Wednesday, May 15, 2013

Karen Sanchez

 Mahirap Maging Mahirap

Ang Japan, isang bansang mahirap daw puntahan. Dito po ako napadpad ng di ko inaasahan. Dito ako lalong nahubog sa hamon ng buhay, sa pagtitiis at pagtitiyaga. May masasaya at malulungkot na naranasan. Masaya kasi dito po marami akong natutunan at nasilayan. Mga bagay na wala sa ating bansang pinang-galingan. Dito ko unang nakita ang gabundok na snow, magandang sakura, ang di mahulugang karayom at nagtatayugang mga gusali kung iyong titingnan, mga bundok na sagana sa likas na yaman at kanilang pilit na pinangangalagaan, mga iba’t-ibang klase ng kapistahan, festivals o matsuri na laging pinagha-handaan, ang makita at makasakay sa iba’t-ibang klase ng tren, ang makapagtrabaho at sumuweldo ng higit sa sinusweldo ko sa Pilipinas, ang makasama sa trabaho ang mga espesyal na tao special child, retarded o mga taong sa ibang bansa ay walang trabahong makukuha o alagain lamang, dito kanila itong binibigyan pansing mamuhay ng normal tulad natin, ang kumain ng masasarap at sagana sa araw-araw, ang magsimba linggo-linggo at mag-aral ng Nihonggo, ang makapamasyal sa iba’t-ibang lugar at makilala ang mga tao at yung iba ay naging kaibigan ko, ang sumayaw sa entablado at parke upang ipamalas ang katutubong sayaw natin sa mga Hapon, ang minsang maging modelo ng ating pambansang kasuotan na pakiramdam ko ay katuparan ng naudlot kong karera sa Pilipinas noong ako'y teenager pa lamang. Dito ko lubos naram- daman ang katupa- ran ng aking mga pangarap, ang maiangat ang antas ng buhay ng aking ina at mga kapatid. Masarap kung iyong iisipin ngunit sa kabila nito ay may lungkot ka ring mararamdaman sa kabila ng mga materyal na bagay na nasa iyong mga kamay, mapapansin mong ito ay kulang. Ito ay ang tunay na kaligayahang pansarili ang makasama ang minamahal sa buhay, ang aasahan mong maging katuwang sa lahat ng bagay, ang maituturing mong iyong-iyo,  makakasama sa pagtanda mo at bumuo ng sarili mong pamilya. Kung iisipin mo lang ang pinagsasabi ng ibang tao, mga paninira, panlilibak dahil lamang ikaw ay nasa Japan ay nakaka-stress. Mga sabi-sabing hindi kanais-nais. Mga panghuhusgang salita na walang sapat na basehan. Buhay nga naman. Ngunit sadyang ganun naman daw talaga ang buhay. Kailangan mong lumaban sa lungkot man o anupaman. At may mga bagay kang dapat isasakripisyo kapalit ng kaligayahan at makakabuti sa mas nakakarami. Kailangan lang talaga ay tibay ng dibdib, lakas ng loob at taimtimang dasal. At laging isa isip lahat ng sakripisyong nararanasan ay may hangganan at laging hingin sa Diyos na Nawa ay iiwas sa anumang karamdaman at di kaaya-ayang bagay para sa katuparan ng ating mga pangarap at sa mga mahal natin sa buhay.

           2008 unang nailathala ang kwento ng aking buhay sa isang magasin dito sa Japan at nakakatuwang isipin na hindi pala iyon lang ang katapusan bagkus iyon ay simula lamang.  Salamat sa Facebook at sa aking kalungkutan at napansin ang aking munting kakayahan. Mahirap man ang buhay minsan, maging matatag at magpakatotoo lamang at sa kapwa huwag manlamang. Sadyang may mga taong higit kang pagkakatiwalaan. At magkaiiba man ang mga mundong ginagalawan may mga taong tatanggap at magmamahal sayo maging ano ka man. Dito ko napagtanto ang kahalagahan ng pamilya. Alamin sa sarili ang unang prayoridad mo, alin ba ang mas ikakaligaya mo. At ang tinatawag na pangarap ay pinagtatrabahuhan, pinaghihirapan at hinde mapapasaiyo ng basta-basta lamang. Ang buhay ay swerte-swerte lang din naman at ito ay kung papaano mo ito aalagaan. Mahirap man maging mahirap ngunit  marami kang matututunan. Kahit bagyuhin ka man hindi ka na matitinag sapagkat tiwala sa sariling kakayahan at sa Diyos na may lalang iyo nang nasubukan. At laging iisipin anumang unos ang dumating, araw ay sisikat din. At lahat tayo ay may swerte at may mabubuting bagay ang Panginoon sa atin ay nakalaan.




No comments:

Post a Comment