KAPATIRAN by Loleng Ramos
UTOL KITA
“Manigong Bagong Taon!“ Ang bilis, ano ang nasa sa isip mo kapag New Year? Hindi na siguro ang putukan kasi sa Summer iyan dito eh, Hanabi! Media Noche ba? Osechi-ryori sila rito pero sa almusal mo pa kakainin. Soba na lang muna sa bisperas ng bagong taon. Sa new year’s eve sa Japan, walang barilan, walang torotot, walang busina, pero merong kalembang; sa atin sa Pilipinas, sa pagkatapos ng midnight mass at sa pagtunog ng alas-dose ng gabi, dito, midnight din ang 108 na beses na pagtunog ng kampana ng mga Buddhist monks. Baka tanungin mo bakit 108, kase iyon daw ang dami ng pwedeng maging kasalanan ng isang tao, hmmmm. Tama kaya iyon, ikaw ba naka-ilan ngayong taon? Tatanggalin daw kasi ng bawat tunog ng kampana ang mga kasalanang ito.
Iba-iba ang selebrasyon sa bawat bansa pero para sa lahat, ang bagong taon ay naghahatid ng bagong pag-asa ng mas mabuting buhay, mas maunlad, mas masaya; na sa lumipas na taon, nadala na din nito ang lahat ng mga pangit na pangyayari, pati na ang lahat ng kapangitan sa ating sarili. Ang bawat taon din ay nagpaparamdam, na umiksi din ang chapter ng libro ng ating buhay… dapat sa bawat taon, umaasenso tayo, sa pagka-tao. Paano na lang kung wala ng next year, saan na tayo pupunta? Saan ba tayo pupunta?
Narinig mo na ba ang salitang “Beatific Vision”? Eto ang sandaling pinakahihintay ng bawat nilalang. Sa katapusan ng ating buhay, makakamit ba natin ang sukdulang ligaya, na makaharap ang Diyos na lumikha sa atin? Teka, kilala mo na ba Siya? Kilala, kinikilala pa? Baka mamaya dahil nilisan mo ang Pilipinas, pati relihiyon mo nilisan mo na rin. Baka mamaya sobrang cute ang dating sa iyo ng pag-hila ng kampana sa Shinto Shrine tapos may pag-palakpak, doon ka na rin nagdadasal hah? Sa pagyuko natin sa Shrine at Temple, nagbibigay galang lang tayo sa sinasamba ng ibang relihiyon pero para makidasal tayo, naku naliligaw ka na nyan! Tingnan mong mabuti ang nasa altar!
Ang bilis ng New Year, ang bilis din ng buhay! May mali ba sa iyo? Wala naman perpektong tao pero alam mo din kung meron kang dapat itama, umpisahan mo na ngayon. Marami tayong magkaka-patid na nakakalat sa Japan, kung kailangan mo ng tulong, lumapit ka lang, kung talikuran ka man ng marami, hindi pwedeng wala kang kapatid kay Kristo na dadamay sa iyo. Magpakatatag ka at manalig na hindi lang Bagong Taon ang pwedeng ibigay ng Diyos, Bagong Buhay din! Hawakan mo ang iyong buhay na merong takot na isang araw, matatapos din ito. Matatapos din ang buhay. Ito na siguro ang unang bagay na ayaw nating isipin. Basta, bahala na! Bahala na?
Isang magandang New Year’s Resolution (pero syempre mas higit pa dito ang pwede nating baguhin o maging resolution para sa ating sarili): Isipin mo ang Diyos sa bawat araw. Kung hindi ka makapag-dasal o hindi ka marunong mag-dasal, wala kang oras makapag-simba, walang malapit na simbahan, pagod ka na, sa kung anumang dahilan… kahit isang minuto lang, isipin mo na nakikita ka Niya, nadidinig ka Niya. Itong saglit na ito, sa bawat araw pa ng ating buhay, dadami din, parang nag-iipon lang tayo sa alkansya. Para when our time comes kumbaga, may dudukutin din. Kapag tinanong ka na ni San Pedro, “Nasaan ang credentials o katibayan ng kakayahan mo para sa Final Interview?” Pwede ka agad makasagot ng “Eto lang pong alkansya ko eh.” Sabi ulit ni San Pedro, “Sige, timbangin natin kung pwede na.” Hahaha. Kapatid hindi biro ito hah? Kaya kung ‘bahala na’, ikaw din, sige ka!
Bago natin makalimutan, syempre dapat magpa-salamat tayo sa Taas para sa lahat ng biyayang natanggap natin at para sa lahat pa ng darating ngayong Bagong Taon. Gamitin nating mabuti ang 2012, para sa Kanya, sa ating sarili, sa ating bayan, sa bayang nag-a-ampon sa atin, sa ating kapwa.
Kapatid, Happy New Year sa iyo, and a Happy New Life!
No comments:
Post a Comment