ISANG ARAW SA ATING BUHAY
by Jeff Plantilla
Habang nakapila ako sa money exchange counter sa isang airport, may isang babae na nagtanong sa akin kung ako daw ay marunong mag-Ingles. Dahil naramdaman kong siya ay Pilipina sumagot ako ng Pilipino. Nabigla siya at pabulong na nagpasalamat. Bibili daw siya ng softdrink kaso Philippine Peso ang dala niya, hindi puwedeng gamitin. Papunta daw siya sa Hiroshima, nagta-transit lang siya sa airport na yon.
Dahil may local currency na ibinalik sa akin nung nasa money exchange counter, ibinigay ko na lang sa kanya ang natirang pera (kasama ang natirang mga coins). Sabi ko sa kanya, yon na lang ang gamitin niya. Tuwang-tuwa naman niyang tinanggap ang aking pera. Hindi na niya pinapalitan ang kanyang dalang mga piso. Mabilis siyang umalis at nawala.
Mukhang ngayon lang siya nagbiyahe sa labas ng bansa. Marami pa siyang aalamin, kasama na ang pagpapalit ng pera mula pa lamang sa Pilipinas.
Siya ang isa sa mga Pilipinang makakaranas ng buhay sa labas ng Pilipinas. Nagsisimula siya ng buhay na malayo sa pamilya, kaibigan at mga kakilala. Pupunta siya sa lugar na hindi pa niya kabisado. Magsisimula siya ng buhay sa Japan bilang gaikokujin, o bilang estrang-hero.
Saan kaya siya pupunta? Kung siya ay talagang sa Hiroshima pupunta, may mga residenteng mga Pilipino kaya siyang makikilala? May komunidad kaya ng mga Pilipino siyang mapupuntahan, na makakatulong sa kanyang pamumuhay sa Japan?
Sa mga taong sanay na sa pagbibiyahe, hindi na siguro problema ang paghahanap ng grupo ng mga Pilipino na maaring kaibiganin. Sanay na sila sa buhay estranghero.
Pero paano ang mga bagong salta? Lalo na kung nag-iisa silang nakikipamuhay sa ibang bansa? Hindi kaya sila mahirapan sa pag-a-adjust sa bagong buhay na ito? Malamang may mga hindi sinasadyang pagkakamali silang magawa. Maaari silang magkaproblema nang mahigit sa kanilang inaasahan.
Pilipinong Hindi Nakikita
Minsan sa isang forum ng mga Hapon, sinabi ko na iba ang komunidad ng mga Pilipino. Wala tayong sariling lugar tulad ng China Town o Korea Town. Hindi tayo visible, paminsan-minsan lamang tayong lumalabas o nakikita bilang mala-king grupo. Pero mahigit na 200,000 tayo dito sa Japan – saan tayo napapunta?
Ang pinaka-karaniwang nangyayari ay ang pagkakakaroon ng komunidad sa isang simbahan o sa isang lugar. Minsan, may mga grupo na binuo ayon sa isang gawain (sports), issue (grupo ng mga kababaihan), o status (grupo ng mga students o alumni ng mga universities sa isang lugar).
Nguni’t hindi pa rin ito sapat para tayo ay maging visible sa mga Hapon.
Ang tingin ko, marami sa atin ay hindi nakikita dahil kabilang tayo sa kani-kaniyang pamilya sa Japan. Kahalo na tayo sa mga pamilyang Hapon. Ang gawain natin ay hindi na kakaiba sa gawain ng mga Hapon – mula sa pag-aalaga ng mga anak, sa pakikipamuhay bilang mga asawa, pati na rin sa pagtatrabaho. Sa pang-araw-araw na buhay, hindi tayo nagkakasama- sama dahil sa ating kani-kaniyang pinagkaka-abalahang pamilya at trabaho.
Mukhang ito ang nagi-ging kalagayan ng marami sa atin, abala sa pamilya at sa trabaho. Kaya hindi na nagkakaroon ng panahon sa makasali sa mga grupo ng Pilipino.
Bagama’t bahagi ito ng normal na buhay may-asawa o buhay trabaho, may magandang dahilan pa rin na mapasama sa komunidad ng mga Pilipino.
Komunidad ng mga Pilipino
Para saan ba ang ating mga komunidad ng mga Pilipino? Ito ba ay pang-relihiyon o kung anumang dahilan?
May mga mabuting nagagawa ang mga komunidad ng Pilipino sa iba’t-ibang bagay. May mga komunidad na nagiging tulay sa pagitan ng mas mala-king komunidad ng mga Hapon at ng mga Pilipino. Sila ay maaa-ring katulong din bilang tulay sa mga Hapon at iba pang hindi Hapon, tulad ng pagdaraos ng international activities.
May mga komunidad na tumutulong sa mga nangangailangan sa Pilipinas. May mga scholarship funds na itinatayo, may mga school supplies na ginagastusan, may tulong sa mga naapektohan ng mga disasters tulad ng bagyong Ondoy. May nagagawa din ang mga komunidad para sa mga Pilipino dito sa Japan.
Sa mga Pilipinong matagal nang hindi nakakasama ang pamilya sa Pilipinas, ang mga komunidad ang nagiging shelter para mawala ang lungkot, para maging Pilipino muli sa kilos at salita. Kahit isang beses lang sa isang buwan, malaking tulong ang mapasama sa isang komunidad. Ang ilang oras ng tawanan at kwentuhan ay malaking tulong para muling lumakas ang spirit at katawan na nahihirapan sa pang-araw-araw na buhay dito sa Japan.
Kaya ang halaga ng mga komunidad ay hindi lamang upang tayo ay maging visible, kahit konti, sa lipunan ng Japan. Ito ay hindi lamang para makilahok sa lipunan ng Japan. Ito ay hindi lamang para makatulong sa kapwa Pilipino sa Pilipinas. Ito ay para rin sa pangangailangan ng mga Pilipino sa Japan na makabalik sa dating kalagayan – kilos Pilipino, salitang Pilipino, kaing Pilipino.
At sana ay maunawaan ng ilang Hapon na ang komunidad ng Pilipino ay mahalaga sa pamumuhay sa Japan bilang dayuhan. Hindi natin inihi-hiwalay ang ating sarili sa mga Hapon, sa imbes araw-araw tayong nabubuhay na kasama sila. Konting break lang ang ating ginagawa, break sa araw-araw na saya, lungkot, pagod sa buhay sa pamilya at sa trabaho.
Kaya sana yung Pilipinang aking sandaling nakausap sa airport ay makakahanap ng komunidad na kanyang masasalihan. Hindi na niya kailangang danasin muna ang hirap kung kaya namang sabihin sa kanya ng kapwa Pilipino kung ano ang magagawa para maging maayos ang buhay niya sa Japan.
Sana ay nagdala din siya ng makapal na coat para hindi siya lamigin sa unang tapak niya sa lupa ng sumisikat na araw.
No comments:
Post a Comment