Wednesday, May 15, 2013

Loleng Ramos

KAPATIRAN

Tapik ni Lord

Kumusta Kapatid?  Sa pagsulat ko ng artikulong ito, ang mga bulaklak ng Sakura ay kasalakuyang namumukadkad, napakaganda.  Sa panahong ding ito,  ang pag-ulan ay ikinangi-ngiwi ng mga tao, ang ibig sabihin kase, malalagas ang mga dahon ng mga bulaklak na ito. Sayang naman, kung pwede lang huwag silang malanta o malagas. Paborito mo rin ba ang  season ng Pagsibol? Spring?  Di ba nakakasaya ang sikat ng araw ano? Ang pag-kanta muli ng mga ibong uguisu, ang tipong pag-kulay muli ng buong kapaligiran.   Minsan, sa aking pagtitig at pagmuni-muni sa lahat ng ito, naaalala ko ang istorya ni Persephone.  Sa Greek Mythology, siya ang napakagandang diyosa ng Tagsibol.  Minsan daw na naglalaro siya sa parang, siya ay dinukot ni Hades na siyang diyos sa mundo ng mga patay upang maging asawa.  Sa pagdadalamhati at galit ng kanyang ina na si Demeter, na siyang diyosa ng pagsasaka at trigo (wheat) ang buong mundo ay natuyot.  Ng matagpuan niyang muli ang anak niyang si Persephone, nakakain na ito ng buto ng prutas ng pomegranate o granada sa ilalim ng lupa  kaya hindi na siya maaring makabalik sa mundo ng mga buhay maliban sa isang bahagi ng bawat taon!  Sa kanya ngang pag-akyat sa liwanag, ang mga halaman ay nag-be-berdehan, ang mga bulaklak ay bumubukadkad, ang mga ibon ay nagka-kantahan at maraming hayup na nag-hibernate o natulog ng buong winter ay lumalabas na muli.   Sa aking pag-edad, paborito ko pa ring istorya ang tungkol sa mga diyos-diyosan ng mga unang Griyego, na-a-aliw at nama-mangha pa rin ako.  Ano ang mga paborito mong basahin?  Sanayin natin ang mga batang kilala natin na kahiligan ang pag-babasa upang lumaki silang malikhain at maraming nalalaman. (Sana pala nagbasa ako ng nagbasa noong bata pa ako).  Tayo rin, kahit matanda na, sa pagbabasa, marami tayong makukuhang impormasyon, at kaalaman, di ba kapatid?  Napakalaking pera ang ginugugol ngayon ng maraming magulang sa kanilang mga anak para sa mga video games, na maaring magpabilis sa mga reflexes  ng daliri sa pag-pindot subalit nakakapag-pabagal sa utak para mag-isip.  Libro na lang.

Mas malalim din para sa akin ang kahulugan ng Spring ngayong taon. Noon kaseng nagdaang Winter, isang taong malapit sa akin ay naging parang si Persephone (hindi nga lang maganda katulad niya – peace!)  na malayo sa mundo, nakakulong sa ospital.    Nagkaroon siya ng sakit na nakakahawa, dito sa Japan ang tawag ay Kekkaku, o Tuberculosis.  Nakakapagtaka lang kase halos buong taon yata siyang inu-ubo at marami ding beses siyang nakapag-patingin sa doctor pero kung hindi pa siya umubo ng dugo, hindi pa madidiskubre ang sakit niya. 

Ano ba ang TB (Tubercle Bacillus) o Tuberculosis?  Ito ay isang kagaw o bacteria (mycobacterium tuberculosis) na maaring umatake sa buto, utak, puso, sa iba pang organ sa katawan, pinaka-malimit ay sa baga, ang Pulmonary Tuberculosis.  Mahahawahan ka nito kapag nasalo mo ang kagaw mula sa isang taong nagtataglay nito sa kanyang pag-ubo, pag-bahing o paghinga.  Mara-ming tao kung hindi man higit pa sa kalahati ng populasyon ay nagtataglay nito pero para mabuhay sa loob ng katawan at ma-uwi sa TB ay dahil pa sa ibang kadahilanan. Ang panghihina ng immune system o panlaban o resistansya ng isang katawan ay karaniwang sanhi.  Ang pag-tanda, isang naunang sakit na nagpahina sa isang tao, hindi pag-kain ng tama o kakulangan sa masustansyang pagkain ay ilan sa mga dahilan para maging actibo ang tuberculosis sa loob ng katawan.

Ang karaniwang sintomas nito ay matagal na pag-ubo, paninikip ng dibdib, panghihina, pagkawala ng gana sa pagkain, pag-papawis sa gabi, lagnat at sa pag-lala ay ang pag-ubo ng dugo.  Maaring makamatay ang Tuberculosis kapag hindi naagapan. Kapatid, kung meron kang napapansin sa iyong katawan na ilan sa mga nasaad na sintomas, magpa-tingin ka na agad at ikaw na ang magsabing may suspetsa ka na ikaw ay may TB.   

Ang sabi niya sa akin, siya raw ay parang tinapik ni Lord.  Naramdaman niya kung paano katakutan ng mga tao dahil sa taglay niyang sakit.  Naramdaman niya ang sakit ng malayo sa mga anak o makita man pero hindi niya malapitan dahil patakaran sa ospital na walang bata, o sa labas ng bintanang de salamin lang pwede makita.  Sa pag-iyak na wala siyang masabihan.  Sa kanyang pag-iisa, naisip niya ang kakulangan niya sa pagdarasal at pagbigay ng oras sa Mahal na Diyos.   Naisip niya rin ang mga bagay na kinalimutan na niyang gawin dahil hindi niya binibigyan ng oras ang kanyang sarili para gawin ito katulad ng pag-aalaga sa kanyang sarili o pag-sunod sa kanyang mga hilig gaya ng pagsusulat o pag-aaral ng mga bagay na kinagigiliwan niya.  Hindi niya rin alam kung papaano siya tatagal sa ospital ng sabihan siyang dalawa hanggang tatlong buwan siya sa loob.

Makalipas ang tatlong lingo, pina-uwi na siya.  Malinaw na ang kanyang x-ray. Nakapahinga siyang mabuti, naging magiliw sa kanya ang kanyang doctor at mga nurses sa hospital.  Taglay din niya ang saya dahil sa kanyang mga kaibigang nagpapadala sa kanya ng mensahe, ng libro, ng dasal.  Ang bilin lamang ay huwag na huwag niyang kakalimutan ang pag-inom ng gamot dahil ang mga pasyenteng umuulit sa sakit na ito ang iyong mga nagpabaya sa patuloy na pag-inom dahil ang akala nila ay magaling na sila.  Ang gamot ay dapat inumin hanggang sa masabihan ka na itigil na.

Kapatid, mag-ingat ka ha? Mahirap magka-sakit kapag malayo ka sa iyong pamilya. 

No comments:

Post a Comment