Wednesday, March 19, 2014

Dr. JB & Nelly Alinsod

A SPRING PRAYER



March-April 2014

Panginoon Diyos, salamat po dahil ang mga mahahabang gabi ng tag- lamig ay natapos na. Wala na ang mga araw ng lungkot at pighati. Ngayon ay malaya na ako sa mga mabigat na pasanin at sugat ng tag-lamig. Salamat po at mayroong bagong panahon ngayon ay nagsisimula. Salamat sa panahon ng panibagong-sigla!

Diyos, nasa iyong kamay ang mga oras at panahon. Sa pagdating ng tag-sibol, tulungan mo akong makamit ang lahat ng pagpapalang dala nito. Kailangan ko ang iyong biyaya upang gisingin ang puso ko mula sa pagkahimbing. Kailangan ko ang iyong lakas upang iwanan ang pagdududa at lungkot. Bigyan mo ako ng pusong tulad ng bata sa pagtanggap ng buhay at pag-asa. Kung paanong ang kalikasan ay nagpapasakop sa iyong kapangyarihan, sumusuko ako sa iyo at sumasamo, “Ang kalooban mo ang mangyari sa buhay ko.”

Bayaan mo, O, Diyos, ang iyong ambon ng kahabagan ang maglinis ng lahat ng aking karumihan. Palambutin nawa nito ang aking puso upang malayang sumibol ang bagong buhay. Hipan mo ng iyong presensya ang mga nakatatakot na ulap. Ibalik mo po ang kulay at samyo ng masiglang buhay sa akin.

Panginoong Diyos, matagal na akong nagtatago sa aking sarili. Nahimbing ako ng mahabang panahon sa lilim ng pighati. Nagkubli ako sa yungib ng kawalan ng direksyon sa buhay. Ngunit ngayon, sa pananampa-lataya, binubuhay ko ang aking tiwala at tumitingin ako sa matatayog na pangarap. Nakatitig ako sa magagandang kaparangang puno ng pinakamabuti na iyong inihanda sa mga nagtitiwala sa iyo. Pinalalaya ko ang aking sarili mula sa takot na magkamali. Angkin ko ang kalayaan na magsimulang muli at maging matalino.

Makapangyarihang Espiritu, tulungan mo akong manalig muli sa mga bagong bagay na taglay ng bagong panahong ito. Tulungan mo akong maunawaan na ikaw ang iisang Diyos na nagbabago ng kalikasan ay kayang magbago ng aking buhay. Ikaw na nagpapasibol at nagbibigay ng bulaklak at bunga sa mga halaman ay kaya ring magbigay ng tagumpay at kasaganaan sa akin. Ikaw ang Makapangyarihang Manglilikha na nagpupuno ng tigang na lupa ng luntiang damo at makukulay na bulaklak ay siya ring magpupuno sa akin ng pag-asa at tibay ng kalooban.

Diyos nagtitiwala ako sa iyong salita na, “Ang sinuman na kay Kristo ay bagong nilalang: Ang luma ay nawala na, ang bago ay dumating na.” [2 Corinto 5:17]. Panginoon Hesus, sumasampalataya ako sa iyo. Nananalig ako sa iyong salita. Salamat po sa bagong panahon ng pag-asa, pag-sulong at kagalakan sa aking buhay.


No comments:

Post a Comment