Ano Ne!
ni Jasmin Vasquez
Araw Ng Puso
Bakit dito sa Japan, ang Valentine's Day ay para lamang sa mga lalake?
Katatapos lamang ng Pasko at Bagong Taon. Marahil di pa rin natin naililigpit ang ating mga dekorasyon na ating ikinabit sa ating mga tahanan. Nakakatamad pang kumilos dahil ito ang buwan na pinakamalamig dahil sa pag-ulan ng yuki o snow at lalung-lalong mada-dagdagan pa ang lamig kapag sumapit na ang tag-tunaw nito.
Kapag dumarating ang date ng February 14, ano ang unang sumasagi sa iyong isipan? Halos ang buong mundo yata, bukod sa Pasko, ay isini-celebrate ang araw na ito. Ito na rin yata ang may pinaka-romanti-kong celebrasyon--"Ang Araw ng mga Puso." Nangunguna dito ang mga mag-asawa o di kaya ay magkasintahan. Karaniwang nagbibigay ng bulaklak ang lalake sa babae. Gayundin ay nagpapalitan ng kani-kanilang mga regalo ang bawat mag-kasing irog. Kakain sa labas o di kaya ay manonood ng sine. Ang sarap ulit-ulitin ang mga ganitong okasyon kung ikaw ay mayroong minamahal. Sayang nga lang, hindi ko yan mararanasan dahil single ako ngayon...hahaha. Nagpapatawa lang po, masyado tayong seryoso.
Isang araw ay may nag-comment sa aking huling isinulat sa November/December issue ng Jeepney Press, "Jasmin, ang ganda ng iyong sinulat. Parang naalala ko nung aking kabataan. Totoo yon mga sinabi mo na: ”...nangu-nguha kami ng mga tansan at ginagawa naming tamborin at gumagawa ng tambol mula sa lata ng mga gatas para makapag-caroling at ang saya-saya noon kahit walang gaanong pera.” Natuwa naman ako dahil nagustuhan niya ang aking isinulat. Sinabi ko sa kanya na ang susunod kong topic ay tungkol sa araw ng mga Puso. Bigla ay naisipan nya akong tanungin. Maaari mo bang isulat kung bakit dito sa Japan ay medyo iba ang selebrasyon ng February 14. At bigla din akong napaisip, bakit nga ba? Pinangako ko sa kanya na sasagutin ko ang kanyang katanungan. Marahil marami din sa inyo ang hindi pa rin nakakaalam ng tunay na kasagutan.
Sa ibang mga bansa, ang araw ng mga puso o Valentine’s Day ay araw ng dalawang taong nagmamahalan. Ngunit dito sa Japan, iba ang ibig sabihin. May tinatawag sila dito na St. Valentine's Day at White Day. Ang February 14 ay araw ng pagbibigay ng chocolate ng mga babae para sa lalake, at matapos ang isang buwan ay sasapit naman ang March 14 upang ang mga lalake naman ang magbigay ng kanilang regalo sa mga babae bilang kapalit sa kanilang natanggap sa araw na iyon.
Nag-research ako at napag-alaman ko na ang St. Valentine’s Day pala ay mula mismo sa bansang Hapon hango sa isang Japanese confectionery company na itinayo simula pa noong taong 1958. Ang mga babae lamang ang magbibigay ng regalo sa mga lalake at iyon nga ang chocolate. Matapos ang isang buwan ay kailangan suklian din ng regalo ng lalake ang isang babae bilang kapalit sa kanyang iniregalo dito. Ang White Day naman ay pinaniniwalaang nagsimula at hinango sa pangalan ng White Marshmallow Manufacturing Company na itinayo noong 1960's. Ang marshmallow naman ang kapalit sa chocolate na iniregalo sa lalake ng babae hanggang sa tumagal at lumipas ang mga taon nadagdagan na ng ibang mga candy, bulaklak at iba’t ibang regalo na nais mong ibigay hanggang sa maging popular sa pagdaan pa ng mga taon.
Ibig sabihin nito hindi araw ng mga puso ang February 14 dito sa Japan. Kaya kung iisipin iba pa rin tayong mga Pinoy pagdating sa puso at pag-ibig. Kahit ilang beses na tayong nasasaktan, hindi pa rin tayo tumitigil magmahal. Masarap kasi ang pakiramdam ng nagmamahal ka at lalo na mahal ka rin ng mahal mo, kaya para sa mga single na katulad ko, huwag tayong malungkot dahil hanggat tumitibok ang ating puso ay pwede pa tayong magmahal.
Para sa taong nagtanong sa akin tungkol sa history ng St. Valentine's Day, sana ay nakatulong ako sa kaunting sagot na aking naibigay. God bless us all.
Happy Valentine's Day!
No comments:
Post a Comment