ISANG ARAW SA ATING BUHAY
Sept - Oct 2015
Dekada na ang nakaraan nung makita ko sa Maynila ang ilang taong lumalapit upang manghingi ng tulong. Meron silang ipinakikitang papel na maaaring permiso mula sa gobyerno para sa kanilang paghingi ng tulong na pera. Sa mga taong ito, mahalaga na makuha ang simpatiya ng mga taong nilalapitan upang makahingi ng abuloy. Ang ipinakikitang papel ay paraan upang isiping ligal ang ginagawa nila.
Nguni’t alam din natin na maaaring panloloko ang mga gawaing ito. Maaaring peke ang papel na ipinakikita, at maaaring hindi talaga pupunta sa mga taong nangangailangan ang tulong na makukuha.
Kahit nga ang mga nagpapalimos ay maaaring biktima ng mga sindikato. Sa mga taong may duda, mahirap maniwala sa mga humihingi ng tulong sa kalye.
Batas sa
Pagso-solicit
Panahon pa ng mga Amerikano nung ilabas ang batas tungkol sa solicitation o paghingi ng tulong. Ito ang Solicitation Permit Law na naging batas nung 1933. Binago ito nung 1978, panahon ng martial law, sa pamamagitan ng Presidential Decree No. 1564 (PD 1564). Iisa ang layunin nung batas nung 1933 at yung pagbabago nung 1978. Kailangang may permit mula sa gobyerno ang anumang paghingi ng tulong para sa gawain pang-charity o sa ikabubuti ng bayan.
Ang batas na ito ay kailangang sundin ng sinumang tao, o “corporation, organization, or association desiring to solicit or receive contributions for charitable or public welfare purposes.” Ang mga ito ay kailangang kumuha ng permit mula sa opisina ng Department of Social Services and Development (DSSD) na ngayon ay Department of Social Welfare and Deve-lopment o DSWD.
Katungkulan ng mga taga-DSWD na alamin kung lehitimo ang humihingi ng permit at ang proyektong kanilang itinataguyod. Kaya maaaring manghingi ng impormasyon ang taga DSWD ng report sa pagpapatupad ng proyekto ano ang mga gawaing nagawa, magkano ang nakolekta, ano ang pinagkagastusan, sino ang hiningan at tinulungan. At ang impormasyong ito ay dapat bukas sa pagsisiyasat ng publiko. Malinaw na kailangang walang taguan ng impormasyon tungkol sa proyekto lalong-lalo na doon sa nakolektang pera at ang binigyan ng tulong.
Ang PD 1564 pa rin ang batas tungkol sa pagsosolicit sa ngayon. Nguni’t may panukalang batas na sa ating Congress para lalo palakasin ang batas para sa solicitation. Ito ay ang House Bill 4650 na sinasabi kung sino ng mga “poor, vulnerable, marginalized and disadvantaged sectors or entities” na matutulungan tulad ng mga bata, matanda, mga taong may kapansanan, kababaihan, out of school youth, mga taong lumikas dahil sa labanan ng militar at rebelde at sa mga natural disasters. Sakop ng bill ang lahat (gobyerno at hindi gobyernong upisina o samahan), ang iba’t ibang uri ng tulong (pera, gamit o iba pang tulong) at paraan ng solicitation. Pero yung carolling o iba pang paghingi ng tulong para sa pistahan at ang paghingi ng tulong sa pagpapatayo ng simbahan/sambahan/mosque ay hindi kasama.
Mas maraming hinihinging requirements para makakuha ng permit sa bill na ito. At may panukalang parusa ang solicitation na walang permit. Nguni’t bill pa lang ito, panukalang batas pa lang.
Malinis na Hangarin
Tulad sa Pilipinas, may batas din ang Japan na nagreregulate ng solicitation. May permit ding kailangang kunin sa gobyerno ng Japan para makahingi ng tulong sa mga tao.
Ito ang dahilan kung bakit naglabas ng abiso ang Philippine Embassy nung 10 July 2014 na “all fundraising activities should be done in accordance with Japanese law and the relevant regulations of the Prefectures.”
Sinabi din sa abiso na ang mga tao ay hinihinging maging maingat “when approached by certain people who request donations for some charity organization or activity.”
Kinailangang ilabas ang abisong ito dahil sa napabalita sa TV sa Japan na mga Pilipinong nanghihingi ng pera sa mga tao sa ilang train stations sa Tokyo. May dudang walang permit ang pagsosolicit na ito na para daw sa mga bata sa Pilipinas, at mukhang ito ang tinutukoy ng Philippine Embassy na solicitation na labag sa batas ng Japan.
Kung talagang maayos ang proyektong ito, dapat ay maayos ang solicitation may nakadisplay na poster na nagpapaliwanag ng solicitation, at may ipinakikitang permit. Mukhang isa isang nilalapitan ang mga tao at palihim ang pagkuha ng pera. Dahil dito, maaaring tama na illegal ang kanilang solicitation.
Pagtingin sa Sarili
Nakakahiya na may mga Pilipino ay nairereport sa TV sa Japan na pinagdududahan na lumalabag sa batas. Masakit sa loob na may mga kababayan tayo na lumalabas na nanloloko ng mga Hapones.
Ang anumang masamang ginagawa ng ilan sa ating kababayan ay nagiging masamang bahid na sa kabuuan ng mga Pilipino dito sa Japan.
Ang bawa’t Yen na makukuha sa masamang paraan tulad ng illegal solicitation o tahasang pangloloko sa paghingi ng tulong ay may katumbas na pagbaba ng tingin sa atin ng bayang Hapones.
Pahalagahan sana natin ang ating pangalan bilang Pilipino at bilang tao.
No comments:
Post a Comment