Thursday, January 12, 2012

SA TABI LANG PO by Renaliza Rogers



SA TABI LANG PO
by Renaliza Rogers

pasaporte

Nag o-OJT ako (on-the-job training) sa Department of Foreign Affairs sa Bacolod bilang requirement para makapagtapos. Oo, tunog bigatin nga naman ang jobsite, pero dahil nga ahensya ng gobyerno, walang allowance ang trainees. Alam nyo naman, hirap na hirap ang gob-yerno ng Pilipinas ngayon, kailangan pang i-allocate ang pambayad sa golf club ng mga nasa pwesto.

Nakaka-enjoy dito, marami kang matututunan. Mababait ang mga empleyado sa DFA at nakakatuwang kasama. Una kong naging gawain ay mag file at sort ng mga papeles at passport application forms. Maaliw ka sa mga picture ng mga aplikante. May magaganda, may gwapo, may mga maaliwalas, may duling, may parang iiyak, at merong mga aakalain mong ibuburol. Kaya’t konting paalala: pag nagpa ID picture kayo, ugaliing magsuklay ng konti at medyo ngiti ng konti para huwag mapagtawanan ng mga nag fa-file. Minsan naman sa passport processing ako naka assign. Gawain kong mag process at mag interview sa mga aplikante at i-check kung tama ang mga papeles nila o pinepeke nila ako. Halos yata every week may eksenang madrama sa DFA. Minsan merong nagwawala, nakaha-handusay at umiiyak, at mga sumisigaw ng “Bakit ba ayaw ninyo akong palabasin ng Pilipinas?!” o “Talk to my lawyer!” Hindi ko minsan maintindihan kung matatawa ba ako o maaawa kapag ini-eskortan sila ng mga guard palabas.

May mga aplikante ding pasaway. Minsan kahit magkaiba ang nakasulat na “place of birth” sa baptismal at birth certificate nila at kailangan muna itong itama, ipagdidiinan pang sadyang ipinanganak daw sila sa dalawang magkaibang lugar. Ay ano yun, omnipre-sence? Diyos ata… Meron ding hindi raw nakaapak ng kolehiyo pero may bagong college school ID galing sa mga unibersidad, laminated pa! Kadalasan, sila’y galing probinsya at hindi naman nila intensyong manloko ngunit naloko lamang sila ng mga mapanlokong recruiter. Langya, hindi na kayo naawa!

Sa pagte-train ko dito, naintindihan ko na din kung bakit minsan ang susungit ng mga processor o interviewers, hindi lang sa DFA kundi kahit na sa ibang ahensya. Mababait naman talaga sila, pero kaila-ngan ding magsungit paminsan-minsan. Bakit? Kapag kasi peke ang papeles mo, kadalasan ay kakabahan ka sa gagawin mo. At kapag ginisa ka na ng processor mo, dun ka kadalasang magpa-panic at mahuhuli. Kaya’t sa mga may plano diyan ha, beware!

Minsan, bilang empleyado, kailangan mo ding magpakita ng lakas para respetuhin ka. Nung inassign akong mag assist ng mga aplikante sa pag aareglo ng mga papeles nila, inabisuhan ko ang isang aplikante na kumuha muna ng affidavit dahil kakailanganin niya ito. “How sure are you, inday?” sabi pa ni sir sa akin at naki argumento pa, in English ha! Malumanay akong nag-eexplain ngunit masyado siyang pilosopo at namemersonal dahil ako’y estudyante lamang. Gusto ko nang mamutla sa tension, pero never show weakness in front of the enemy, ika nga. Kaya’t lunok ng laway Renaliza! “Sir, all applications come through me before they get processed. If you don’t get that affidavit, I cannot accept your application and you can come back some other time when you already have it. Next!” Sabay ngiti para laging service with a smile.

Dito, tuwang-tuwa ako kapag makakarinig ng mga batang doon na ipinanganak at lumaki sa abroad ngunit marunong magsalita ng Tagalog, kahit konti, kahit pa nahihirapan. Nagpapakita lang yun kasi na pinapahalagahan ng mga magulang nila ang pagiging dugong Pilipino. Tuwang-tuwa din ako kapag may mga senior citizens na kumukuha ng passport dahil sila’y dadalhin ng kanilang anak para mag tour. Ang sarap kasi pakinggan pag proud na proud silang ikwento na ang anak nila’y isa na ngayong nurse or engineer, etc. sa Japan or Canada or saan man at ipapasyal na sila doon. Ang sarap ding pakinggan ng mga Pinay na kahit pa utal-utal ang English ay proud na proud na kini-kwento na dadalhin na sila ng kanilang fiancĂ© abroad. May mga taong naiinis makinig sa ganitong mga kwento, nayayabangan daw. Pero ako, natutuwa akong makinig sa mga masasayang kwento nila. Kadalasan kasi, ang dahilan ng pag-aabroad ay kailangang kumita ng pera sa ibang bansa kahit na mapalayo sa mga minamahal sa buhay.

Maraming mga nanay ang iiwan ang kanilang mga anak para mag trabaho bilang Domestic Helper sa Hong Kong or Middle East at kung saan-saan dahil walang makitang trabahong pagkakakitaan ng sapat sa Pilipinas. Maraming ama ang iiwan ang mga asawa’t anak para bumalik sa Saudi o sumakay ng barko. Nakakalungkot isipin na milyon-milyong Pilipino ang kumukuha ng pasaporte at naghaha-ngad makalabas ng bansa dahil sa hirap ng buhay sa Pilipinas.

Oo, masaya nga namang makapunta sa ibang bansa, sino ba namang ayaw? Ang mahirap lang dun ay ang pananabik mo sa mga naiwang minamahal sa buhay sa Pilipinas. Pwera na lang siguro kung ang minamahal mo ay nandun sa ibang bansa syempre. Sa sobrang sabik siguro, pati si manang janitor sa DFA sasabihan mo ng, “Mag-aapply ako ng passport kasi kukunin na ako ni Joe!”

No comments:

Post a Comment