SA TABI LANG PO
TUKSO
"Baboy, baboy, baboy!" Yan ang nadinig ko mula sa tatlong mga chikiting habang kinakantyawan ang isang batang mataba. Humagulhol na lang at mistulang lumba-lumbang tumakbo ang bata na siya namang pinagtatawanan ng tatlong "bullies" sa kalye. Hindi natin siguro masisisi ang mga bata dahil sa kultura nating mga Pinoy ay okay lang na tawaging "tabatchoy" ang isang taong mataba o di kaya'y "negro" pag maitim dahil totoo naman ito. Sa ibang bansa, very offensive ang salitang "negro" pero sa Pilipinas, ordinaryong salita ito, pinangalanan pa nga natin ang isang probinsiya nating "Negros" dahil para sa atin, ang tanging meaning nito ay maitim. Minsan nga ay ang mga magulang pa mismo ang nagbibigay ng palayaw na "Nog-nog" pag maitim at kulot ang anak.
Sa mga Pinoy kasi, hindi gaanong mabigat ang issue ng stereotyping, racism at bullying, di tulad sa ibang bansa. Sa atin, pag maputi, "kano" na kaagad, kahit pa hindi naman ito Amerikano. Dito samin sa Bacolod, ang ninong ko ay si "Intsik" at ang tiyuhin ko ay si "Hapon" dahil sila'y singkit at ang traysikel driver ay si "Kano" dahil maputi. Well, it makes sense nga naman. Sating mga Pinoy, walang masama dito kapag tinawag ka depende sa looks mo dahil katuwaan lang ito at dapat ka nang masanay...ang magalit, pikon!
Pero minsan, ang sasama ng makukuha mong palayaw. Kapag mataba, palaging tinatawag na "tabatchoy", "taba" o minsan nga'y "baboy" pa mismo ang ikakantyaw sa yo...hindi ba pwedeng "curvy" o "bootylicious" na lang? Nung bata ako ay medyo malusog ako. Okay, fine. Hindi medyo...malusog na malusog talaga! Kaya panay ang tukso sa akin ng mga kaklase at kalaro ko. Parang gusto kong magwala at manuntok kapag tinawag akong "Piglet." Pero ang totoo'y iiyak din lang naman ako at walang magawa. Tuwing dadaan ako sa kapitbahay kong binatang napilay sa pagmomotor, palagi niya akong sinisigawan ng "tabaaaaa!" Masakit para sa isang batang katulad ko dahil hindi ko naman kasalanan kung bakit ako mataba.
Ipinanganak kasi akong maliit at very un- acceptable iyon sa aking Lola kaya't ginawa niyang lahat para lang ako'y lumusog. At nung lumusog naman, aba'y sobra namang taba. Takot siyang pumayat ako at baka kung ano daw ang sabihin ng aking mga magulang na nasa Japan. Baka daw sabihing pinapagutuman ang anak nila. At saka daw cute ang batang mataba pag pinasasayaw.
Yung nga lang, ang childhood ko ay puno ng bullying (buti na lang lumaki akong stunning...gandang di mo inakala). Minsan nga mga matatanda pa mismo ang tumatawag sa aking "tabatchoy." Mga magulang mismo minsan ang nagtuturo sa mga anak nilang manukso ng kapwa. Pag hindi naman sadyang tinuturuan, ay naririnig mismo ng mga bata sa kanilang mga magulang ang mga hindi kanais-nais na mga salitang ito. Hindi magandang ehemplo.
Ito ang nakakalungkot isipin. Duling na nga, tatawagin mo pang "duling." Bengot na nga, tatawagin mo pang "ngo-ngo." Nakasaklay na nga, tatawagin mo pang "pilay." Maitim na nga, tatawagin pang "negro." Alam mo namang bakla, sisigawan mo pang "bakla!" Hindi pa ba sapat na makita mo ang kanilang kaanyu-an na kailangan mo pang ipamukha sa kanilang ganoon sila? At ano ba ang masama sa pagiging duling, mataba, maitim, pandak, pango, kuba, bakla o pangit? Wala. Walang masama sa kaanyuan ng isang tao. Ang importante, siya'y hindi nakaka-panakit ng iba.
Oo, masasabi kong masyado nang maarte ang mundo ngayon na konting pagkakamali mo lang ay racism na kaagad o bullying kahit wala ka namang masamang intensyon. Well, maarte na kung maarte ang mundo pero mas mainam na maging sensitive tayo sa ibang tao at maingat sa binibitawang salita. Okay lang kung magkaibigan kayo at close kayo dahil minsan "terms of endearment" lang ang mga ito o lambingan at tuksuhan. Pero pag hindi naman kayo close, wala kang karapatang i-bully ang isang tao.
Ang Pinoy nga naman, mahilig manukso lalo na pag obvious na obvious ang isang bagay. Ako, ingat na ingat akong hindi maka-offend kasi naranasan ko na kung gaano kasakit tuksuhin noon. Pero nang minsa'y tinawag uli akong "tabatchoy" ng aking kapitbahay, napuno na yata ang salop kasi lumingon ako't sumigaw ng "ampon kang pilay ka!" Na-hurt ata siya kasi medyo hindi pa niya alam.
No comments:
Post a Comment