Thursday, January 17, 2013

Renaliza Rogers

SA  TABI   LANG   PO
Ni Renaliza Rogers

Anong Bago?

Bagong taon na naman, 2013 na. Ang bilis ng panahon. Hindi na ako mabibigla kung maya-maya eh 45 years old na ako ng hindi ko namamalayan. Ang buhay ko'y medyo ganun pa rin, salamat sa Diyos at buhay pa. Hindi pa naman pala katapusan ng mundo. Sabi kasi nila December 21, 2012 daw magugunaw na ang mundo. Kaya't hindi ko na tinupad ang resolution ko last year (ang mag-diet) kasi wala rin namang kwenta ang magpa sexy kung magugunaw din lang ang mundo. Palpak pala ang mga walang hiyang mang-huhula at heto ako't lalo pang lumusog.

So, 2013 na nga naman, na survive na natin ang "end of the world." Isang taon na naman ang lumipas pero anu-ano nga ba ang nagbago sa personal nating mga buhay? Eto ang tanong na palagi kong tinatanong sa sarili ko...ano nga ba ang nagbago sa buhay ko sa loob ng isang taon?

Marami nga naman ang nagbago. Natural lang naman yan sa buhay ng tao. Ika nga, walang permanente sa mundo kundi ang pagbago. Pwede namang bagong tina ang buhok ni lola, pwede ring bagong gupit si Nonoy, bago na ang trabaho ni Juan, bago na rin ang shota ni Neneng at kung anu-ano pa.

Sa taong 2012, nagtapos na ang aking buhay estudyante nung Marso. Kung tutuusin, pang habambuhay tayong estudyante ng buhay pero ang kolehiyo ay may hangganan. Matapos nun, naging tambay ako ng kaunti, aasa-asa sa konting inipon na galing sa baon at kung anu-anong raket, hanggang sa nagsawa din sa buhay tambay at naghanap ng trabaho after a few months. Sa lahat ng trabahong pwede kong pasukan, ang pagtuturo pa ng English ang aking kinindatan. "Mabuti nang tamad kesa pagod" ang aking pilosopiya sa mga panahong iyon kaya ang magaang trabaho ang aking pinili. Buti naman at nag-eenjoy ako kahit papano sa kakarampot kong sweldo.

Sa taong 2012 din, apat ang inampon kong kuting na pinagpupupulot ko sa kalsada at lahat sila'y namatay sa hindi maipaliwanag na dahilan. Noong una'y natagpuan ko si "Juice" at ang kapatid niya  sa damuhan na basang-basa sa ulan at may tali sa leeg. Nilinis ko sila't pinakain. Naunang pumanaw ang kanyang kapatid makalipas ang tatlong araw dahil sa pagtatae. Si Juice naman ay naging malusog at kamuntikan pang  madala pauwi ng kapitbahay naming Koreano nang hinanap nito ang nawawala din nilang kuting. Ngunit isang araw ay biglang nanghina si Juice at kinabukasa'y natagpuan ko na siyang walang buhay kaya't nilibing namin siya sa ilalim ng malunggay.

Makalipas ang dalawang buwan ay animo'y parang tukso at nakatagpo ulit ako ng dalawang kapapanganak na kuting sa tapat ng bahay. Ito'y sina Jimmy at Winston. Naging masaya sila dahil inampon sila ng aking pusang si Ursula at pinadede kaya't sila'y lumaki at lumusog sa loob ng dalawang buwan. Ngunit ang masaklap ay nasagasaan si Ursula sa labas ng bahay at nawalan ng foster mom ang dalawang pusa. Isang araw, bigla din silang nanghina pareho at, tulad ni Juice, bigla ko na rin lang natagpuang wala ng buhay kinabukasan sina Jimmy at Winston. Sa ngayon, sina Bob at James na lang ang natitira sa aking mga pusa. Ang lima ay nailibing na sa ilalim ng malunggay.

Isa pang bago sa bahay namin ay nadagdagan nanaman ang aming palamunin. Meron kaming bagong tuta at ang pangalan niya'y Mike. Christopher ang orihinal na pangalan niya nang bigla siyang ibinigay sa amin ng akin tiyahin. Kaya lang, masyadong mahaba ang Christopher kaya't Mike na lang. Kung ikukumpara sa pitong taong gulang kong asong si Stanley, napakapangit nitong si Mike. Kung sila'y naging tao, mestizo itong si Stanley at si Mike naman ay masyadong jejemon na ubod ng payat. Ang nakakatuwa lang sa kanya ay animo'y tuwang-tuwa siya tuwing nakikita niya kami. Tuwing darating ako sa bahay, hindi na magkaintindihan sa saya itong si Mike. Tatakbo siya't sasalubong ng kekembot-kembot ang pwet. Sa sobrang tuwa nga minsan, siya'y napapa-ihi.

Marami nga namang nangyari sa 2012. Sa taong din iyon, sumakabilang-buhay na ang aking mahal na lola. Napakalungkot pero masaya na rin kahit papaano dahil siya'y nakapag-pahinga na sa piling ng Diyos. Oo, sa panahong iyon medyo nagunaw ang mundo ng aking pamilya. Siguro nga'y iyon na ibig sabihin ng mga end-of-the-world theorists.

Kung aking iisipin, mas masaya at mas kuntento ako sa buhay ko ngayon dahil sa nagdaang taon. May mga natapos na yugto sa buhay ko at may mga nawala pero may mga panibagong simula at mga bagong dumating sa buhay ko na mas nagpaganda ng aking pananaw at mas nagpamahal ng buhay sa akin.

Sa ngayon, wala munang masyadong resolution. Magsumikap muna sa abot na makakaya upang maging mas maunlad, masaya at makabuluhan ang taong 2013 para sa akin. At kung sakaling kapusin man, okay lang, kakayanin! Hindi bale kasi may makakain naman at mataba ang malunggay.



No comments:

Post a Comment