Hanggan
Nov - Dec 2014
Hanggang saan, hanggang kailan
Hanggang sa dulo ng walang hanggan
Hanggang ang buhay ko ay kunin na ng Maykapal
Mga linya sa isang sikat na awitin o kanta na susubok sa ating tatag sa mga pangyayari sa ating mga buhay-buhay.
Magandang araw po sa ating lahat mga kababayan! Sa isyung ito, dalawang mahahalagang pangyayari sa ating mga buhay ang ating gugunitain o alalahanin. Ito ay ang araw ng mga mahal nating humayo na sa kabilang buhay. Ang araw kung saan tayong mga Pinoy ay nag-aalay ng dasal at mga bagay-bagay para sa mga kaluluwa ng ating mga mahal sumakabilang buhay na. Isang paraan ito upang maibalik o maipakita ang pagmamahal natin sa kanila. At siguradong bisi na naman ang mga tao, sa mga simbahan, sa Dangwa, Sampaloc, Manila kung saan mabibili ang mga bulto-bulto, mura at mga sariwang ibat-ibang klase ng bulaklak, ang mga namamahala ng mga sementeryo at ang ating mga kapulisan ay abala sa pananatili at pagbabantay para sa mapayapang malaking selebrasyon na ito sa lahat ng kapuluan sa bansang ating pinagmulan.
Ang isa pang ating inaabangan ay ang Pasko. Pasko na naman po mga kababayan! Maligayang Pasko po sa ating lahat. Araw ng pagkasilang ng ating Poong Maykapal, ang ating tagapagligtas at ang daan para sa ating Amang nasa langit. Ito ang araw na pinaghahandaan ng karamihan sa buong mundo. Ang araw kung saan masasaya halos ang mga tao. Maliban sa pagbibigayan, pag-iibigan at pagpapatawaran. Minsan madaling sabihin ang mga bagay na ito ngunit may mga taong hirap din maibahagi ito. At maririnig natin ang salita sa kanta, hanggang kailan ako magtitiis? Hanggang kailan ako magbibigay? Hanggang kailan ako maghihintay?
Maraming kwento dito sa ating kapaligaran, sa ating mga kababayan ang pwede nating makuhanan ng mga ideya, aral, leksiyon at inspirasyon upang maiwasan natin ang ganitong sitwasyon kapag nagkataong dumating na ito sa ating mga buhay-buhay. At sana marami ang makaka-relate sa ibabahagi kong ito ngayong panahon ng kapaskuhan.
Alam nating lahat na ang pangi-ngibang bansa ay maituturing nating daan upang maiahon ang ating mga mahal sa buhay o pamilya sa kahirapan at matulungang maiahon o maisakatuparan ang pangarap ng ating mga magulang na sila mismo hinde nila ito nakamtan. At dahil sa nakikita o atin na itong nakagisnan at dahil na rin sa pagmamahal natin sa kanila, handa tayong magsakripisyo, maging sarili nating kaligayahan atin na isinantabi, mga anak, asawa iniwan sa Pinas dahil ito lang ang tanging alam nating paraan upang sila ay matulungan. At marami rami din sa ating kababayan, aminin man natin o hinde, tamaan na ang tatamaan, marami sa atin dito ang nabubuhay at maituturing nasa maling landas. Ito ay sa kagustuhang may malaking maipadala sa kanya-kanyang mga pamilya. Mayroong pilit nakikisama sa mga matatanda o mas matanda pa sa kanilang ama, sa mga taong hindi naman talaga masasabing mahal nila, nagtitiis kahit na sinasaktan na sila pisikal man o emosyonal para lang hindi mapauwi sa Pinas dahil wala din naman mapagkakakitaang maganda kapag umuwi pa. At mayroon ding binibigyan ng magandang pagkakataon, swerte kumbaga! Sila naman itong may magagandang buhay dito sa Japan, may asawa, mga anak at maayos na trabaho ngunit may mga ibang sinasayang ang mga ganitong pagkakataon o biyayang ito dahil sa kanikanilang bisyo, babae, lalaki, inom, droga, sugal, slot o pachinko. Hanggang kailan po ba dapat nating gawin ang mga ito? Hanggang ang mga ari-arian o mga pinaghirapan natin ay nawala na sa atin? Hanggang bumigay na ang mga katawan natin? O hanggang malagutan na tayo ng hininga?
Naramdaman na po ba ninyo ang maging " burnout"? Ito ay yung sa kabila ng lahat ng sakrispisyo, pagsisikap, paghihirap o pagtatrabaho ay ubos-ubos o halos wala ng itinitira para sa sarili, lahat ay ipinapadala sa pamilya sa Pilipinas at ang mga nanay, mga kapatid o mga kaanak ay nag feeling rich. Lahat umasa sa padala o sa ipinundar natin doon at hindi na nagsipag hanap buhay o nagtrabaho. Ang mga sinasabing kayamanan ay naubos o napunta sa wala, ang dating mala mansyon o palasyong bahay ay naisanla o naibenta at nagbalik eskwater, ang pinauupahang apartment o condo ay naglaho din. Yung pinag-aaral mo'y nagbulakbol, nakabuntis, nabuntis o nag-asawa ng maaga. Kumbaga, nauwi sa wala lahat ng pinaghirapan mo at napapagod ka na, naiistress, nadedepressed, gusto mo nang bumigay at ang magiging tanong mo sa sarili mo ay... Paano na tayo ngayon? Ano na ang dapat na gagawin natin? Saan at papano tayo ngayon magsisimula muli?
