BEBELITA TAKAYASU: Ang Sumo Mama
Hindi biro ang magpalaki ng anak. At mas hindi biro ang magpalaki ng anak dito sa Japan. Kahit sabihin mo pang ga dosena pa ang mga anak ng isang pamilya sa Pinas, parang wala pa rin problema kay nanay at tatay. Siguro, meron na kasing taga-alaga, taga-luto, taga-linis, taga-tulog, taga-palengke at taga-laba. Eh paano naman kung walang “taga” si nanay na isang hamak na dukha lamang? Siguro, kaya ganyan na lamang dumarami ang mga street children sa atin. O kaya’y imbis na meron “taga” ay “maki” na lamang: maki kain, maki luto, maki linis, maki laba, maki tulog at kung anong maki pa.
Dito nga sa Japan, isang anak lamang ang meron pero grabe sa hirap ang mga nanay. Siguro, ang isang anak dito ay katumbas sa apat na anak sa Pinas. Buti nga sa Pinas, kahit ordinaryong tao, kaya pang kumuha ng katulong sa bahay. Ngunit dito sa Japan, kahit sabihin mo pang may kaya ka sa buhay, hindi mo pa rin kayang kumuha ng katulong. Pagdurusa ang sumpang nakuha sa pagsilang ng sanggol! Hayan si Mama Olive, habang nag bibisikleta, angkas niya ang tatlong anak. Isipin mo lang kung paano niya na ba-balanse ang bisikleta. Pwede na rin siyang sumali sa circus. Hindi porket marunong kang mag-bisikleta, OK na. Tatlong bata ang angkas mo. Eh, paano na lang kung may loko-lokong driver diyan?
Gusto kong ipakilala sa inyo ang isang nanay na Pilipina na taga-Ibaraki, si Bebelita Takayasu, na tinaguriang “sumo mama” dahil ang kanyang anak ay isang sikat na sumo wrestler sa Japan. Gusto ko sanang interbiyuhin yung anak niya mismo pero alam naman ninyo, hindi basta-basta kadali ang mag-interbiyu ng mga sumo wrestlers. Marami kang pag dadaanan na butas. Pero ang nanay naman ay napaka-available tsaka visible sa lahat ng mga events. Para na rin siyang isang celebrity! Napag-isipan ko, baka pwede natin matanong kung paano siya nagpalaki ng isang sumo wrestler.
Nagkita kami sa Burger King isang gabi sa Roppongi, Tokyo. Dala niya ang kanyang BFF na si Ningning Tomiyama na presidente sa fans club ng kanyang anak. Tatlong oras kaming nagkwentuhan tungkol sa buhay ni Bebelita. Unang plano ko talaga ay ipokus ang kwento sa kanyang pagpapalaki ng anak. Subalit sa daloy ng kanyang kwento, natuklasan ko ang makulay at ma-dramang buhay ni Bebelita simula ng pagsilang niya hanggang ngayon. Hindi pa nga siya sinisilang, nagsimula na ang heavy drama! Imagine mo, iyak kami ng iyak ni Ningning sa mga kwento ni Bebelita. Buti na lang at libre at “tsukaihodai” ang paper napkin sa Burger King. Non-stop ang pagtulo ng aming luha. Mala-tele nobela ang buhay ni Bebelita. Kahit siguro 10 seasons ng tele-drama, kayang-kaya! Naka-tatlong balik na ako sa toilet at apat na hot coffee, hindi pa rin matapus-tapos ang kwento niya! Sasabihin ko na hindi sapat ang artikulong ito para bigyan buhay at katuwiran ang mga sangkap na karanasan na sumapo sa kanyang buhay.
Heto po ang ilan sa mga ulat na galing sa buhay ni Bebelita Takayasu mula sa kanyang mga natitirang makulay na alaala.
“Pinanganak ako na hindi kasal ang aking mga magulang dahil menor na edad sila. Mga kapatid ng nanay ko, mga uncle ko, against sila sa kasal. Matatapang. Ayaw nila. Ang masakit noon, hanggang ngayon, hindi ko pa nakita ang tatay ko. Kinuha ko ang apelyido ko sa lola. Ang nanay at lola ko ang nagpalaki sa akin.”
“Hindi ko kilala ang tatay ko. Sabi lang ng aking nanay, nalunod sa sabaw ang aking tatay. Ni isang letrato ng tatay, hindi ko nakita. Kaya hindi ko ma imagine kung anong mukha niya. Tinago lahat ni nanay. Masakit yata ang loob niya.”
“Three years ago ko lang nalaman ang whereabouts ng aking tatay, when I was 49 years old. Pinagtanong ko siya. Hinanap ko siya. Ngunit, wala pa rin. Ngunit salamat sa facebook, nagkaroon ako ng pag-asa!”
