Autumn PRAYER
Sept - Oct 2015
Diyos ng kalikasan nagbubunyi kami sa iyong pangako: “Habang ang mundo ay nananatili, ang pagtatanim at pag-aani, ang lamig at ang init, ang tag-init at tag-yelo, ang araw at ang gabi ay hindi magwawakas [Gen.8:22].” Ikaw ang aming pag-asa sa pabago-bagong panahon.
Pinupuri ka namin, O Diyos ng Tag-ani! Nagdiriwang kami sa kasaganaan hatid ng iyong nilikha. Nasisiyahan kami sa ganda ng mundo na puno ng iba’t ibang kulay ng kalikasan. Nagsasaya kami sa pag-ibig na lumikha ng aming mundo at sa biyayang dulot ng Krus ni Hesus upang kami ay maging pagpapala sa marami.
Salamat po, Diyos ng Buhay, sa kapahingahan iyong bigay sa pagpanaw ng tag-init, sa pag-igsi ng araw at paghaba ng gabi, at sa malamlam na sinag ng buwan. Mga dahong kulay luntian nagiging kulay ginto, hamog sa umaga, sariwang bungang kahoy at malamig na samyo ng hangin kagandahang pamalas ng tag lagas!
Sa pagdating ng ani, kamalig namin ay puno at ang aming panlasa ay nasisiyahan lubos sa kasaganaang dulot. Sa bawat panahon ang iyong katapatan ay hayag sa bawat tag-lagas. Sa paghahanda ng mundo sa panahon ng tag lamig, tinutustusan mo ang aming panga-ngailangan upang kami rin ay makapaghanda.
Panginoon, dalangin namin ang mga tao na nasa panahon ng tag lagas ng buhay ang aming mga magulang at mga matatanda. Sila na buong tapang na nagsikap upang bigyan kami ng matibay na puhunan. Salamat po, O Diyos, sa kanila na aming inspirasyon ng kadakilaan. Mga matiyagang kamay, mga tuyong balat, mga noo sunog sa araw at mga malalim na mata ay mga bakas ng kanilang katapangan. Sinuong nila ang bagyo at pagsubok ng buhay ngunit sila’y nakatayong matayog at matibay. Salamat po, O Diyos, sa bigay nilang lilim na aming naging kanlungan.
Sa kasaganaan ng tag lagas, nagpapakumbaba kami, O Diyos. Utang na loob namin sa Iyo ang walang tigil na pagdating ng pagkain sa aming hapag kainan. Sa aming mga ani, maalala ka nawa namin na Ikaw ang nagbigay ng init, ulan, hamog at buhay. Kapag kaunti ang aming ani at ang pagsisikap namin ay hindi nagtagumpay, tulungan mo kami na magtiwala sa Iyo. O Dakilang Tagapagtustos, hindi ka magkukulang kahit na ang aming pananim ay hindi magbunga.
Makapangyarihang Diyos, hayaan mo magpahinga ang puso namin sa iyo upang hindi kami mabalisa tungkol sa aming buhay. Hayaan mong makintal sa aming isip ang kabutihan at kayamanan ng iyong nilikha upang hindi kami matakot sa kawalan. Ikaw ang lumikha ng lahat ng mula sa kawalan at ibinigay mo ito sa tao. Nangako ka na ang tag-tanim at tag ani ay hindi magwawakas habang ang mundo ay nananatili!
Ang ganda ng tag lagas ay hayag sa amin. Ang kapaligiran ay kulay ginto. Ang malamig na samyo ng hangin ay nakikipaglaro sa malamlam na init ng araw. Ang matigas na hamog na nakasabit sa mga dahon ay parang mga diamante. Ito at marami pa ay awit ng kalikasan na patunay ng iyong pagmamahal, aming Ama sa langit!
Request for prayers and other inquiries may
be sent to scf_japan@yahoo.com or dr.jbalinsod@gmail.com
Dr. JB & Nelly Alinsod serves the Filipino Community at Shalom Christian Fellowship, Shinjuku Ku, Tokyo, Japan.
No comments:
Post a Comment