Friday, September 26, 2014

Isabelita Manalastas-Watanabe

ADVICE NI TITA LITS




Sept - Oct 2015

Dear Tita Lits,
55 taong gulang na po ako, biyuda at may dalawang anak. Yung isa, nasa kolehiyo sa Pinas at yung isa, nandito sa Tokyo at may asawa na at isang anak. Sampung taon na po akong biyuda. Akala ko, hindi na po ako mag-aasawa muli. Ngunit nitong nakaraang taon, meron po akong nakilalang lalaki sa probinsiya namin sa Bacolod. Pagkatapos ng isang taong magkaibigan, dalawang taon na rin kami ngayon na mag syota. Problema lang po, kasing edad siya ng bunso kong babae na 25 taong gulang. Mahigit kalahati po ng taong gulang ko. Mahal ko po siya at alam ko rin na mahal din niya ako. Gusto po namin magpakasal ngunit hindi sang-ayon ang aking mga anak, mga kapatid sa Pinas, ang aking nanay at ibang mga kaibigan. Ginagamit lang po raw ako ng lalaki. Tita Lits, ngayon ko lang sa buhay ko nakaranas ng langit simula natagpuan ko siya. Parang naging bata ako muli. Hindi nanay ang turing niya sa akin. Para lang kaming magkasing edad. Matured po siya. Kahit sabihin na ginagamit lang niya ako, maligaya naman ako sa piling niya. At hindi rin niya ako sinasaktan. Yun nga lang, wala siyang trabaho sa Pinas kaya pinapadalhan ko siya ng pera buwan buwan sa aking kagustuhan. Opo, hindi alam ng mga anak ko iyon. Pero nalaman ng aking nanay at sapagkat nabawasan ang bigay ko sa kanya, kaya lalo siyang nagalit. Wala naman po akong problema sa mga magulang ng lalaki. Feeling ko, kapag pinakasalan ko siya at dinala ko siya sa Japan, mas magi- ging maligaya kaming dalawa at makakapagtrabaho rin siya. Ilan taon na lang, hindi na siguro nanay ang turing niya sa akin. Lola na! Pero para sa akin, at least nakatulong din ako sa kapwa tao. Iwanan man niya ako bukas sa ibang mas batang babae, masakit man pero OK lang po siguro sa akin. Ano po ang maipapayo ninyo?

Laura
Kanagawa-ken

Dear Laura:

“Love is lovelier, the second time around.” – lyrics iyan ng isang kanta.  Siguro nga… Damang-dama ko ang happiness mo with this second love of your life.
Isa pang saying:  “Age is just a matter of the mind.  If you don’t mind, it does not matter”.

O hayan, mukhang magkakampi tayo. 

Pero kuwidaw may nagsabing isang close friend ko, in a jokingly manner lang naman, “Huwag bumili ng pagmamahal, dahil madali kang mauubusan (ng kwarta).”

Gusto ko sanang malaman, kung from the start pa lang ng relationship ninyo ay inumpisahan mo na siyang padalhan ng pera.  Kasi kung hindi, at mabait pa rin siya noon sa iyo kahit wala kang ipinapadala sa kanya, baka talagang mabait na tao at mahal ka talaga niya.  

Wala akong nakita sa sulat mo na he demands or he expects that you send him money.  At kung maligaya kang padalhan siya, so be it.  

Si Nanay mo naman natural reaction siguro ng isang magulang na magalit kung malamang sinusuportahan mo ang iyong boyfriend.  Kasi normally, ang lalaki ang expected magsupport sa isang babae, at least sa kultura natin, diba.  Pero si Nanay naman, dapat sana, kahit magkano lang ang makayanan mong ipadala sa kanya, ay maging masaya siya at magpasalamat. 

Ang pinakaimportanteng parte ng iyong sulat ay iyong sinabi mong “Iwanan niya man ako bukas sa ibang babae, masakit man pero OK lang po siguro sa akin”.

So sige, para ka na lang nagsugal.  Kunin mo siya. At sana’y manalo ka, at maging maligaya kayo sa inyong magiging married life sa Japan.



