Ang Pumanaw sa
Sariling mga Kamay
Sept - Oct 2015
Kamatayan. Napakalawak na konsepto ang kamatayan. Lawak na nagpapaudlot sa atin upang magkaroon ng maraming katanungan. Mga katanungang tungkol sa paniniwala sa kabilang buhay, pagkakaroon o kawalan ng katarungan, tama o maling paraan ng paglisan. Mga katanungang kung iisa-isahin natin ay magbubunga sa walang katapusang diskusyon, palitan ng magkakaibang kurokuro, o maging hindi pagkakaunawaan ng opinyon. Ngunit sa lawak ng konsepto ng kamatayan…sa dami ng katanungan o elementong tila mas kumportableng pagusapan, tila maraming umiiwas sa isang elementong may katugmang "social stigma" o anumang itinuturing na hindi tanggap ng lipunan ang pagpapatiwakal o pagkitil sa sariling buhay.
Bakit nga ba may mga taong pinipiling sadyain ang sariling kamatayan? Habang may mga may sakit na gumagastos nang lampas sa kaya ng bulsa makasilip lamang ng kahit maigsing dagdag-buhay. Bakit may iba namang gumugugol ng mahabang pagpaplano matiyak lamang na wala na silang haharaping bukas?
Bakit? Sa kasamaang palad, mahirap sagutin ang tanong na ito. Oo nga't kaya nating malaman na kulang 30,000 ang "successful suicide attempts" sa Japan noong 2013 (source: http://apecsec.org/japan-suicide-statistics/)…nasasapantaha natin na ang sinumang nagpapakamatay ay yumayaong nag-iisa (at malamang ay malung- kot)…nababalitaan nating kahit tila- masayahing mga tao ay natatagpuan na lamang na walang-buhay… pero napakahirap sagutin ang tanong na "bakit?". Kaya sa halip na tangkaing sagutin ito, ibahin na lamang natin ang mga tanong.
• Ano ang maaari nating gawin kung sakaling sumagi sa ating isip ang pagkitil ng sariling buhay?;
• Paano natin malalaman kung may mga tao sa ating paligid na nag-iisip magpakamatay?; at
• Paano natin sila maaaring matulungan?
Kung naiisip nating magpatiwakal
Hindi porke't sumasagi sa isip nating kitilin ang sariling buhay, ang ibig sabihin agad nito ay dahil masamang tao na tayo. Sa halip, ipinapakita lamang nito na sa kasalukuyan, nararamdaman nating mas mabigat ang "sakit" ng ating kalooban kumpara sa nararamdaman nating "kaya pa" na tiisin ito. Walang makakasukat ng pakiramdam mong bigat kundi ikaw lamang. Ang mabigat sa akin ay maaaring simple lamang para sa iyo, ngunit ang "kaya pa" para sa iyo ay maaaring labis nang pasanin para sa kaibigan mo. Ang mahalaga ay maunawaan natin ang sarili na may kanya-kanya tayong "kaya pa" at kung nakakaisip man tayong magpakamatay, ito ay dahil sa pakiramdam na sa kasalukuyan ay tila hindi na natin kayang tiisin ang sakit ng damdamin.
Ngayong nauunawaan na natin kung bakit gusto nating magpakamatay, gawing layunin ang mapagpantay ang timbangan ng "sakit" at ng "kaya pa". Narito ang maaari nating gawin para sa sarili:
• una, maghanap ng ikagagaan ng nararamdamang "sakit" ng damdamin; o
• pangalawa, maghanap ng paraan upang madagdagan ang pakiramdam na "kaya pa" nating dalhin ang "sakit".
(Source: http://www. metanoia.org/suicide/)
Napakalaking tulong ang makakita ng kausap na mapagkakatiwalaan at lubos na makikinig nang walang paghatol. Kung ang unang taong malalapitan ay hindi makakatugon sa pangangailangan ito, piliting maghanap ng pangalawa o pangatlong makakausap. Pag-isipan ding tumawag sa lifelines gaya ng Kapatiran (03-3432-3055) o TELL Lifeline (03-5774-0992). Upang mas lubusang maunawaan ang sarili, maaaring kumuha ng WB-DAT (Web Based Depression and Anxiety Test) sa http://telljp.wb-dat.net o magbasa ng mga kasulatan sa http://www.telljp.com/index.php?/en/online_resource/
Paano natin malalaman kung may mga tao sa ating paligid na nag-iisip magpakamatay?
Dahil sa "social stigma" na kaakibat ng pagpapatiwakal, marami tuloy ang kathang isip tungkol dito. Sa kasamaang palad, kathang-isip lamang ang marami dito at malayo sa katotohanan. Paano natin mapag-iiba ang kathang-isip at katotohanan?
Tingnan ang talahanayan sa gawing kanan.
Paano tayo makakatulong sa mga taong nag-iisip magpatiwakal?
Kung mayroon kang kakilala, kaanak, o kaibigang maaaring nag-iisip magpakamatay, huwag itong isawalang bahala. Bigyan sila ng atensyon, pang unawa, at pagkakataong makapagbahagi ng saloobin nang walang paghusga. Tandaan ang mga kathang-isip at katotohonan ukol sa pagpapatiwakal at tulungan ang mga nag-iisip nito na humingi ng tulong sa kinauukulan kung kinakailangan.
Maaaring nakakaramdam tayo ng pag-iisa sa kabila ng maraming tao at kasiyahang nakapaligid sa atin, at dahil dito ay mahikayat tayong bigyang katapusan ang ating buhay sa tulong ng sariling mga kamay. Kaya kailangan natin ng labis na pagsisikap: unawain natin ang sarili; makinig nang walang paghusga sa may problema; at huwag mag-atubiling humingi ng tulong kung ang timbang ng "sakit" ay tila mas mabigat sa "kaya pa". Sabi nga ni Phil Donahue, "Ang pagpapatiwakal ay isang pangmatagalang solusyon sa pansamantalang suliranin."
No comments:
Post a Comment