Wednesday, March 19, 2014

Nestor Puno

TAKOT AKONG UMUWI NG PINAS,
BAKA HINDI NA AKO MAKABALIK…




March-April 2014

Bagamat isa’t kalahating taon na ang lumipas ng ipatupad noong July 9, 2012 ang bagong re-entry system, marami pa rin ang hindi nakakaunawa sa batas na ito at mayroon pa ring bali-balita na hindi na makakabalik dito sa Japan kapag umuwi ng Pilipinas, ang mga diborsyo sa kani-lang asawang Hapon.

Bago ipatupad ang bagong sistema ng re-entry, kailangan nating mag-aplay para muling makabalik sa Japan. Sa panahon na ito, ang aplikasyon natin ay dumadaan sa pagsusuri bago mabigyan nito. At minsan ay mayroong hindi nabibigyan dahil sa kwestyon sa kanilang visa. Kapag nabigyan ng re-entry, walang pangamba na hindi makabalik dahil ang pag-tsek ng visa ay dumaan na sa proseso.

Sa ilalim ng bagong sistema ng re-entry, hindi na kailangan ang permit para sa mga nais lumabas ng bansa, basta makakabalik sa Japan sa loob ng isang taon mula sa panahon ng paglabas. Kung balak umuwi, hindi na kailangang magpunta pa sa immig-ration at maaaring dumiretso na sa paliparan. May tatlong kailangan para sa bagong sistema; pasaporte, residence card o alien card, at ang pinakamahalaga na huwag makalimutan, i-tsek ang box na nakalagay sa embarkation card for reentrant na may nakalagay na “departure with special re-entry permission.” Kapag wala ang tsek na ito maaaring hindi makabalik. Kadalasan ay tinatanong ng immigration officer kapag hindi natin nalagyan ng tsek, pero hindi dapat maging kampante dahil sa tinatanong naman tayo. Paano kung hindi tayo tinanong at hindi natin nalagyan ng tsek?

Sa pagbabalik naman, ang tsine-tsek lamang ng immigration ay ang passport para sa pagkilala at ang embarkation card kung may naka-tsek, at hindi na rin kailangang ipakita ang residence card o alien card. Nagiging maluwag ang proseso sa panahon ng pagbalik sa Japan, at hindi na sinisiyasat ang aktibidades ng iyong visa. Halimbawa, kung ikaw ay kasal sa Hapon, hindi na sinisiyasat kung hiwalay ka o hindi. Kaya hindi dapat mag-alala kapag lumabas ng bansa ang mga nakahiwalay sa kanilang asawa.

Bagama’t sa ilalim ng bagong residency management system, kapag hindi mo na ginagampanan ang aktibidades batay sa nakasaad sa iyong visa sa loob ng anim na buwan, maaaring makansela o mabawi ang iyong visa. Pero, ito ay hindi awtomatiko, at dadaan sa isang proseso bago mangyari ito. Sa karanasan ay pinatatapos ang natitirang visa matapos mahiwalay sa asawa at usapin na lamang kung paano ang gagawin sa susunod na extension ng visa. Mungkahi na sumangguni sa mga taong nakakaalam sa batas upang mapag-usapan ang dapat na gagawin sa panahon na nahiwalay na sa asawang Hapon.

Sa usapin pa rin ng visa. Maaari pa ring makapanatili sa Japan kahit hiwalay na sa asawang Hapon at walang anak. Kailangang magpalit ng status, mula sa pagiging spouse visa (haigu-sha) mag-aaplay para maging long-term resident (teiju-sha). Mayroong kondisyon para dito na maaaring ikonsidera ng immigration, tulad ng; mahigit ng tatlong taong nanirahan at nagsama ng kanilang asawa bago mag-diborsyo, may sariling bahay, may maayos na trabaho at higit sa lahat ay nagbabayad ng kanilang obligasyon sa usapin ng buwis at nakapasok sa insurance na itinatakda ng pamahalaan, at matatag na guarantor. Pero siyempre, ang desisyon kung pahihintulutan ay magbabatay sa pagsisiyasat ng immigration officer.

Ang usapin lamang dito ay kung paano ka mamumuhay sa panahon na nahiwalay ka sa iyong asawang Hapon, at hindi dapat maging pabigat sa pamahalaan. Maghanap ng trabaho na maayos at pangmatagalan, na maaaring maging positibo sa iyong pamamalagi dito. Para naman sa mga nagtatrabaho pero hindi inaawasan ng buwis, maaaring tayo mismo ang magpunta sa munisipyo upang ideklara ang ating kita at magbayad ng kaukulang buwis, at iba pa.

Hangga’t maaga ay gawin natin agad ito at hindi lamang sa panahon na magpapalit ng status. At isa pa, pag-isipan at planuhin ang mga bagay-bagay sa lalong madaling panahon, at sumangguni agad kahit mahaba pa ang panahon ng visa. Hindi iyong sa isang buwan o sa isang linggo na matatapos ang visa tsaka pa lamang kokunsulta, huli na ang lahat.

Maraming salamat po. Nawa’y maging mapayapa at masagana ang Taong 2014 sa ating lahat. Hanggang sa muli.

No comments:

Post a Comment