Isang Araw Sa Ating Buhay
March-April 2014
Nabasa ko isang araw sa Jeepney Press ang balita tungkol sa pagpapatupad ng regulasyon na kailangan na ng judicial recognition ng divorce na nakuha sa labas ng Pilipinas bago makapag-asawa muli ang Pilipinong na-divorced.
Walang divorce sa Pilipinas noong panahon ng mga Kastila. Ganito rin ang batas na ating ipinatutupad sa ngayon. Nguni’t puwede ang divorce noong “peacetime” at “wartime” sa ating bansa.
Ang Nakaraan: Divorce sa Pilipinas
Nung 11 Marso 1917, panahon ng mga Amerikano, lumabas ang “Divorce Law” (Act 2710). Ang batas na ito ay tungkol sa “absolute divorce” – yung pagsasawalang-bisa ng tunay na kasal. Sa batas na ito, maaring mag-divorce ang mag-asawa kung ang asawang lalaki ay nahatulan ng korte na gumawa ng krimeng “adultery” (pakikipagtalik ng isang may asawa sa isang hindi niya asawa), o kung ang asawang babae ay nahatulan ng korte ng krimeng “concubinage” (pagsasama bilang mag-asawa ng isang taong may asawa sa isang hindi niya asawa sa mismong bahay ng may asawa o ang pagtatalik nila).
Nung 25 March 1943, panahon naman ng mga Hapones, may lumabas na bagong batas tungkol sa divorce (Executive Order 141). Sa batas na ito, may dumagdag na mga dahilan para makapag-divorce tulad ng pagkakaroon ng nakakahawang sakit, hindi malulunasang sira ng ulo, paulit-ulit na malalang karahasan, hindi pag-uwi nang mahabang panahon sa tahanan ng mag-asawa, mga gawain o salitang pang-i-insulto o pangungutya sa asawa.
Ibig sabihin nito, may batas sa Pilipinas para sa divorce mula 1917 hanggang 1945. Ito lamang ang panahon sa kasaysayan ng batas sa Pilipinas na pinapayagan ang divorce.
Sa bagong batas sa bagong republika ng Pilipinas (Civil Code of the Philippines, 18 June 1949), hindi na muli pinayagan ang divorce.
Ang Kasalukuyan:
Walang Absolute Divorce
Sa kasalukuyang batas na umiiral (Family Code of the Philippines), hindi maaaring magkaroon ng absolute divorce. Puwede lang maghiwalay ang mag-asawa na hindi nawawala ang pagkakakasal sa kanila (legal separation). Kahit tumagal ang paghihiwalay, o kahit na umalis sa bansa ang isa sa kanila, sila ay mananatiling kasal.
Mawawala lang ang bisa ng kasal sa pamamagitan ng annulment of marriage, na ibig sabihin ay may problema ang kasal sa una pa lamang.
Sa mga Pilipinong naninirahan sa labas ng Pilipinas, mahalagang unawain ang prinsipyo ng ating batas sa Pilipinas na kaugnay sa divorce.
Ito ang prinsipyo: Kahit saan magpunta ang isang Pilipino sa labas ng bansa, nananati-ling sakop siya ng batas sa Pilipinas tungkol sa mga karapatan at tungkuling pampamilya, o status, condition at legal capacity niya.
Ito ang mismong sinasabi ng Article 15, Family Code of the Philippines:
“Laws relating to family rights and duties, or to the status, condition and legal capacity of persons are binding upon citizens of the Philippines, even though living abroad.”
Hangga’t nananatiling Pilipino, ang prinsipyong pangbatas na ito ay palaging ipatutupad sa kanya kahit siya ay nasa labas ng bansa.
Ang divorce ay sakop ng Article 15 kaya’t hindi kinikilala ang divorce ng Pilipino sa ibang bansa.
At dahil ang divorce sa labas ng bansa ay walang bisa sa Pilipinas, hindi pa rin sila makakapag-asawa muli ayon sa batas. Hindi rin mapapalitan ang kanilang status na “married” ng “divorced” sa civil registry ng Pilipinas sa ganitong sitwasyon.
Mawawala lang ang epekto ng batas na ganito sa isang Pilipino kung papalitan niya ang kanyang Philippine citizenship.
Paano naman yung Pilipinong nagdivorce sa labas ng bansa sa asawang hindi Pilipino?
Pagkilala sa Divorce
sa Ibang Bansa
Ang divorce ng isang Pilipino ay maaaring kilalanin kung ang kanyang asawa ay hindi Pilipino. May isang probisyon diyan ang Family Code of the Philippines (Article 26, pangalawang talata):
“Where a marriage between a Filipino citizen and a foreigner is validly celebrated and a divorce is thereafter validly obtained abroad by the alien spouse capacitating him or her to remarry, the Filipino spouse shall have capacity to remarry under Philippine law.”
