Visa Para sa mga
Pilipinong Magulang
ng JFC na Nais
Makapunta ng Japan…
Nov - Dec 2014
Nitong mga nakaraang araw, dumarami ang mga Kababayan nating kumukonsulta sa akin sa facebook mula sa Pilipinas at ibang bansa na mayroong anak sa tatay na Hapon. Ang iba ay nagtatanong kung paano sila makakarating sa Japan at ang iba naman ay nandito na kasama ang kanilang anak subalit short stay lang ang visa ng mga nanay at nagtatanong kung paano makakapagpalit ng status. Mayroon ding nagpapatulong kung paano makikita ang kanilang tatay na Hapon dito sa Japan.
Dahil sa magkakaiba ang kalagayan ng mga Japanese Filipino Children o JFC, itutuon ko lamang ang aking sulatin sa pagkakataong ito, sa mga JFC na naninirahan sa Pilipinas na mayroong child recognition (ninchi) mula sa kanilang tatay na Hapon o may hawak na Japanese passport na, kung paano makakapunta sa Japan, gayundin ang kanilang ina.
Unang una po, kailangan nating matiyak na ang inyong anak ay nakalagay sa family registration o “kosekitohon” ng kanilang ama, laluna iyong mga sinasabing na-ninchi. Hindi maaaring maging batayan ang recognition na isinagawa sa Pilipinas para makapunta dito, kundi ang kailangan ay ang ninchi at nakarehistro sa Japan. Pagkatapos nito, ito ay awtomatikong malalagay sa family registration ng tatay. Ito ang pinakamahalagang dokumento na mag-uugnay ng relasyon ng bata at ng tatay na Hapon.
Kung walang kosekitohon ng tatay na Hapon, maari po kayong magpakuha sa Japan sa isang abogado o kakilala, magpadala lamang kayo ng authorization letter kasama ang kopya ng inyong ID o passport. Sa pagkuha ng kosekitohon, kailangang alam ang kumpletong pangalan ng ama at ang kanyang “honseki” o ang tinatawag na registered address. Kadalasan, magkaiba ang honseki at ang kasalukuyang tinitirhan, kaya mahalaga na matandaan ang kanilang honseki. Mahihirapang makakuha nito kapag hindi alam ang honseki ng isang Hapon. Malaki ang maitutulong kung may kopya kayo kahit ng lumang kosekitohon.
Kung natiyak na ang inyong anak ay nasa family registration ng kanyang tatay na Hapon, maari na po kayong magpunta ng embahada ng Japan o akreditong agency upang mag-aplay ng visa (para sa mga walang hawak na eligibility). Maaaring mag-aplay ng long-term visa, at maaaring ilagay na layunin ay upang palakihin ang inyong anak sa Japan. Kung mag-aaplay ng short term (tourist visa), humingi ng 90 days visa at ilagay sa layunin na aayusin ang paghahanda upang makapamuhay kayo at ang inyong anak sa Japan.
Tandaan na hangga’t bata pa ang inyong anak ay asikasuhin na agad ang inyong pagpunta dahil kapag lumagpas na ng 20-taong gulang ang bata, mawawala na ang kahulugan ng pagsama ng nanay. Sa edad na ito kaya na niya dapat tumayo sa sariling paa at hindi na kakailanganin ang nanay.
May mga nakarating sa Japan na may tourist visa at pinayagang manatili lamang ng 2 linggo, at dito na lamang daw sila magpapalit ng status ng residente o ekstensyon. Marami ang nagkakamali sa pamamaraan at kadalasan ito ay hindi naaprubahan ng immigration. Maaaring ito ay dahil sa layunin na inyong isinumite nang mag-aplay ng visa. Kaya mahalaga po na maisaad ninyo ang inyong layunin sa pagpunta sa Japan upang makakuha ng at least 90 days, kung hindi man long-term. Kung mayroong hindi kayang isumite na dokumento o hindi aplikable, maaaring isalaysay sa sulat ang dahilan. Subalit hindi rin kasiguruhan na mabibigyan ng visa kahit makumpleto ang mga kailangang dokumento.
Kung papalarin na makapasok sa Japan sa ilalim ng 90 araw na pananatili, maganda na asikasuhin ang mga sumusunod na usapin upang mas lumaki ang posibilidad na mabigyan ng long-term visa. Una, maghanap ng mapapasukang trabaho at humingi ng katunayan na kayo ay tinatanggap nilang magtrabaho o kopya ng kontrata. Ikalawa, maghanap ng matitirhan at humingi ng kopya ng kontrata mula sa may-ari ng bahay, o sulat kung kayo ay makikitira sa isang kamag-anak o kakilala. At ikatlo, kung may planong pag-aralin ang inyong anak, humingi ng katunayan ng pagpasok sa nasabing paaralan dito sa Japan.
Mahalaga ding maka-hanap ng guarantor mula sa Japan, ito ay maaaring kamag-anak, kompanya o NGO. Kailangang maipakita kung sino ang susuporta sa inyong pamumuhay sa umpisa. Kung kayo ba ay mamumuhay mula sa sariling bulsa o mula sa ibang tao o grupo. Mag-iiba ang mga kailangang dokumento batay sa kung sino ang magiging guarantor ninyo.
Malaki ang maitutulong ng mga kamag-anak o kaibigan na naninirahan sa Japan, at ng mga orga-nisasyong tumutulong sa mga ganitong usapin dahil may mga bagay na mahirap asikasuhin kapag nasa Pilipinas ka. Mungkahi ko na pag-aralan at paghandaan ang mga bagay na nabanggit sa itaas bago ang planong pagpunta. Mag-ingat din sa mga indibidwal o grupo na magsasamantala ng inyong kalagayan at magbibigay ng mga kondisyon kapalit ng kanilang pagtulong. Iwasang maging biktima ng “human trafficking.”
No comments:
Post a Comment