Side Trips
by Jackie Murphy
Ano ba itong term na “breadwinner” ito? Ito ba ay bread o ito ba ay “winner?” (just kidding…)! Ito ba ay namamana o choice? Sino-sino ba ang mga gumaganap na “breadwinner,” mga lalaki ba o babae? Panganay ba o bunso? Gaano o paano ba nagsimula ang concept na ito? Originally, sa isang pamilya sino ba talaga ang tumatayong breadwinner? Tatay ba o nanay? Si ate ba o si kuya? Pero bakit marami sa ating mga Pinoy na sa murang edad pa lang ay isang ‘breadwinner’ na? Hanggang kelan ba ang responsibilidad na ginagampanan ng isang breadwinner? Paano ba nagsimula ito?
Sa bawat pamilyang Pilipino, ang breadwinner ay mga ama ng tahanan. Pero ng dahil sa mahigpit na pangangailangan o situwasyon, ito ay kusang naipapasa sa mga susunod na miyembro ng pamilya at taos-puso itong inaako. Kung hindi na kaya ni tatay dahil nawalan ng trabaho o dahil maliit ang kita, di sapat para sa buong pamilya isama pa ang humihinang kalusugan ng mga magulang. Ito ay kusang-loob na pinani-nindigan ng pinaka-may-pagmamalasakit na anak. Isama na rin natin ang mga anak na napipilitang akuin ito kung ang kanilang padre de familia ay sumakabilang-bahay na…tsk..
Bihirang sinasabi o ipinapatong ng mga magulang ang napaka-bigat na responsibilidad na ito sa mga anak bagkus ay kusang nakikiramdam ang mga anak upang magbigay daan para makapagpahinga hanggang bumalik sa tamang kalusugan ang mga magulang. At dito na magsisimulang magpaalam ang mga anak na tumigil sa pag-aaral at maghanap na lang ng trabaho para makatulong para sa pamilya.
Nandiyan ang pumasok bilang kasambahay makapagpadala lang ng buwanang pantustos sa araw-araw na gastusin.
Nandiyan din ang mga di na nakapag-asawa hanggang tumanda ng dahil sa di matapos-tapos at di maubos-ubos na pagtulong at pag-aaruga sa mga miembro ng pamilya.
Nandiyan din ang magprisintang mag-OFW para mas malaki ang ipon sa pagpapaaral sa mga bunsong kapatid at pagpapa-ospital at gamot sa karamdaman ng mga magulang.
Eh bakit hindi uso ito sa ibang bansa kagaya ng Japan, America o Canada?
For one, it’s not a part of their culture to take care of other members of the family’s needs. “To each his own” ika nga. Everyone is responsible for his own welfare if the parents can’t provide. When you reach the adult age, you need to find yourself a job, get yourself an apartment and be responsible for your own life the way you want it. Total freedom… equals… Survival…
Secondly, halos lahat ay may trabaho kahit maliit lang ang suweldo. Mahalagang ma-sustain ang pang-araw-araw na pangangailangan at ikabubuhay unlike sa Pilipinas na marami ang walang trabaho, marami rin ang mga tambay at kung may mga kamag-anak na nagpapadala ng dollars o dinar o lapad, bihira na ang nagbabanat ng butong maghanap ng trabaho. Kung maka-hanap naman ng trabaho halos kulang pa at pantawid-gutom lang din. Pilit na pinagkakasya ang maliit na sahod sa araw-araw na panganga-ilangan ng buong pamilya.
Samantalang sa mayayaman na bansa, kahit teenager pwedeng makaipon ng pambili ng kotse o pantustos sa sariling pag-aaral na hindi na kailangang umasa pa sa magulang. Ito ay nakakamtan sa pamamagitan ng disiplina sa luho sa katawan at pagpupursigi na matupad ang pangarap.
Likas sa ating mga Pilipino ang matulungin sa kapwa lalo na sa panahon ng kalamidad at kagipitan ng mga kapatid at kapamil-ya. Pero ang tulong na yun ay minsan lang hanggang makabalik at makabawi sila sa hagupit na pinagdaanan.
