pacific ay isang Hapones. Nagbigay siya ng isang report sa isang meeting sa Bangkok nitong Disyembre 2012 tungkol sa kalagayan ng pagkain sa buong mundo. May ilang bagay sa sinabi niya na magandang malaman. May isang bilyong tao sa ngayon na nasa status ng “chronic hunger.” Ito ay yung mga taong talagang mahirap at hindi kumakain ng sapat sa bawa’t araw. Nguni’t may isa pang bilyon ng mga tao na overweight at kaya may problema sa diabetes, at iba pang mga sakit sa katawan. Sa gitna ng mga taong ito, may dalawang bilyong tao na may “micronutrient deficiency,” yung mga taong may kulang sa ilang bagay sa katawan tulad ng vitamins.
Marami pa rin ang may problema sa pagkain – may nagkukulang ang budget sa pagkain at may nagtatapon na ng pagkain dahil sobra na ang dami.
Ang rehiyon ng Asia-Pacific ay may pinakamataas na economic growth rate sa buong mundo. Ito ang may pinakamagandang economic outlook. Pero 62% ng mga taong gutom ay mula sa Asia-Pacific. Ibig sabihin, kahit mataas ang antas ng paglago ng ekonomiya sa Asia-Pacific, hindi pa rin ito sapat upang mapaliit ang dami ng taong gutom. May napakalalaking mga bansa na sakop ng Asia-Pacific na may napaka-maraming mamamayan. Mahigit sa dalawa at kalahating bilyon ng mga tao sa buong mundo ay nasa Asia-Pacific. Kaya malaki ang problema tungkol sa pagkain. Sinabi rin niya na ang paglaki ng mga siyudad, pagdami ng tao sa mga siyudad, ay dahilan ng pagbaba ng dami ng pagkaing napo-produce. Nababawasan ang mga magsasaka sa probinsiya, at ang mga lupang tinataniman ng pagkain (palay, gulay, prutas at iba pa) ay nagiging subdivision o housing projects o commercial zones. Dagdag pa rito ang mga disasters – bagyo, lindol, tag-tuyot, baha at iba pang sakuna – na bumabawas sa pagkain at nagdadagdag sa pangangailangan ng pagkain.
Pagkain Sa Japan
Isa sa mapapansin natin sa Japan ay ang dami ng pagkaing mabibili. Marami ang galing sa iba’t-ibang panig ng mundo. Kilalang-kilala na ang saging, pineapple at manga mula sa Pilipinas. May salmon na galing sa Norway, karneng baka mula sa Australia, prutas mula sa California, at iba pa. Karamihan sa mga ito ay may mataas na kalidad, at minsan ay mura.
Mas mahal yung pagkaing galing sa Japan mismo tulad ng bigas, gulay at prutas. Mara-ming nagsasabi, at nakikita naman natin, na ang magsasakang Hapones ay hind tulad sa ating magsasaka na mahihirap. Sa imbes, sila ang may malalaking bahay sa kanilang kanayunan at maganda ang buhay kahit pagsasaka lang ang ikinabubuhay.
Napatunayan sa Japan ang benepisyo ng land reform, na ipinilit na gawin sa bansa ng mga Amerikano upang mawasak ang lakas ng mga maimpluwensiya at mayamang pamilya na sumuporta sa pamahalan nuong second World War. Samantalang sa Pilipinas, walang land reform na nangyari sa loob ng 50 taong pamamamahala ng mga Amerikano. Si General Douglas McArthur ay parehong naging opisyal na namuno bilang bahagi ng gobyernong Amerikano sa Japan at Pilipinas. Nguni’t magkaiba ang kanyang programa, lalo na tungkol sa lupa, sa dalawang bansa. Kung ginawa kaya sa Pilipinas ng mga Amerikano ang land reform na ginawa sa Japan, aangat din kaya ang buhay ng magsasakang Pilipino?
Bigas Bilang Kultura
Nung minsang ginawang madali ang pag-import ng bigas mula sa ibang bansa, may nabalitang pagtutol ng ilang mga Hapones. Nakita ito sa isang photo sa dyaryo ng isang negosyanteng Hapones na nagtapon sa kalye ng bigas na imported para sabihin na hindi niya ipagbibili ang ganuong klase ng bigas. Gusto niyang ipahiwatig ang halaga ng bigas japonica na dapat ay solong bigas na itinatanim, ipinagbibili at kinakain ng mga Hapon.
Dito lumalabas ang malalim na dahilan kung bakit ang bigas japonica ay mahalaga sa mga Hapones. May sinasabing ang bigas japonica ay kaugnay sa kulturang Hapones. Ang kanilang pagkain tulad ng sushi ay nangangailangan ng bigas japonica upang maging tunay na pagkaing Hapones.
At dahil dito, mahalaga na mapangalagaan ang bigas na ito at hindi mawala dahil sa pag-i-import ng mas mura at ibang klaseng bigas mula sa ibang bansa.
May nabasa ako na ang bigas na itinatanim ng mga taga- Mountain Province (kasama yung sa rice terraces) sa Pilipinas ay kapareho sa bigas japonica. Maaaring tama. Ang butil ng bigas na ito ay kapareho sa hugis ng bigas japonica – may pagkabilog at maikli – hindi katulad sa ating karaniwang bigas sa palengke sa Pilipinas.
