Wednesday, May 15, 2013

Jasmin Vasquez

Ano Ne!

Pagpapahalaga sa Ating Ina

Dahil sa kahirapan sa Pilipinas, marami sa atin ang kinailangan lumayo sa pamilya at makipag sapalaran sa ibang bansa, upang mabigyan lalong-lalo na ang mga anak ng magandang kinabuksan.

    Nais kong ibahagi sa inyo ang isang kwento tungkol sa isang Ina na walang ginawa kundi magsikap at bigyan ng magandang buhay ang anak. At ng isang Anak na walang ginawa kundi mag pakasaya sa buhay.

    Si "Mina," simula ng nambabae ang kanyang asawa, binuhay nyang mag- isa ang kanilang anak.  Humanap sya ng trabaho sa Pinas ngunit hindi ito sasapat para sa pangangailangan nilang mag-ina.  Dahil si Mina ay may angking talento sa pag- awit, naisipan nyang mag audition sa isang agency. Dahil na rin siguro sa determinasyong makapag abroad, madali syang natanggap at nakapagtrabaho dito sa Japan.  Pinag-aral nya ang kanyang anak sa isang magandang school at ngayon nga ay nasa kolehiyo na ito. Trabaho sa araw at gabi maibigay lamang ang pangangailangan ng anak.  Bawal magkasakit at kung mangyari man yon kailangan pa rin pumasok para sa kinabukasan  ng anak.

    Si "Kikay,"  isang anak na pasaway, walang iniisip kundi ang puro kasiyahan. Mula pagkabata, parating bukang bibig, bili mo ko mommy ng ganito, ng ganyan lalo na kapag may nakita syang bago sa kaibigan nya.  Kapag mayroon na sya ng isang bagay na gusto nya o kailangan nya, ay masaya na sya. Hindi nya iniisip kung gaano kahirap kitain yung pera na pinambili nito kaya kapag nasira ito papabili na naman sya  ng bago.

    Ngayong nasa kolehiyo na si Kikay mas magastos at mas mahirap na ang kanilang pag aaral. Madalas kapag tumatawag si Mina kay Kikay hindi nya ito nakakausap at pag ganoon,  iniisip ng magulang na napagod siguro sa school kaya maaga nakatulog. O baka wala pa sa bahay dahil na traffic sa byahe. Hindi batid ni Mina na ang kanyang anak na si Kikay ay madalas nagkakasiyahan sa kanilang tahanan kasama ng mga barkada.  Na syang kabilin bilinan na wag gawing tambayan ang bahay lalo na at wala sya sa Pilipinas.

    Noong umuwi ng Pinas si Mina, nalaman nyang lahat ng ito at nagalit sya sa kanyang anak.  Sa halip na tanggapin ni Kikay at mag sorry sa kanyang kamalian, mas pinili nyang ipagtanggol at pagtakpan ang kanyang mga barkada. Kung ano-anong sumbat at masasakit na salita ang kanyang sinabi sa ina. Pagkatapos ay lumayas si Kikay sa kanilang bahay. Masakit man sa kalooban ng ina. Hindi nya ito pinigilan upang maisip ni Kikay kung gaano kahirap lumayo sa pamilya at magsimula ng walang wala kahit magkano. Na mahirap  mabuhay mag-isa lalo na walang ibang tutulong sayo.  Sa kabila ng kaba na baka may mangyaring masama sa kanya, nanalig sya sa Diyos na gabayan ang kanyang anak sa tamang landas. 

    Makalipas ang dalawang araw, umuwi si Kikay sa kanilang bahay. Marahil naisip nya ang kanyang kamalian kung kaya gumawa sya ng isang liham para sa kanyang ina. At ito ang nilalaman ng kanyang sulat:

Mom,

            Sorry mommy. Sorry kung lagi ako nag mamatigas, sorry kung lagi kita sinasagot.  Di ko alam kung bakit ako ganito.  Hindi ko alam na may nahihirapan  pala at nasasaktan sa mga ginagawa ko.  Sorry kung lahat kayo pinag alala ko.  Hindi ko alam kung paano ako babawi sa inyo, pero sorry talaga.
                                                    Kikay

Binigyan muli ng pagkakataon ni Mina ang kanyang anak at tinanggap ang sorry nito dahil bilang isang ina, mahirap talagang tiisin ang isang anak.

    Ibinahagi ko sa inyo ang story na ito upang maunawaan ng lahat na hindi biro ang makipagsapalaran dito sa Japan mabigyan lamang ng magandang buhay ang mga anak.  Napakasakit sa kalooban ng isang ina ang sumbatan na isang anak dahil lamang wala ito madalas sa kanilang tabi.  Maunawaan sana ng mga anak na kailangang magsakripisyo ng bawat isa para sa kanilang magandang kinabukasan.

    Bilang pasasalamat sa ating mga Dakilang Ina. Malapit na ang "Mother's Day".  Iparamdam natin sa kanila kung gaano natin sila kamahal at gaano sila kahalaga dahil utang natin sa kanila ang ating buhay.  Isang Ina na walang ginawa kundi bigyan tayo ng isang masaya, maayos at magandang buhay. Salamat sa ating mapagmahal na Ina.

    Muli, maraming salamat po sa mga taong tumatangkilik ng Jeepney Press at sa mga taong nakakabasa ng Ano Ne! Hanggang sa muli.

GOD BLESS US ALL!
Muahhhh  :)

No comments:

Post a Comment