Dear Tita Lits,
Naaawa po ako sa anak ng isang Pinay na nakatira malapit sa aming bahay. Bugbog sarado po lagi ang kanyang anak na lalaki na 9 na taong gulang. Lasinggero ang asawang Hapon at yung babaeng Pinay, tulog sa araw sapagkat sa omise pang gabi nagta-trabaho. Minsan, nag o-onegai siya sa akin at pinapabantay niya ang anak niya dahil minsan, superlasing ang asawa o hindi ito umuuwi ng bahay. Ako naman, naaawa sa anak niya kaya, sabi ko, kahit anong oras, dalhin lang niya ang anak niya sa amin. Maganda rin kasi meron kalaro ang aking anak. Minsan, ilang linggo rin niyang hindi kinukuha ng anak sa bahay. Minsan, ayoko rin ibigay yung anak sa magulang dahil bugbog na naman ang makukuha nito. Gusto ko man i-report sa mga pulis o city hall pero kawawa naman ang nanay. Ano kaya ang magandang gawin?

Mely
Kanagawa

Dear Mely:

Ang posible mo lang maging problema ay kung baka may mangyari sa bata. Suppose, maaksidente iyan habang nasa poder mo?  O kaya’y biglang magkasakit  habang nasa bahay mo.  Ano ang iyong magiging responsibilidad?  Tatanaw kaya ng utang na loob iyong Pinay o kaya iyong asawa, at hindi ka sisihin?  Baka naman maging salbahe sila, at ikaw pa ang maging masama?

Isipin mong mabuti ito.   Siyempre, kung walang masamang mangyayari, e di maligaya kayong lahat – ikaw, dahil may makakalaro anak mo;  iyong bata, dahil maiiwasan niyang mabugbog; ang Pinay na nanay, dahil nakatipid ng oras sa pag-aalaga ng sariling anak (pero ang sama naman ng ganito!).

Desisyon mo, Mely.  Pero I hope hindi ka mapahamak din.




Dear Tita Lits,
Gusto ko pong malaman kung ano ang opinyon ninyo sa plastic surgery kasi po, may balak po akong magparetoke ng ilong.  31 years old na po ako, asawang Hapon at may isang anak na babae. Bata pa po ako, kamatis na ilong ang tawag ng nanay ko sa akin at mga class- mates. Buti po at may bulag na Hapon na nagkagusto sa akin. May konting ipon ako para sa aking sarili at ito po sana ang gusto kong gawin. Pero nagiguilty ako kung gagawin ko ito dahil baka sabihin ng aking mga kapatid na mas maganda kung gamitin ang pera sa ibang bagay. Lagi naman po akong nagbibigay sa aking mga magulang. Parang dream ko lang naman maging maganda kahit nasa 30 years old na. Kasalanan po ba sa Diyos ang magpaganda?

Diana
Hiroshima

Dear Diana:

Nakabasa ako ng isang analysis tungkol sa mga nagpapa-plastic surgery. Addictive daw.  Kapag inumpisahan mo, hindi ka na makakatigil.  Either dahil ang resulta ng iyong first retoke is not to your satisfaction, at uulit ka na naman.  Or akala mo, gumanda ka, at gusto mo pang gumanda pa, so sige, isang surgery na naman. And so on…

Ikaw mismo ang nagsabi na nagustuhan ka ng iyong asawang Hapon, for what you are, for the way you currently look. E bakit ka pa magpaparetoke?  Baka hindi tumama ang gawa, or hindi maganda maging resulta, o baka pagawayan pa ninyong mag-asawa iyang gagawin mo.

Pero kung gusto mo talaga, sabihan mo kaya ang asawa mo, na gusto mong ipaayos ang iyong ilong.  Kasi kung OK sa kanya, e di sige, magpa nose lift ka.  But be prepared din sa posibleng hindi maging magandang resulta ng iyong nose lift.  O kaya ang stares ng iyong mga kakilala, na mabibigla sa change ng iyong hitsura.

At siguro, hindi naman magagalit sa iyo si Lord, kasi wala ka namang masamang intensiyon, at wala ka namang sasaktang ibang tao sa iyong pagpapa-planong pagpapanose lift.




No comments:

Post a Comment