KAPATIRAN
Palamuti
Nov - Dec 2014
Maligayang Pasko kapatid! Ang bilis ano? Mahilig ka ba maglagay ng palamuti? Dito sa Japan, minsan naiisip ko bakit ba ako magkakabit ng dekorasyon eh wala naman ako sa Pilipinas, iba naman ang selebrasyon dito, ang tahimik parang wala lang, saka ang hirap magligpit pagkatapos ano. Siguro kaya ko naiisip ito kase nakakalimutan ko na pala ang kahulugan ng Pasko. Ikaw, meron ka bang favorite Christmas Decoration?
Christmas tree ba? Sa Germany daw nag-umpisa ang tradisyon ng pagkakabit ng Christmas Tree. Sa mga unang sibilisasyon sa mundo katulad ng Ehipto at China, ang evergreen (siyang ginagawang Christmas tree), ay simbolo na ng buhay na walang hanggan dahil hindi nalalagas ang mga dahon nito at patuloy ang pagka-berde kahit sa Winter, kung saan nilalagay ito sa loob ng mga bahay. Sa paglaganap naman ng Kristiyanismo, ang Paradise Tree o Tree of Life ni Adam at Eve at ang pinagbawal na prutas ang siyang pinagmulan ng pagsabit sa isang evergreen ng apple na sinundan na ng pagsabit ng cookies, walnut, candies, paper rose, hanggang sa sinundan na at pinalitan ng
iba't-ibang uri ng mga panabit.
Christmas light? Tinatawag din ang Christmas na Feast of Light dahil ang Panginoong Hesu Kristo, ang Ilaw ng buong mundo ay isinilang. Dito nag-umpisa ang pagsindi ng malaking kandila sa bisperas ng kapaskuhan. Ang Christmas Lantern o ang ating sikat na Parol ay siya namang simbolo ng Star of Bethlehem. Sa pagsabit natin nito, para din nating iniilawan ang daan para sa Tatlong Hari na sinundan ang sinabing Bituin para matagpuan ang Diyos na Sanggol. Sa ngayon, ang christmas lights sa maraming bahay ay tila isang paligsahan, pagandahan at pabonggahan, talagang ginagastusan ng ilan ang konsumo ng kuryente, marahil dahil Pasko gusto nilang magbigay ng saya sa mga taong naaliw sa dulot ng illumination. Ang ganda naman talaga tingnan di ba, saka nakaka-excite manood ng sari-saring kulay ng ilaw na bumubuo ng isang hugis.
Christmas Wreath? Ang Advent o sa ating simbahan ay nangangahulugan ng Panahon ng Pagdating ay sinasagisag ng apat na kandila na nasa harapan ng altar ng simbahan. Ang mga kandilang ito ay mayroon mga simbolo. Ang bawat isa ay sinisindihan sa bawat linggo bago ang kapaskuhan.
Sa unang linggo, ang Candle of Hope (Pag-asa). Tinupad ng Diyos ang kanyang pangakong Pag-asa nating makasalanan, ang ating Tagapagligtas. Sa ikalawang linggo, ang Candle of Preparation (Paghahanda). Sa pagdating Niya, tayo ay maghanda. Sa Ikatlong linggo, ang candle of Joy (Saya). “Inawit ng isang anghel ang kapanganakan ng Panginoon at ang mensaheng ito ay naghatid ng kagalakan sa mga pastol.”
Sa Ikaapat na linggo, ang candle of Love (Pag-ibig). Mahal na mahal tayo ng Diyos Ama na isinugo Niya ang Kanyang Anak para tayo ay mabuhay na muli.
Ang panlimang kandila ay ang Panginoong Hesus na sinisindihan sa bisperas ng Pasko at patuloy na nakasindi sa buong kapaskuhan.
Ang mga kandilang ito ay pinapalibutan ng isang wreath o garland na malimit ay gawa din sa isang evergreen na ini-ikot o pabilog na simbolo ng walang katapusang pag-ibig ng Diyos sa Kanyang mga nilalang.
Sa ngayon, ang wreath ay nasa ating mga pintuan, nasa dinding, isang eleganteng palamuti o nakasabit din sa christmas tree.
Advent Calendar? Gumagawa ka ba nito? O naglalagay ka ba nito kapag pasko? Ito ay parang kalendaryo mula sa unang araw ng Disyembre hanggang sa bisperas o 24th. Ang bawat araw sa kalendaryong ito ay may mga bintana na binubuksan sa bawat araw at mayroong laman na sorpresa, pwedeng isang bahagi o larawan ng istorya ng pasko o maari ring chocolate o candy o maliit na laruan para sa isang bata. Maari din itong parang isang cabinet na merong dalawamput apat na maliliit na kahon.
Christmas stockings? Nakakatuwa kapag nakikita mo ang isang bata na halos tumatalon sa galak kapag magsasabit sila ng medyas na lalagyan daw ni Santa Claus ng kanilang aginaldo. Sa mga drawing sa libro, nakalagay ito sa may fireplace dahil sa chimney nga daw dumadaan si Santa Claus. Dati ko pa gustong gumawa ng personal na christmas stockings na cross stitch sana pero palagay ko malabo na ang mata ko hindi ko pa rin ito nagagawa dahil napakahirap bigyan ng oras.
Ang paborito kong palamuti sa tuwing pasko ay ang Belen. Si Saint Francis ang nagpasimula ng Nativity Scene o ang tagpo sa kapangankan ni HesuKristo. Naisip niya ito dahil gusto niyang ituon ng mga tao ang pagsamba sa Diyos kapag pasko at hindi isang okasyon para sa mga materyal na bagay. Ginawa niya ito sa isang kweba na mga totoong tao ang kumatawan sa Birheng Maria, Saint Joseph, tatlong hari, mga pastol, anghel at ang Sanggol na Diyos. Sa kalaunan, ginawa na rin ito sa ibang parte ng Italy at kumalat na rin sa buong mundo sa paglaganap ng Kristiyanismo at sa ngayon nga ay isa ng bahagi ng maraming tahanan bilang isang palamuti sa kapaskuhan.
Kapag nilalabas ko ang Belen, sa paggayak ko nito ay naalala ko ang nangyari noong unang Pasko. Ang Hari ng lahat ay ipinanganak sa isang sabsaban, katabi ng mga hayup, sa banal na mag-asawang mababa ang kalagayan sa lipunan. Dumating ang tatlong hari para magpugay sa Kanya, sinabihan din ng anghel ang mga abang pastol para pumunta sa Kanya. Meron pa bang hihigit sa ganda at kababaang loob ang ganda ng istorya ng pagdating ng Makapangyarihang Diyos sa atin? Ano kaya ang mararamdaman natin kung naroroon din tayo at tinawag ng anghel na pumunta sa Kinaroroonan ng Sagrado Pamilya, makita ang bagong silang na Hesus. Sa Paskong ito, bigyan mo ng sandaling maisip ito at sapat na para maramdaman mo kung ano ang aginaldo Niya sa iyo. Huwag kang papalya sa misa ngayong Pasko, ha?
No comments:
Post a Comment