“Nag-iwan daw ng sulat ang tatay ko para kumuha ng bar exam sa Maynila. Kasi nasa Davao sila. Sabi niya, kapag nakapasa siya, babalikan niya ako. At pumunta siya doon para makapagtrabaho din sa Caltex sa Maynila. Kaso hindi na siya bumalik. Pero nadestino siya sa Hong Kong kaya hindi na niya kami mahanap. NPA (no permanent address) siya dahil kung saan-saan siya dinala ng amo niya.
“I was born in Davao. Grew up in Bohol and Cebu. Lola ko sa Bohol pero nanay ko, sa Cebu ang work niya. Pero every year, umuuwi pa rin kami sa Davao.”
“Noong hindi pa nag-asawa ang nanay, ang ganda-ganda ng buhay namin. Naalala ko noong 4-5 years old pa ako, ang dami kong magagandang damit. Pero nang nag-asawa ang nanay ko, parang naghirap kami. Kasi ang napangasawa ni nanay, isang mangingisda lamang. Pero, in fairness, napakabait ng step-father ko. Hindi ko lang siya matanggap bilang tatay kaya hindi ko siya tinawag na tatay. Noon lang na nag-asawa ako na tinawag ko siyang tatay. Sabi ko sa kanya nang kasal ko, ‘Tay, kain na tayo.’ Umiyak siya noon. First time ko siyang tinawag na tatay.”
“Pumunta ako sa Maynila, sa Labor Office noon para maghanap ng trabaho. Sabi sa akin meron daw opening sa canteen. Pagdating ko doon, wala naman available na work. Nandoon lang ako sa canteen at biglang dumating ang swerte sa akin. Isang secretary ng mataas na opisyal ang nakakita sa akin at nagtanong kung anong ginagawa ko at nagbigay ng trabaho sa akin. Binigyan ako ng Olympia typewriter kahit hindi ako marunong mag-type. Tinuruan nila ako. Sabi nila masasanay din ako. Kaya habang nagsasanay ako sa typewriter, dinala din ako sa photo lab para mag Xerox ng maraming dokumento at idala sa kabilang building. Dito ko na-experience na kahit wala pa akong na-abot noon, ang mga ka mingle ko ay mga abogado na. Dito ako natuto sa kanila. Hanggang naging assistant ako.”
“Paano ko nakita si mister? Actually, ang kwento diyan, naligaw siya. Niligaw siya ng taxi driver. Gusto niyang pumunta ng Ministry of Tourism pero dinala siya ng driver sa Labor. Nang malaman ng guard na Hapon siya, tinawagan nila ako dahil nag-aral ako ng konti ng Hapon sa libro na binigay sa akin. Ewan ko ba, at minememorize ko ang Japanese dictionary. Yung pinsan kong buo, nag-asawa ng Hapon. Binigyan niya ako ng jibiki na meron mga conversational Japanese lessons. So hayun, kinausap ko siya, Mr. Takayasu daw ang pangalan niya. Natuwa siya sa aking Japanese na medyo bara-bara pa. Sinabihan ko yung guard na kumuha ng taxi para dalhin siya sa Tourism.”
“Medyo makulit din si Mr. Takayasu at kinuha niya ang home address ko sa guard namin. Biglang dumating siya sa bahay. Nabulabog ang mga kapitbahay namin sapagkat ngayon lang sila nakakita ng Hapon. Gusto raw niya akong i-treat ng dinner. Pero sabi ko, kailangan isama yung 5 pinsan ko. So, ganoon na lang kasaya ang mga pinsan ko. Dumalaw na naman at gusto niya kaming i-treat sa karaoke. Pagkatapos, biglang bumili siya ng plane ticket para makapunta sa Davao kung saan ako isinilang. Binigay niya sa akin ang lahat ng pera, plane ticket at passport. Nag-enjoy siya sa Davao.”
“Bumalik siya sa Japan at buwan-buwan, pinapadalhan niya ako ng pera. Sarap ng buhay ko noon kaya lagi na lang akong nasa department store shopping at kumakain. Tatlong taon din niyang ginawa yon. Ang tagal nag ligaw. Hindi pa kami kasal at nakapagtayo ako ng bahay para sa nanay. Ang sarap ng buhay ko noon. Pero after three years, nag-propose na siya ng marriage sa akin.”
“Ayoko noong una kasi hindi ko naman siya mahal. Pero sabi ng mga tiyahin ko, isipin ko daw ang future ko so pakasalan ko na siya. Inisip ko na lang ang buhay ko, matulungan ang pamilya ko, at huminto na lang sa trabaho sa Labor. Imagine mo, 15 pesos per day, tiniis ko! Pumunta kami sa Davao para magpakasal. Hindi ako makakain at lagi akong nag-tatae. Hindi talaga ako sure kung bakit ako magpapakasal sa kanya.”