Samantalang kung breadwinner ka, tanong ng karamihan sa atin ay, “Hanggang kelan matatapos ang responsibilidad na ito?” Paano kung mag-asawa na si kuya o si ate, sino pa ang tutulong sa amin, kina tatay at nanay? Sa sobrang close family ties ng mga Pinoy, nandiyan pa rin ang mga sikretong pagpapadala on the side (kahit na mas konti na kesa sa dati) ni kuya sa mga kapatid at magulang ng di nalalaman ni misis. At kung sakaling malaman, naku po, yan ay isa sa mga nagiging sanhi ng pag-aaway ng mag-asawa. Marami tayong mga kababayan na nasa ibang bansa na di maiwasang mag-aalala sa mga magulang at kapatid na naiwan doon, patuloy na umaasa sa buwanang padala ngunit ang katumbas madalas ay makalimutang ang pagpapahalahaga o paglalaan din para sa sarili.
Ang hindi alam ng marami ay ang napakalaking sakripisyong pinagdadaanan ng mga itinuturing nating mga breadwinners mapalokal man o OFW sa ating mga pamilya na sila ay mga buhay at totoong mga “bagong bayani” ng ating bayan. Nandiyan ang tinitipid ang sarili sa pagkain o pamasahe o bumili na lang ng bargain na winter jacket para sa sariling kaarawan makabili lang ng brand new na bisikleta para kay Junior.
At ilan sa aking mga nakakakuwentuhan ay dumadaing din ng kanilang saloobin pagdating sa kanilang role bilang isang breadwinner. Ang mga sumusunod ay ilan lamang sa kanilang mga hinaing:
1. Hindi napapahalagahan ang mga pinapadala bagkus ay nawawaldas sa mga mas hindi kailangan na bagay sa bahay.
2. Nalulustay sa bisyo ang mga pinagpagurang pera.
3. Nagdudulot ng mas higit na katamaran sa mga miyembro ng pamilya dahil sa siguradong nakalaang buwanang sustento.
4. Paglilinlang o pagsasamantala sa mga situwasyon para makahirit pa ng mas malaking halaga.
5. Naaalala lang sila kung may kailangang bilhin o bayaran.
6. Minsan feeling remote dahil sobrang unfair na walang ibang kamag-anak na tumutulong sa pamilya kasi nakapatong sa balikat halos ang lahat-lahat na tungkulin.
7. Inaabuso ang mga patakaran dahil walang nagsusumbong o di kaya’y nagtatakipan para di mabisto ang mga kalokohan.
8. Hindi nabibigyan ng halaga o malasakit ang mga bagay o gamit na naipundar.
9. Napapagod na sa walang katapusang responsibilidad.
10. Walang nakakaalala sa birthday ko o di man lang sila makapagpadala ng Christmas card man lang tanda ng ako’y kanila ring naalala sa kaarawan kong yun. Pag natanggap ang pera pati “thank you” wala rin.
11. Pati mga kapatid at mga pamangkin na nagsi-asawa na at malalayong kamag-anak ay umaasang matulu-ngan din sila at kung hindi mapagbigyan ay ito na rin ang hudyat ng selos at away.
12. Nakapagbigay at tumulong ka na nga, meron pa rin silang nasasabi. Di man lang nila ma-appreciate ang nakayanan ko.
13. Pambayad ko na lang ng mga utilities ko, sa kanila ko pa ilalaan dahil sa mga pang-emergency nilang pangangailangan.
Hayyyzzz….kahit na ano pa ang pinagdadaanan natin sa ngayon, maituturing na ibang klase pa ring tayong magmahal na mga Pinoy unconditionally kung tawagin lalo na sa ating mga mahal sa buhay. Walang kadaladala…ganyan natin sila kamahal…tsk…
Wala mang due date ang role mo at responsibilidad na ito para sa pamilya mo pero sa kalooban mo alam mong ikaw ay nakakatulong at mararamdaman mong ikaw ay higit at patuloy na mamahalin at kakailanganin nila. Alam mo ring ikaw ay isang dakilang “bayani” hindi lang sa puso at diwa kundi sa isip at gawa.
Mabuhay ka, Pinoy!
Happy reading!
Yoroshiku onegaishimasu...
very interesting and very true to life... I hope that all of us, pinoy and pinay can feel and learn something more about ( arigatami ) in Japanese wordings.. toward sa mga bread winner.. kasi , losser na ang outcome ng word "winner" dahil mostly of the relatives and others, dont even appreciate all the efforts of the breadwinner..
ReplyDelete