Isang Araw sa Ating Buhay
Nov - Dec 2014
May mga bagay na likas na maganda ang maaaring gamitin sa masama. Tulad ng isang kutsilyo. Maaari itong gamit sa hanapbuhay, nguni’t maaari din itong pangkitil ng buhay.
Sa artikulong ito ay isinama ko ang sinulat ni Megumi Hara na isang doctoral student sa Osaka University at kasama sa Sama Ka Batang Pinoy project sa Kyoto. Ipinaliliwanag ni Megumi ang kalagayan ng mga magulang (karamihan ay mga babaeng Pilipina) na may anak na Japanese-Filipino at nakapunta sa Japan para sa trabaho. Hindi biro ang kanilang buhay bilang mag-ina. Basahin natin ang sinulat ni Megumi.
Mga JFCs At Ang Kanilang Mga Ina
Nung ika 4 ng Hunyo 2008, lumabas ang desisyon ng Korte Suprema ng Japan na hindi constitutional ang bahagi ng batas na nagsasabi na ang anak ng isang amang Hapones sa isang dayuhan na hindi niya asawa ay magkaroon lamang ng Japanese nationality kung ito ay kinilala niya (acknowledged) bago ito isilang. Sinabi ng korte na discriminatory ito sa mga batang kinilala ng amang Hapones (na hindi kasal sa dayuhang ina) pagkatapos isilang.
Dahil dito, binago ang Nationality Law ng Japan upang payagan nang mag-apply na maging Japanese nationals ang mga batang isinilang kahit ang mga amang Hapones ay hindi kasal sa mga inang dayuhan basta’t kinilala sila ng mga ama.
Lumaki ang pagkakataon na maging Japanese national ang libo-libong batang isinilang na Japanese-Filipino children (JFCs) sa mga inang Pilipinang hindi kasal sa mga amang Hapones.
Sa pagkakaroon ng Japanese nationality o bilang anak ng isang Japanese national, ang mga JFCs ay maaaring manirahan at maghanapbuhay sa Japan nang walang limitasyon. At kung ang mga JFCs ay menor de edad, ang kanilang mga inang Pilipina ay maaaring mag-apply ng long-term residence status bilang tagapag-alaga ng mga bata.
Nguni’t ang pagkakaroong ito sa mga JFCs ay hindi nangangahulugan na mabilis na pagtira nila at ng kanilang mga ina sa Japan. Maaaring nawala na ang kanilang ugnayan sa mga amang Hapones o sa mga taong makakatulong sa kanila sa Japan. At dahil sa kahirapan, wala silang kakayanang makapunta sa Japan o makapagsimula ng bagong buhay dito.
Nagbigay ng pagkakataon sa ilang recruitment agencies sa Pilipinas ang kalagayang ito upang maka-recruit ng ganitong mga ina dahil makakakuha sila ng visa papuntang Japan. Ang mga recruitment agencies na ito ang nagbibigay ng pamasahe papunta sa Japan at saka trabaho bilang caregiver, cleaner, factory worker, o kaya ay sa club.
Sa ganitong paraan, hindi na idinadaan sa Philippine Overseas Employment Agency (POEA) ang kanilang labor contract, hindi tulad sa mga karaniwang pagtatrabaho sa abroad. Ang mga recruitment agencies na ito ay itinuturing na “NGOs” o “foundations” at kaya hindi nasasakop ng POEA.
Sa ganito ring paraan naloloko ang mga inang ito. Sa isang survey na ginawa ng Citizens’ Network for Japanese-Filipino Children at ilang mga researchers (kasama ang sumulat ng artikulong ito), ilang bagay ang lumabas: a)13 sa 19 na sumali sa survey ay lubog sa utang dahil sa gastos sa airline ticket, training fee, visa processing fee at placement fee na binabawas sa kanilang mababang suweldo; b) maliban sa isa, lahat ay may 2-3 taong kontrata sa isang ahensya (o haken gaisya) na naka-assign sa kanila para mabayaran ang utang; k) ang iba ay nakabasa at pumirma sa kontrata ilang araw lang bago umalis ng Pilipinas, samantalang ang iba ay hindi man lang nakita ang kontrata; d) 10 sa 19 na sumagot sa survey ay nakumpiskahan ng mga kumpanya sa Japan ng passport at kinakaltasan ng bayad sa utang nang walang resibong ibinibigay at kaya labag sa batas sa Japan; e) 8 sa 19 ang tumakas na sa kumpanya dahil sa baba ng sweldo, masamang kalagayan sa kumpanya, hindi pantay na kundisyon sa trabaho, at ilan ay ginamitan ng dahas at hinabol ng kumpanya nung sila ay tumakas. Ang iba pang detalye sa survey na ito ay mababasa sa wikang Hapones sa www.jfcnet.org/news/info/80/.
May iba pang problema na hinaharap ng mga inang ito maliban sa trabaho, tulad ng pag aaral at problema sa lenggwahe ng mga anak nilang JFCs, kawalan ng kontak sa mga komunidad ng mga Pilipino sa lugar na tinitirhan, hirap ng pagkakahiwalay sa kanilang pamilya sa Pilipinas, at ang hirap ng pagiging single mother na may full-time na trabaho.
Kalagayan Ng Mga JFCs
Ang mga JFCs na bigla na lamang pumasok sa eskwelahan sa Japan ay humaharap sa maraming hirap. Hindi sila kaagad maka-adjust sa ibang sistema sa eskwelahan, lalo na sa wikang Hapones.
Kahit sila ay mga bata pa, at may kakayahang matuto kaagad ng bagong wika at kultura, hindi pa rin ito sasapat sa kanilang pag-aaral. May isang kilalang linguist (Jim Cummins) ang nagsabi na may dalawang uri ng kaalaman sa bagong wika para sa mga migranteng bata. Isa ay Basic Interpersonal Communication Skills (BICS), ito ang mabilis matutunan ng mga bata. At maaari silang maging halos native speakers sa 6 na buwan o sa 2 taon. Pangalawa ay ang Cognitive Academic Language Proficiency (CALPS) na kailangang makamit upang makapag-aral nang maayos ang bata habang pataas na ang level ng pag-aaral. Nguni’t nangangailangan ito ng 5 hanggang 7 taon na pag-aaral ng bagong wika. Kaya kung ang bata ay 10 taon nung magsimulang mag-aral ng bagong wika, makakamit niya ang CALPS level kapag 15 o 17 years na siya.
Kung ganito, maaaring may peligro na tumigil na sa pag-aaral ang bata bago makakuha ng CALPS level.
Ang pagkakaiba ng sistema sa pag-aaral sa Pilipinas at Japan tulad ng entrance exam, kaayusan sa klase at ang mga inaasahan ng mga guro sa mga magulang ng mga bata ay nagdudulot din ng mga problema sa mga JFCs.
Ang mga single mothers na dayuhan, na may problema sa paghahanap-
buhay, ay dumadagdag sa pagiging vulnerable o kahinaan ng mga JFCs. Nakakalungkot na ang mga trabaho sa Japan o ang lipunang Hapones ay masyadong nadodominahan ng mga lalaki at ng mga Hapones na siyang nagdudulot ng karagdagang pahirap sa mga JFCs at sa kanilang mga ina.
Kailangang may magawa upang maayos ang kalaga-yang ito. Kailangang magtulungan ang mga pamahalaan ng Japan at Pilipinas para mawala ang ganitong pagsasamantala sa mga JFCs at sa kanilang mga ina, at maparusahan ang mga gumagawa ng paglabag sa kanilang karapatang pang-tao. Kailangan ding magtulungan ang mga tao para dito.
No comments:
Post a Comment