Ilang bagay ang dapat linawin sa Article 26 na ito:
a. Ang Pilipino ay tunay o lehitimong kasal sa isang hindi Pilipino;
b. Nakakuha ng divorce ang asawang hindi Pilipino;
c. Dahil sa divorce na ito, ang asawang hindi Pilipino ay may kakayanang makapag-asawa muli ayon sa batas ng bansang kinunan ng divorce;
d. Dahil din dito, ang Pilipino ay may kakayanan na ring mag-asawa muli.
Ito ang exception sa “no divorce allowed” sa batas sa Pilipinas. At kailangang masunod ang mga elemento ng batas (Article 26, pangalawang talata) bago magkaroon ng exception na ito.
Dapat tandaan na ang magpapa-divorce ay yung asawang hindi Pilipino.
Bakit hindi dapat kumuha ng divorce yung asawang Pilipino? Ang dahilan dito ay yung prinsipyo na sakop pa rin siya ng batas sa Pilipinas – na hindi siya binibigyan ng karapatang magdivorce.
Sa ibang salita, dapat ang Pilipino ang idi-divorce ng asawang hindi Pilipino.
Kung sa mag-asawang parehong Pilipino ang isa ay nagpalit ng citizenship, puwede nang magdivorce ang nagpalit ng citizenship dahil hindi na siya Pilipino. Kailangang sa panahon ng pagdi-divorce, ang nagfile ng divorce ay hindi Pilipino.
Paano kung nagkasundo ang mag-asawa sa divorce tulad ng divorce sa city hall sa Japan? Ito ay lumalabas na pareho silang nagfile ng divorce. Pirmahan/hanko lang ng dokumento sa city hall, divorced na. Parehong gusto ng mag-asawa na mag-divorce. Paano ito? Yan ang maaaring legal issue sa husgado: ito ba ay sakop ng Article 26 ng Family Code?
Judicial Recognition ng Divorce
Kung sakaling gustong mag-asawa muli ng isang Pilipinong divorced na sa asawang hindi Pilipino, ano ang gagawin? Dito papasok ang pangangailangan ng judicial recognition sa Pilipinas ng divorce mula sa labas ng bansa.
Hangga’t hindi pa napatutunayan na totoo (fact) sa husgado ang alinmang desisyon ng korte o gobyerno sa ibang bansa, hindi ito kinikilala sa Pilipinas. Kaya ang divorce decree o document mula sa ibang bansa ay kailangang patunayan na totoo sa husgado sa Pilipinas bago maging mabisa.
Ang judicial recognition ang batayan ng pagpapalit ng civil status ng Pilipino na “married” na maging “divorced” sa civil registry (record ng National Statistics Office o NSO). Sa rehistrong ito, puwede na siyang magpakasal muli.
Tingnan ang website ng Philippine Consulate sa Tokyo para dito (Judicial Recognition of Foreign Divorce -
http://tokyo.philembassy.net/consular-section/services/ civil-registration/ judicial-recognition-of-foreign-divorce/).
Problema
Ang problema ay hindi mabilis at hindi rin mura ang pagkuha ng judicial recognition ng divorce sa husgado sa Pilipinas.
Ipe-petition ito sa husgado, ipababalita sa dyaryo ang petition at saka magbibisita para patunayan na totoo ang divorce decree o document. Ilang buwan din bago makalalabas ang desisyon (sabi ng iba isang taon daw).
At may mga requirements sa pagkuha ng dokumentong gagamitin sa petition mula sa bansang nagdivorce sa Pilipino.
Mahalagang patunayan na tunay (authentic) ang dokumento ng divorce ayon sa batas ng bansang pinagkunan ng divorce.
At dito pumapasok ang authentication ng dokumento ng ating Consulate. May ilang hakbang na dapat sundin para sa authentication ng dokumento. Tingnan ang mga requirements sa Philippine Consulate General website sa Tokyo (http://tokyo.
philembassy.net/consular-section/services/authentication/) at Osaka (www.osakapcg.
com/authentication.html). Ang anumang gagamiting opisyal na dokumento sa husgado o gobyerno na mula sa ibang bansa ay kailangang authenticated ng Philippine Consulate sa bansang pinanggalingan ng dokumento.
Sa kasalukuyang batas, ang mga Pilipinong divorced na ay kailangang maghanda ng panahon, pagod at pera kung gusto nilang muling magpa-kasal na kikilalanin sa Pilipinas.
No comments:
Post a Comment