“Pagdating sa Davao, meron isang rebulto ng Virgin Mary. At doon, umiyak ako at nagdasal kung bakit ako ikakasal. Pinakasal kami sa civil wedding. Marami pang extra sa perang dala niya para sa kasal kaya pinamigay ko na lang sa mga kapamilya at kaibigan. Sayang din yon kasi hindi na niya mai-uwi sa Japan kasi nasa pesos na raw.”
“Dumating ako sa Japan at noong 1987, nag negosyo ako ng Philippine store sa Saitama ken. Magaling ako sa PR kaya nag simula muna ako sa mga eki at nakipag-usap sa mga Pinoy na nagdaraan sa daan. Maganda ang kinahinatnan ng negosyo. Nakapag-open pa kami ng restaurant. Nakapag-open pa kami ng dalawang branch sa Ibaraki. Habang nagne-negosyo, nag aalaga din ng dalawang anak. Tumigil sa work ang asawa ko para tumulong na rin sa business. Hanggang sa lumaki na ang mga bata. Alam din nila yung pagdurusa ko. Minsan 3-4 oras lang ang tulog ko.”
“Dumating ang panahon na tumigil na ang pagpunta ng mga talent sa Japan. Humina ang business. Since sa negosyo lahat galing ang pera, minsan meron din tag-hirap at hindi na kayang ipasok sa school ang mga bata. Kulang sa pera. Wala rin trabaho si papa dahil sumusuporta rin siya sa business. Nadanasan ko yung puputulan ka ng kuryente dahil hindi nababayaran. Kaya sinabihan ko si Akira, ang pangalawang anak, na tumigil muna at patapusin na lang muna ang panganay na anak. Plano ko talaga ay siya sana ang tutulong sa kapatid niya pero siya pa ang maraming nagastos.”
“Minsan, pagbalik ni Akira sa bahay galing sa school, sinabihan siya ng teacher niya na pag-aralin na lang siya sa sumo. So dinala namin si Akira sa isang stable of sumo wrestlers. Hay naku, maliit pa yan, matataba na ang mga anak ko. Nagustuhan si Akira ng stable master. Doon, walang bayad at libre pa siya sa lahat.”
“15 years old si Akira ng pumasok siya sa sumo training. Lahat ng hirap at pagdurusa, nalasap niya doon. Ilang beses na rin niyang gustong huminto doon. Minsan sinasaktan din siya. Minsan tumatawag sa akin pero wala rin akong magagawa. Kailangan niya dapat maging matatag. Simula sa ilalim, umaakyat ng konti ang ranko niya. Sa bawat panalo, tumataas ang ranko. Ngayon, sa taong 23 anyos, professional wrestler na siya. Dinanas niya lahat ang hirap. Ngayon, marami na rin siyang mga assistants. Hindi na siya nagluluto, naglilinis at naglalaba. Masaya ako para sa kanya at sana ay tuluy-tuloy na ang pagiging yokozuna niya, ang pinakamataas na ranko sa sumo.”
“Minsan, nagtanong sa akin ang anak ko kung sino daw ang tatay ko, ang lolo niya. Wala akong masagot sapagkat hindi ko alam. Kasi ngayon nagging sumo celebrity na siya, tinatanong ang “root” o pinangga-lingan niya. Sabi ni Akira, hanapin ko daw ang tatay ko.”
“Alam ko yung tunay na pangalan ng tatay ko. So punta agad ako sa computer. Facebook! Type ko yung pangalan niya at kay daming lumabas na tao. Nagtanong ako sa lahat sa kanilang may tulad na apelyido at pook. Tinanong ko kung kilala nila ang tatay ko. Sabi ko, hinahanap ko ang tatay ko. Hayun at nagtanong din sila sa kanilang mga tatay at kamag-anak. Hanggang nakita ko siya.”
“Meron daw akong ibang kapatid dahil nag-asawa daw yung tatay ko sa ibang babae. Pero biyudo na siya at nakatira sa Canada. Lumipad bigla ako sa Pinas at kinausap ko ang nanay ko. Doon, nakuha namin ang telephone number ng aking tatay at tinawagan namin. First time kong nakausap ang aking tatay. Hindi ko alam kung magagalit ako o kung sasaya ako. Natuklasan ko na meron pa akong cool na cool na daddy! After 49 years, makikita ko na ang daddy ko. Ngayon, next plan ko ang pumunta ng Canada para makapag-bonding kami!”
Hayan ang buhay ni Bebelita, ang sumo mama. Nalasap niya ang napakaraming mabibigat na hirap sa buhay. Pero sa kabila ng pagdurusa, naging lalong mas matatag siya. At kung may malas man na dumating, parating pa rin ang swerte.
No comments:
Post a Comment