Wednesday, March 19, 2014

Loleng Ramos

Kapatiran Kalbaryo


March-April 2014

Kapatid,  may dinadala ka ba?  Hindi pagbubuntis, hah? Iyong dinadalang mabigat sa iyong balikat.  Problema, karamdaman, pangu-ngulila, sama ng loob, pag-titiis, parusa?  Hinihila kang umiyak, magwala, gumanti, manira at naku, pumatay o magpakamatay.  Teka-teka, ibig sabihin lang niyan, buhay ka at kung paano mo hawakan ang kalbaryo sa iyong buhay ay siya ring kakauwian ng iyong buhay at kamatayan (syempre naman gusto natin peaceful iyan kapag dumating). Lahat tayo, merong dinadala, iba’t-ibang klase lang ang bigat, paraan at panahon ng dating.  Kaya lang pag nandyan na, parang di natin kaya ano?  Sabi ni Lord, hindi ka bibigyan ng hindi mo kaya. Kung gayon, “kaya natin anumang hirap o saklap.”  Sa pagbasa mo ng artikulong ito, marahil ay tapos na ang Lent o Kuwaresma para sa taong 2014. Katoliko ka man na nag-o-obserba ng Mahal na Araw o hindi, mas mainam na bigyan natin ng pansin ang pagdaraos nito kung saan ang Tagapagligtas ay nagdala ng pinakamabigat na Kalbaryo.

Ang salitang Golgotha na hango sa lenguweng Aramaic na ginamit ng Panginoong Hesus noong namuhay Siya sa mundo ay nangangahulugan ng “bungo'” o skull.  Ang “Lugar ng gora (skullcap)” ay isinalin sa salitang Latin, Calvariæ Locus, sa Ingles ay, Calvary.  Itinukoy ito ng bibliya bilang lugar na  pinagpakuan ng Diyos.  Sa Krus na sagisag ng hirap at pasakit, ng Kalbaryo ng Tagapagligtas.  Sa Kanyang kamatayan, tinubos Niya tayo mula sa ating mga kasalanan.  Sa Kanyang pagkabuhay muli, binigyan Niya tayo ng walang hanggang buhay. 

For God so loved the world, that he gave His only begotten Son, that whosoever believeth in him should not perish, but have everlasting life. John 3:16

O di ba kapatid, importante ang Kalbaryo?  Hindi lang ito nangangahulugan ng pahirap, ng pag-asa din, isang paraan para maabot natin ang liwanag, ang tagumpay, sa iba't-ibang paraan.  Kaya kung may mabigat na mabigat kang problema, harapin mo, kung hindi mo kaya mag-isa, humingi ka ng saklolo sa Taas at sa kapwa mo, gawin mo ang tama at makikita mo, gagaang din ang lahat, malulutas din iyan.  Mahirap kapag mag-isa ka at malayo ka sa atin, kaya mas dapat na marami kang kaibigan, mapagkakatiwalaaan mo, mapag-hihingan mo ng sama ng loob, tutulungan ka.  Syempre pa, dapat handa ka rin ng maging isang tunay na kaibigan sa iba.  Sabi nga sa golden rule “Gawin mo sa kapwa mo ang gusto mong gawin ng kapwa mo sa iyo o huwag mong gagawin sa kapwa mo ang ayaw mong gawin sa iyo ng kapwa mo.” Kumikinang ang utos na ito na makikita mo sa lahat ng Banal na Kasulatan ng bawat ng relihiyon sa mundo.  Sinusunod mo ba?

Natatandaan mo pa ba?  Ang Kuwaresma ay nag-uumpisa sa Ash Wednesday, kung saan ang palaspas na ginamit sa Palm Sunday  ng nagdaang taon ay sinusunog at hinahaluan ng blessed water para maging paste na siyang ginagamit ng pari upang ipahid ng pa-krus sa noo.  Ang abo ay simbolo ng ating pinanggalingan at kakauwian.  Sa ating pagtanggap nito, pinapakita natin ang ating kababaan, ng pagtanggap sa Diyos na Lumikha, na tayo ay makasalanan at nag-sisisi sa ating mga kasalanan.  Mula dito ay umpisa na nga ang apatnapung araw (hindi kasama ang mga araw ng Linggo dahil ipinagdiriwang pa rin ang Banal na Misa) ng Lent, ng Fasting (pag-aayuno) at Abstinence (Pangilin).  Paggunita ito sa apatnapung araw na pagtigil na Panginoong Hesus sa disyerto na nagdarasal at walang pagkain at pilit na tinutukso ng demonyo.  Sa Fasting, magbabawas ka ng dami ng pagkain mo, katulad ng isang beses lang isang araw.  Sa Abstinence naman, iiwas ka sa mga gusto mo gaya ng karne o pag-inom ng alak.  Sa iba pang bagay pwede ka ding mag-fast o abstain, merong hindi muna nagsusugal, mag-party, maglagay ng make-up, manood ng sine, kumain ng tsokolate o iwasan ang lahat ng komportableng bagay.  Bakit ba ito ginagawa ng mga Katoliko?  Isang pagpapatunay na mahal mo ang Diyos, sa panahon ng Kuwaresma ay nakiki-isa ka sa paggunita ng Kanyang kalbaryo o paghihirap.

Nagtatapos ang Kuwaresma sa Sabado de Gloria, Holy Saturday dahil sa kinabukasan ay ang selebrasyon ng Pagkabuhay, ng Resurrection.  Napakaganda ang araw ng Easter Sunday.  Isipin mo na lang ang totoong nangyari.  Ayon sa bibliya, ikatlong araw matapos siyang ilibing sa isang kweba, isang malakas na lindol ang naganap habang inurong ng isang anghel ang bato na nagsasara sa bukad ng pinaglibingan ni Hesu Kristo.  Ginawa niya ito upang ipakita sa mga dadalaw na wala na roon ang Panginoon.  Sa pagdating nina Maria Magdalena upang mag-anoint sa patay o magpahid ng langis at pabango, ang anghel na ito ang humarap sa kanila at nagsabing “Bakit ninyo hinahanap ang buhay sa mga patay, wala na Siya rito.  Ang Panginoon ay nabuhay na, pumasok kayo sa loob, tingnan ninyo”.  Nararamdaman mo ba ang kagalakan kapag naiisip mo ito?  Nabibigyan ka ba ng saya na matapos ang kalbaryo, ay ang tunay na buhay!

Kasabay ng Easter ay sari-saring kulay ng kapaligiran.  Ang kalikasan man ay nagdiriwang sa bawat selebrasyon ng Easter, Spring!  Ang mga dahon ay nagkikintaban sa pagka-berde, ang mga bulaklak ay namumukadkad, ang mga ibon ay nagkakantahan.  Ikaw, ako, lalabas na muli, picnic, bakasyon, maglilinis, haharap na muli sa mundo nakangiti, tumatawa.  Salamat po, Panginoon.  

Happy Easter, kapatid.

No comments:

Post a Comment