Wednesday, May 15, 2013

Nestor Puno

Kasal, diborsyo, kasal, diborsyo…
May paraan pa, maliban sa
“Judicial Recognition”…


Sa kasalukuyan, hindi na tumatanggap ang ating embahada at konsulado, ng report of divorce dahil sa kautusan ng korte suprema sa Pilipinas. Kahit na nakapag-sumite na ng diborsyo sa lokal na munisipyo dito sa Japan, hindi pa rin sapat ito para makapagpakasal uli ang isang Pinay na kasal dati sa isang Hapon.

Upang makakuha ng “legal capacity to contract marriage” o LCCM, na kailangan para makapagpakasal, kaila-ngan munang kilalanin ng korte sa Pilipinas ang naganap na diborsyo ng isang Pilipino at dayuhang asawa sa ibang bansa, tulad ng sa Japan. Ito ang tinatawag na “judicial recognition.”

Kung nais maghain ng judicial recognition, humanap ng abogado sa Pilipinas na siyang hahawak ng kaso. Mag-ingat lamang sa abogado na makukuha dahil mayroong abogado na pinepeke ang desisyon ng korte. Para maiwasan ito, humingi kayo ng copy ng lahat ng papeles (pleadings, motions, orders, decisions, etc.) na kanyang isusumite upang maaari ninyong makumpirma. Batay sa karanasan, ang proseso ng judicial recognition ay umaabot ng anim na buwan hanggang isang taon, at ang maaaring gastusin ay mula Php 60,000 hanggang Php120,000.

Ano ang mga kailangang dokumento?
1. Kumuha ng sertipikasyon ng inyong report of divorce (rikon todoke) sa inyong munisipyo, dalhin ito sa notary public (koshonin yakuba) sa inyong lugar para ipa-notaryo. Kung matagal ng nagdiborsyo, maaaring wala na sa city hall ang inyong papeles, kaya dumiretso na kayo sa homukyoku (Legal Affairs Bureau). Ang documents na galing sa homukyoku ay hindi na kailangang ipa-notaryo. Pagkatapos nito, ipapadala ninyo ito sa gaimusho (Ministry of Foreign Affairs ng Japan) sa Osaka o Tokyo. Ito ay maaaring ipadala sa pamamagitan ng koreo, at ang kailangang application form ay maaaring makuha sa internet. Ito ang kanilang link (sa Wikang Hapon); http://www.mofa.go.jp/mofaj/toko/todoke/shomei/index.html
2. Kapag natapos na ang authentication, ipapadala naman ninyo sa embahada o konsulado natin ang dokumentong ito, na may kasamang English translation, para naman i-authenticate nila. Ito rin ay maaari ding ipadala sa pamamagitan ng koreo.
3. Kapag natapos na ang authentication sa bahagi ng pamahalaan ng Hapon at ng ating embahada o konsulado, ipapadala na ninyo ito sa inyong abogado sa Pilipinas. Itanong sa inyong abogado kung anu-ano pa ang mga kailangang dokumento. Ang family registration (koseki tohon) ay hindi na kailangang ipa-notaryo at dalhin sa homukyoku, at maaaring idiretso sa gaimusho.

Pagkatapos ng proseso nito sa korte, ang desisyon ng korte ay dadalhin sa NSO upang mailagay sa inyong marriage certificate sa Pilipinas ang ibinabang desisyon ng korte, at kapag nailagay na ito kukuha kayo ng kopya ng marriage certificate na may red ribbon, at siya ninyong ipapasa sa embahada o konsulado kapag nag-aplay kayo ng LCCM.

Para sa mga kababayan nating hindi matatag ang visa at nagbabalak makipaghiwalay sa asawang Hapon, mungkahing maghanda ng mga dokumento at pambayad ng maaga dahil matagal ang proseso nito.


Subalit may paraan pa kung talagang biglaan ang paghihiwalay at nasa dilubyo ang ekstensyon ng visa.

Sa kalagayan na hindi mabigyan ng LCCM ng embahada o ng konsulado dahil sa hindi pa naaayos ang judicial recognition sa Pilipinas, maaari pa ring magpa-kasal sa isang Hapon, kung nagdiborsyo na sa dating asawang Hapon. Paano nangyari iyon?

Ayon sa batas ng General Law ng Japan: Kung ang diborsyo na isinumite ng isang Hapon na naninirahan sa Japan at nasasaklawan ng batas ng Japan, opisyal na tinatanggap ang naturang diborsyo. Kaya ang diborsyo sa pagitan ng Hapon at ng isang Pilipina ay tinatanggap bilang opisyal.

Ayon naman sa batas ng Article 26 ng Philippine Family Code: Kung ang kasal at diborsyo sa pagitan ng isang Filipino at dayuhang asawa ay naganap sa labas ng bansa at nagbigay karapatan sa asawang dayuhan na muling makapag-asawa, ang isang Pilipino ay maaaring muling mag-asawa sa ilalim ng batas ng Pilipinas.

Dahil sa sinasabi ng mga batas na ito, tinatanggap ng lokal na pamahalaan ng Japan kung magpapakasal ang isang Filipina at isang Hapon. Subalit ito ay dadaan sa isang pagsusuri at kailangan ng mga dokumento na magpapatunay sa mga bagay at pangyayari. Ang mga dokumento na maaaring kailanganin ay birth certificate, advisory on marriage, marriage certificate, na pawang makukuha sa NSO at mayroong authentication mula sa DFA o ang tinatawag na “red ribbon.” Kakailanganin din ng family registration (koseki tohon) ng dating asawa at ng inyong report of divorce (rikon todoke). Para naman sa mapapa-ngasawang Hapon, kailangan niya rin ng koseki tohon, certificate of residence (juminhyo), at pasaporte.

Ang problema lamang sa ganitong proseso ng pagpapakasal, kung ang inyong apelyido ay nakasunod sa dati ninyong asawa, iyong pangalan na iyon ang irerehistro sa inyong kasal dahil ito ang nakalagay sa inyong pasaporte na nagpapakilala sa inyo. Hindi ito maaaring baguhin dahil hindi rin tumatanggap ang embahada at konsulado ng pag-amyenda ng pasaporte dahil sa diborsyo. Maaari pa rin ninyo itong mapapalitan kapag natapos na ang proseso ng judicial recognition.

Marami pa ring munisipyo ang naghahanap ng LCCM kapag naghain ng kasal kaya mungkahi ko na makipag-sangguni sa mga NGO na nakakaalam sa bagay na ito o sa mga abogado upang lubos na maipaliwanag ang inyong kalagayan at mapa-hintulutan kayong muling maikasal.

Subalit, sa paghahain ng kasal sa ganitong proseso ay mayroon pa ring susulpot na problema, tulad ng sa pangalan, atbp. Pansagip lamang ito sa mga wala ng oras na makapag-sampa ng judicial recognition at magtatapos na ang kanilang visa. Tulad ng una kong sinabi, paghandaan kung anuman ang inyong balak gawin sa mga darating na panahon upang hindi makadagdag sa anumang problema.

Ipanalangin din natin na maipasa ang batas sa mababa at mataas na kapulu-ngan ang hinggil sa pagkakaroon ng diborsyo sa ating bansa. Kung matutuloy ito, hindi na natin kailangang maghirap pa ng ganito at gumastos ng malaking halaga para kilalanin ang paghihiwalay. Hindi na rin kailangang magtiis sa asawa para lamang sa visa, kahit minamaltrato o sinasaktan.

Para sa mga nais kumonsulta, PM nyo lang po ako sa FB, Nestor Puno.
Maraming salamat.

No comments:

Post a Comment