Pero hindi kailangang bigas japonica ang gagamitin para makakakain ng sushi sa Pilipinas. May natuklasan kami ng asawa ko sa isang mall sa Pilipinas na sushi at lasang tunay na sushi ngunit bigas mula sa Pilipinas ang ginamit. Ang sekreto ay ang paghahalo ng bigas na malagkit sa bigas milagrosa at yan instant bigas japonica! May nabalitang isang paraan upang mapangalagaan ang bigas japonica ay ang paglimita sa dami ng bigas sa palengke. Dahil ang pagdami ng bigas na ibinibenta ang magpapababa ng presyo ng bigas. Sa ganitong paraan, protektado ang kita ng mga magsasaka. Sinusuportahan ng gobyerno ang magsasaka sa hindi pagtatanim ng palay upang hindi dumami ang palay at bumaba ang presyo ng bigas sa palengke. May kita ang magsasaka kahit nagbabawas ng pagtatanim ng palay!
Nguni’t nagbabago ang panahon at isipan. Kung noon ay kayang itapon sa kalye ang imported na bigas, hindi na ngayon. Una, tinatanggap na rin ang imported na bigas dahil nasasarapan na rin sa ganitong kakaibang uri ng bigas. Pangalawa, dahil sa hindi magandang kalagayan ng ekonomiya, hindi na masyadong mahalaga kung ito ay bigas japonica o imported, ang mahalaga ay kung ito ay abot-kaya ng bulsa. Nguni’t kahit nagbabago na ang isipan at panglasa ng mga Hapon, malakas pa rin ang pag-iisip ng mga taga-gobyerno at ng mga magsasaka na pangalagaan ang pagtatanim ng bigas japonica sa gitna ng malakas na puwersa ng free market. Naging malaki ang epekto ng “Lehman shock” sa ekonomiya ng bansa at sa pag-iisip ng mga Hapones. May mga pamilyang nasira – nag-divorce ang mga mag- asawa - at naghirap ang pamilya. May isang TV show na nagpalabas ng isang documentary tungkol sa isang biktima ng Lehman shock. Bumagsak ang negosyo niya at nag-divorce sila ng asawa niya. Umalis siya ng Japan at hindi na nakikita ang apat na anak. Nagdesisyon siya na tumira sa Paraguay – sa isang community ng mga Hapones. At bilang hanapbuhay, nagtitinda siya ng himono – sardinas na pinatuyo at iniihaw bago kainin – na siya mismo ang gumagawa. Ang paggawa at pagtitinda ng pagkain ang tunay na isang mahalagang pinagkukunan ng hanapbuhay.
Malaki na rin sa ngayon ang negosyong 100 Yen shop dahil maraming Hapones na ngayon ang gusto ang murang bilihin na galing sa Japan at ibang bansa. Sa lugar namin, nawala na ang dalawang grocery stores at napalitan ng isang 100 Yen shop na may pagkain at ibang bagay na kailangan sa araw-araw na buhay. Nagbago na ang pag-iisip ng mga Hapones tungkol sa mga bagay na binibili kasama ang pagkain, kumpara sa aking dinatnan mga 17 na taon na ang nakakaraan.
Bigas Bilang Export
Ilang bansa sa Asya ang pinakamalaking exporters ng bigas sa buong mundo. Sobra-sobra ang kanilang inaaning bigas kaya’t nakakapag-export sila ng marami. Kaya nga sa ibang rehiyon ng mundo (north America o Europe), kapag bigas ang hahanapin, ang bigas mula sa mga bansang ito ang mabibili.
Nguni’t kung maraming mamamayan ang nagkukulang sa pagkain, isang bansa sa Asya ay sinasabing hindi dapat nag-e-export ng bigas. Sinasabing sa imbes na mag-export dapat ay sa sariling naghihirap na mamamayan nagbebenta o di kaya ay nagbibigay ng libreng bigas.
Need And Greed
Sinabi nung taga FAO na sa pangkalahatan ang dami ng pagkain ay hindi sapat sa dami ng pangangailangan. Kulang ang pagkain para sa dami ng taong kakain. May mga disasters na sumisira sa mga pananim at lupang taniman. Kulang na ang lupang tinataniman sa ilang bansa sa Asya na hindi na kayang magpalawak pa ng kanilang taniman. May problema din sa tubig, kulang na para sa pagtatanim o anumang gawain sa pagpo-produce ng pagkain.
Nguni’t ang isang mabigat na dahilan ay yung problema ng hindi pantay na pag-ikot ng pagkain (food distribution). Kahit na hindi pareho ang dami ng pagkain sa dami ng kakain, kaya pa ring mapakain ang hindi kumakain nang sapat kung ang pagkain ay umiikot nang maayos. Akma pa rin ang sinabi ni Mahatma Gandhi: “There is enough on Earth for everybody's need, but not enough for everybody's greed.” Kapag maraming pagkain masaya ang lahat. Yan ang pinagmulan ng mga matsuri at fiesta. Nguni’t kapag nagkukulang ang pagkain, maraming problema ang lumalabas.
No comments:
Post a Comment