Wednesday, May 15, 2013

Marcial Caniones

ITLOG na PULA

BAYANI

Crispin…Basilio…
Nasaan na kayo...?
Inday…Krisumpta…
Bakit iniwan mo ako?
O bayan, bakit mo ako ginanito?
Loleng mo…Huwag ka ng mag arte-arte, hindi ka baliw!
Nagbabaliw-baliw ka lang, gusto mo lang maging senti, mag-mukhang kawawa, magpalambing, maintindihan.
Sa tingin nga namin, ikaw ay isang BAYANI!
BAYANI?
Dahil Philippine INDEPENDENCE DAY o dahil naghihintay na naman kami ng REMITTANCE?
Maybe, both?

Nung nandito ka pa, ni hindi natin alam kung saan tayo mangungutang para sa pang tuition ng mga bata;
Nung nagsisiksikan tayo sa bahay ni inang kasama ang ibang mga bayaw at sandamakmak na pamangkin;
Nung pumasok ka ng tindera kay aling Lucing para may pambaon ka sa iskul;
Nung nag traisikel driver ka  para may maihapag na ulam sa mga gutom mong mga anak;
Nung nag sales lady ka sa Mall na hindi ka man lang makaupo ng 1 minuto upang hindi mangawit;
Nung naglako ka ng miryenda sa mga kapit bahay para mapagamot si Inang;
Nung sinangla ninyo ang natitira ninyong mga ari-arian upang makabayad sa ospital;
Nung kinapalan mo ang mukha mo upang manghiram ng pera kina Auntie Bining pang bayad mo ng passport;
Nung lumapit ka kay konsehal at mayor upang mapagamot si jun-jun;
Nung magtitser ka at kasabay ang pagbenta mo ng mga candy at tsitsirya sa iyong mga estudyante.

Noon, kung dati nababaliw ka sa dami ng dapat mung ayusin at kung ano-ano pa, nuon ‘yun, nuon nakakabaliw nga di ba?

Ngayong nandiyan na kayo sa kinalalagyan ninyo, tangan lang mga buddies ko!

Sa dinami-dami ninyo ‘dyan sa Japan hindi mahirap ang magtayo ng Munting Bayan sa ibang bayan. Importante ang inyong pagkakaisa, ang bayanihan at ang damayan upang hindi kayo malugmok sa kalungkutan.
Ang mahalaga ay tangan ninyo ang mga pangarap nating umunlad bilang isang tao, isang pamilya at nagkakaisang sambayanan.

Kung nuon ay LUMAYA tayo sa mga Kastila, mga Amerikano, mga Hapon, at kung anong bansa pa man, ngayon ay tayo na ang nasa bansa nila upang mag- angkat ng yaman mula sa ating pagod, talento at pawis. Dahil na rin sa inyong kabayanihan, LUMAYA din tayo sa kagutuman, sa kamangmangan, sa walang kasiguruhan, at sa kahirapan.

Ang pagiging bayani ay kakambal din ang sakripisyo, gaya ng mga sundalo at gaya ng mga naunang mga rebolusyonaryo, buhay at panahon din ang kanilang tinaya upang makamit natin ang tinatamasa nating kasaganahan at kaunlaran ngayon. Tinaya rin nila ang kanilang buhay, nag-ambag ng galing at sipag. Ngayon heto na tayo! Ang PILIPINAS ay malaya, marahil mula sa direktang pakikialam ng ibang bansa ngunit sa kabuuan, nandiyan pa rin ang KAHIRAPAN ng nakakarami nating mga mamamayan.

Bilang isang bayan, hindi pa rin tayo MALAYA sa kawalan ng bahay, sa kakulangan ng silid aralan, ng walang kasiguruhan sa trabaho, ng walang puhunan sa negosyo, ng kawalan ng lupa, ng kakulangan sa mga industriya, at ng kabuuang katahimikan at seguridad ng ating bayan.

Kayong mga LAYAG NA BAYANI ng ating bayan, mga bayaning nakapalibot sa buong mundo na nasa sa Asia, Europa, Africa, America, at Australia kayo ang mga indibidwal na nakikipaglaban at nakikibaka sa PAGLAYA ng inyong mga PAMILYA mula sa lahat ng dulot ng sari-saring mukha ng kahirapan. At bilang kabuuan ng inyong mga paghihirap, ang padala ninyong mga iba’t-iba at makukulay na PERA ang siyang nagpapataas ng antas ng ating EKONOMIYA.

Kayong mga Layag na Bayani ay hindi na baril ang tangan ninyo kundi SIPAG at TIYAGA.

Kayong mga Layag na Bayani ay hindi na squadron ang inyong pormasyon kundi ang pakikipag BAYANIHAN sa kapwa OFWs.

Kayong mga Layag na Bayani ay hindi lang bandila ng Pilipinas ang iyong winawagayway kundi LARAWAN ng inyong mga mahal sa buhay.

Kayong mga Layag na Bayani ay hindi na sumisigaw ng mabuhay ang Pilipinas kundi – mabuhay ang PAMILYA para hindi na madagdagan ang hirap sa PILIPINAS!

Ang tunay na KALAYAAN ay hindi lang dahil sa dami ng ipon na kayamanan kundi sa PAYAPA at PANATAG na kaisipan.

Mabuhay po kayong lahat, aming mga BAYANI!      



No comments:

Post a Comment