ANO NE!
Semana Santa
March-April 2014
Semana Santa - nanggaling sa salitang Espanyol na ibig sabihin sa wikang Tagalog ay Mahal na Araw o Holy Week naman sa Ingles. Ito ay naging tradisyon na karamihan ginagawa ng mga Kristiyano taun-taon upang sariwain o gunitain ang pagpapakasakit ng ating mahal na Panginoon upang tubusin ang mga kasalanan ng sanlibutan.
Ang Mahal Na Araw ay nagsisimula 46 days bago mag Easter Sunday. Sinisimulan ito sa Ash Wednesday o pagpapahid ng abo na gawa mula sa sinunog na dahon ng palaspas na ginamit noong nakaraang kwaresma at hahaluan ng langis. Kasunod nito ay maaari ng simulan sa ibat-ibang lugar ang Pabasa o pag-awit ng Pasyon.
Natatandaan ko pa nung ako ay bata pa tuwing may Pabasa. Hindi ako makatulog kasi ang ingay-ingay nila. Pag-natapos na nila ang pabasa, ihahatid naman nila ang Poon sa susunod na lugar na magkakaroon din ng pasyon. Ang paniniwala nila dito dapat ay sampung taon mo itong gagawin bilang isang Panata.
Panata - isa itong kaugalian ng mga tao na humihingi ng kapatawaran sa kanilang mga nagawang kasalanan na gustong pagbayaran at pagsisihan. Iba't-ibang uri ng Panata ang kani-kanilang ginagawa katulad ng fasting o pag-aayuno na ang ibig sabihin ay pagpipigil sa pag kunsumo ng pagkain o inumin hanggang sa takdang panahon ngunit hindi ibig sabihin na hindi tayo kakain o iinom. Halimbawa po ay sa loob ng isang araw tatlong beses kayong kumakain ng kanin. Dapat lilimitahan o babawasan ang inyong kinakain. Maaring isang beses lang kayo kumain at yung dalawang bahagi ng pagkain niyo ay pwede niyong isakripisyo na ibahagi para sa iba.
Penitensya - isa itong gawain kadalasan ng mga lalake na susugatan nila ang kanilang sarili at hahampas-hampasin nila hanggang sa magdugo ito ng magdugo. Ito ay simbolo ng pagsasakripisyo at pagpapakasakit ni Hesus sa pagtubos ng mga kasalanan ng sanlibutan.
Senakulo - ito ay isang Passion Play o pagsasadula ng pagsasakripisyo. Ang paglilitis, pagdurusa at kamatayan ni Hesukristo. Yung iba ay nagpapapako din sa krus habang isinasadula ang senakulo. Mara-ming dumarayo sa atin upang saksihan ang tradisyong ginagawa tuwing sasapit ang Biyernes Santo.
Biyernes Santo - araw ng pagpako at kamatayan ni Hesukristo sa krus.
Holy Saturday - ito ang huling araw ng Holy Week na tawag din ay The Great Sabbath Day.
Easter Sunday - Dito natin ipinagdiriwang ang kanyang muling pagkabuhay.
Ash Wednesday:
March 5, 2014
Palm Sunday:
April 13, 2014
Good Fri: April 18, 2014
Easter Sunday:
April 20, 2014
Taon-taon na nagaganap ang tradisyong ito sa iba’t-ibang lugar sa mundo. Maraming namamanata o nag sasakripisyo tuwing sasapit ang Holy Week. Ngunit sa aking pananaw, hindi lamang dapat tuwing sasapit ang mahal na araw saka tayo hihingi ng tawad at handang magsakripisyo para sa ating mga kapwa tao. Hindi po ba na mas mainam kung parati tayong magsisi sa ating mga kasalanan? Humingi ng tawad at magpatawad. Baguhin ang masasamang ugali. Napakagaan ng buhay kapag ikaw ay palaging malapit sa Diyos at sa ating kapwa tao.
No comments:
Post a Comment