Sa isang misa, may homilya akong hinding-hindi ko nakakalimutan. Ito ay ang mga tanong na "Sino ang mag-aalaga sa tagapag-alaga? Sino ang maggagamot sa manggagamot? Sino ang manghihilot sa nanghihilot? Sino ang magsasalo sa tagasalo? at marami pa. Tagasalo? Ikaw ba ito kabayan? Tagasalo ng problema ng iba? Tagasalo ng responsibilidad na di naman dapat sayo? Mga malalalim na katanungan na ang nag-iisang kasagutan ay ang ating Poong Maykapal. Ang kanyang pagmamahal ay walang kupas,. Di tulad nating mga tao na minsan napapagod. Ang Diyos ay hinde napapagod, hindi bulag o bingi. Hindi nagsasawang tumulong at magmahal sa ating lahat. Walang pinipili. Walang mayaman o mahirap. Lagi Siyang nagpapatawad at lagi Niya tayong binibigyan ng mga pagkakataon o second chance. At Siya ay palaging nasa ating mga tabi. Kailangan lang ay kausapin natin siya. Sa kanya natin sabihin ang lahat ng ating mga problema o mabigat na dinadala dahil di man nating pisikal na nakikita, Siya ay gumagawa at hinde Niya binibigay sa atin ang anumang pagsubok na hinde natin kaya. Ang pagmamahal ng Diyos sa atin ay walang hanggan o walang katapusan, maging ito ay sa kabila na nang ating kamatayan at ang pagdadasal ay ang tangi nating ugnayan. Di na natin kailangan ng mga gadgets, load o wifi.
Isa sa mga narasanan ko, ang akala ko noon na ako'y nag-iisa. Noong 2006, nang nawalan ako ng bisa sa Brunei. Nag TnT ako sa Brunei at Malaysia. Kotse at bangka lang ang katapat. Nakakapagod at nakakatakot. Ang inaasahan kong kadugo kong tutulong sa akin ay tinalikuran ako. Iyak ang tanging ginagawa ko. Dasal ako ng dasal araw gabi, minsan wala ng kain. At masasabi kong dininig ng Diyos ang mga dasal ko. Binigyan Niya ako ng mga kaibi-gang handang tumulong sa akin at hinde ako tinalikuran kailanman. At hinding-hindi ko din inasahan na makakarating ako dito sa Japan, sa iilang parte ng Amerika, Europa at iilan pang bansa sa Asya na ni minsan ay hindi ko ito inakala. Masasabi ko pong ako'y pinagpala, sa kabila ng hirap, mga luha at pagtitiis. Sa kabila ng di ko mapasa-pasang medical tests noong gusto kong mag DH, saleslady o cashier sa Middle East o iba pang bansa. Pinagpala akong makakuha ng tourist visa kung saan wala ng medical tests na kakailanganin sa aking pag-alis. At dahil sa mga naranasan ko, masasabi ko rin na ang buhay natin ay tayo ang pumipili sa mga pagkakataong binibigay sa atin ng ating Panginoong Diyos. Kailangan lang po talaga ang taimtim na dasal at pananalig sa Kanya upang maituro Niya tayo sa tamang landas na dapat nating tahakin nang sa gayun lahat ng magpapasaya at minimithi natin ay mapapasa atin. At kung minsan may mga bagay tayong dapat isakripisyo para sa mga bagay na talaga nating gusto.
Kaya mga kababayan huwag po tayong sumuko. Lahat ng hirap at pasakit ay may katapusan. Lahat ng nawawala ay may kapalit at minsan higit pa sa nawala ang dumarating. Kailangan din po nating matutunang tumanggap o makuntento sa mga bagay-bagay na ipinagkakaloob sa atin. Tulad na lamang ni Hesus, Siya ay kaloob sa ating lahat at alam nating lahat na ito rin ang diwa ng Pasko na ating siniselebra taon-taon at dapat natin Siyang tanggapin sa ating buhay. Si Hesus ay isang regalo ng ama sa kanyang mga anak. At hindi rin lingid sa ating lahat kung papaano isinakri-pisyo ng kanyang magulang ang kanilang nag-iisang anak para sa sanlibutan. Dito natin makikita ang tunay na pagmamahal, ito ay walang hanggan. At sa aking pagmamasid o pag ninilay-nilay ang pagmamahal sa pamilya ay isang halimbawa. Minsan nag-aaway, nagkakatampuhan ngunit darating din ang araw na magkakaayos, magkakasundo at mangigibabaw ang pag-ibig o ang pagmamahal sa isa't-isa.
Pagpalain po nawa tayong lahat. Nawa'y manatili sa ating mga puso ang pag-ibig at kabutihan. Hanggang sa darating na bagong taon. Hanggang mapasaatin ang lahat ng ating inaasam-asam. Hanggang makamit natin ang tunay na kaligayan at kapayaan.
Maligayang Pasko po sa ating lahat!
No comments:
Post a Comment