Sunday, December 21, 2014

Renaliza Rogers

SA TABI LANG PO: Paskong Nagdaan


Nov - Dec 2014

Disyembre na. Napakabilis ng panahon. Parang kailan lang ako nagsulat ng aking New Year article, ngayon naman ay Christmas article na ulit. Syempre, dito sa Pilipinas, warm lagi ang Pasko, di tulad sa Japan na napakalamig (oo, literally at figuratively speaking).   

Kung bibilangin ko, 25 na Pasko na ang aking naranasan. Karamihan hindi ko maalala ang mga pangyayari noong mga unang Pasko sa buhay ko. Syempre sino ba naman ang nakakaalala ng Pasko noong sanggol pa lang sila? Ang mga naaalala ko sa mga Paskong nagdaan ay kakaunting mga mahahalaga at hindi makakalimutang mga tagpo.   

Noon, wala kaming Christmas tree. Bumili lang ang lola ko para ako'y mapasaya. Isang maliit na Christmas tree, yun bang smallest size na pampatong lang sa ibabaw ng mesa, pero tuwang-tuwa na ako. Kinabitan ko ito ng mga bunga ng aratilis o "sarisa" kung tawagin sa Ilonggo na hinarvest namin ng yaya ko sa sementeryo. Nilanggam ang aming Christmas tree makalipas ang ilang araw.  

Noon, tuwing uuwi ang aking ina sa Pasko ay may kung sinong magkakalat sa kanayunan na "dumating si Beth!" Sa bisperas ng Pasko ay darating ang isang truck (truck ng tubo, 6-wheeler, malaki) ng mga kamag-anak namin mula sa kanayunan, kasama ang ibang kapitbahay nila at kung sino pang kakilala ni kwan na niyaya ni kwan. Okay na lang kahit biglaan tutal Pasko naman at nanabik daw silang makitang muli si pinsang Beth. Uulan ang tig-iisang daan na ipamimigay sa naghihingi ng pamasko at malayo-layo nga naman ang nilakbay nila. Masaya naman ako dahil andaming tao at andaming handa bigla, pero ewan ko kung ano ang naramdaman ng bulsa ng aking ina.  

Kami ng mga pinakamalalapit kong mga pinsan ay sasayaw ng "Macarena" for the entertainment of all at para sa prize money na 20-pesos each.  Hindi ko naman memorize ang mga steps ng Macarena pero sige lang ako ng sige,  at kung ano man ang gawin ko ay yun na rin ang gagawin ng iba. Nagmukha man kaming tanga, okay lang dahil may 20 peso prize money na kung papalarin ka ay madodoble pa, depende kung bigay na bigay ka sa sayaw mo.   

Nitong 5 years ago lang, nagpasko kami sa Batangas. Bago magpasko ay nag-away kami ng aking ama at walang kibu-an. Ngunit nagsimbang gabi ako at parang sinadya yata ni padre na patamaan ako nang sinabi niyang "ikaw na anak, ikaw ang unang magpakumbaba sa iyong magulang dahil pasko naman." Kinabukasan ay maaga kong pinuntahan ang aking ama habang siya'y nagkakape sa balconahe. Niyakap ko siya at sinabing, "bati na tayo, Pa." Wala siyang naisagot. Nanginig lang siya habang hawak-hawak ang tasa ng kape at sigarilyo at habang pinipigilan ang luha niyang pumatak. Muntik na akong matawa kaya't iniwan ko na lang siya bago pa masira ang moment. Kinabukasan, nagluto siya ng paborito kong dinuguan.  

Ang Pasko ay hindi naman pabonggahan. Para sa ating mga Pilipino, ang Pasko ay tungkol sa pamilya at pagsasama-sama. Siguro, sa lahat ng lahi sa mundo, sa ating mga Pilipino pinaka-big deal ang Pasko. Hindi ito isang one-day event lang. Usually, buong Disyembre ito hanggang mag Bagong Taon. September pa nga lang minsan ay may maririnig ka nang mga Christmas songs kung saan-saan at makakakita ka na ng Christmas lights na nakakabit sa mga kabahayan. Ang mga nasa abroad ay ilang buwang magpaplanong umuwi para makasama ang pamilya.   

Nakasanayan kong tuwing magpapasko ay uuwi ang aking ina o mga tiyahin galing abroad tapos kami'y magsasaya ng magkakasama. Ang Pasko sa amin ay parang reunion ng pamilyang karamihan ay nasa ibang bansa. Nito nga lang mga nagdaang Pasko, hindi ko masyadong nadama o na-appreciate dahil hindi nakauwi ang aking ina. Hanggang webcam lang kami. Nanonood siya habang kumakain kami ng Noche Buena dito at nandoon din siya sa kabilang dako kumakain kasabay namin.   

Sa Paskong 2014, walang taga abroad sa pamilya naming uuwi. Ewan ko ba kung bakit sabay-sabay din silang lahat hindi uuwi ng Pinas. Magsisimba na lang kami dito upang magpasalamat sa Diyos, mag we-webcam na lang at maghahanda na lang kami ng sapat para sa amin, huwag masyadong madami dahil sayang lang pag hindi naubos at isa pa dahil nagtitipid tayo.      

No comments:

Post a Comment