SA TABI LANG PO: BLINDED ITEMS
March-April 2014
Pindot, pindot, pindot. Yan lagi ang ginagawa ko tuwing wala akong magawa. Pipindot ng pipindot, naka focus at medyo maduduling saka biglang mapapasigaw. Ako kasi ay namatay sa aking nilalarong game. Flappy Bird. Yan ang pangalan ng isang nakakayamot na laro sa mga smartphones ngayon. Ang gagawin mo lang ay paliparin ang isang ibon na mukhang palaka sa gitna ng mga tubo at siguraduhing hindi niya ito masagi o mabangga. Simple? Easier said than done. Marami ng smartphones ang kamuntikan nang ihampas sa pader kung hindi lang sila mamahalin. Isang simpleng laro na nagpainis sa mga walang magawa. Bakit kaya na sa isang simpleng bagay na wala naman kakwenta-kwenta tulad ng Flappy Bird ay magmumura ang isang tao at malilimutan ang delikadesa nya?
And speaking of delikadesa, pumunta naman tayo sa isang popular na pangyayari kamakailan lang. May isang lalaking artista na pumunta sa condo ng isang maganda at batang modelo. "Punta ka sa condo. Dala u foods." Dahil lang sa isang simpleng text ng isang magandang dilag, nakalimutan ni totoy bibo na may kasintahan na pala siya. Kaya't hayun pagdating ay pinagtulu-ngan siyang bugbugin ng mga maskuladong kalalakihan, pinagbintangang nanggahasa at hiningian pa ng pera. Ngayon si Mr. Suave ay nagmukhang panda. Ewan ko kung sinet-up lang siya o totoong nanggahasa, pero yan ang napapala ng mga lalaking malandi. Isang simpleng text, isang simpleng imbitas-yon ngunit kataku-takot na bugbog ang napala at katakut-takot na balita at chismis ang idinulot sa Pilipinas. Pati nga NBI ay nagkukumahog at ngayon ay magkakaroon pa ng Senate probe tungkol dito. Ganun ka tindi. Mga simpleng bagay na wala namang kakwenta-kwenta ngunit matindi ang idinulot na interes sa buong Pilipinas. Punung-puno ang internet ng mga balita tungkol dito, gusto malaman kung ano ang totoong nangyari sa condo at kung bakit binugbog si totoy bibo. Sa kagustuhang maungkat ang chismis, pindot din nang pindot ng kung anu-anong pekeng video links ang karamihan. Nauuto, naloloko. Puno pati TV Patrol news tungkol dito. Pati nga sa bahay namin, ito ang main topic. Pero ni hindi nga masyadong pinansin ang napabalitang natagpuang "wheel of torture" para sa mga bilanggo ng mga pulis sa Laguna. Natatabunan na yata ang mga mas makabuluhan na national issues dahil lang sa mga walang kwentang mga balita. Kung matatandaan nyo, noong pumutok yung scandalous ZTE deal ay pumutok din bigla ang sex scandal video ni Hayden Kho at Katrina Halili (at sari-saring mga babae). Noong rumagasa ang bagyong Yolanda sa Tacloban at nakatanggap ng international criticism ang ating gobyerno at presidente dahil sa kanilang kakulangan ay bigla ding lumabas ang sex scandal ni Wally Bayola. At ngayon namang may Pork Barrel Scam ay eto nanaman - na overshadow ng issue ng bugbugan sa condo. Bakit kaya ganun? Coincidence or media manipulation? O baka naman bulag lang tayo! Hindi ko alam kung ano ang dahilan at wala na ako doon. Pero sana naman tayong mga mambabasa, tingnan din natin kung ano ang mas makabuluhan at huwag magbulag-bulagan. Oo nga't mas interesting at mas juicy yung topic ng condo bugbugan (kahit nga ako very interested eh) pero alam mo ba ang nangyayari sa bansa mo? Malamang hindi. Mas pinahahalagahan ng mga Pinoy ang mga isyu kung mga sikat ang involved. Bakit tuwing na lang may eskandalong walang kwenta ay kailangang pang umabot sa senado at bising-busy ang NBI, supreme court at mga otoridad sa pag resolba nito? Eh yung Ampatuan Massacre? Naaalala mo pa ba yun? Ilang taon na ang nakalipas ay hindi pa rin masyadong nabibigyang hustisya ang mga namatay at hindi pa rin masyadong napaparusahan ang mga salarin. Kung sa bagay nga naman hindi mo rin masisisi ang karamihan dahil ang malalaman mo lang ay kung ano ang nakita at narinig mo sa balita. Ang media ay may kakayahang manipulahin at ibaling ang interes mo sa kung ano lang ang gusto nilang pagtuonan mo ng pansin. Pilipinas nga naman oh... Ang ating basehan sa kung ano ang uunahin ay kung alin ang mas sikat at mas papansinin ng bayang mahilig sa chismis.
No comments:
Post a Comment