Isang Araw sa Ating Buhay
Maraming taon na ang lumipas nang makausap ko ang isang tindera sa isang shop sa loob ng hotel sa Beijing. Nung malaman niya na ako ay Pilipino, sinabi niya na magaganda raw ang mga Pilipina. Tinanong ko kung bakit. Ang sagot: Imelda. Malamang na nakita niya ang mga litrato ni Imelda nung siya ay ilang beses bumisita sa China mula nung mid-70s. Hindi pa lubusang bukas ang China sa mundo noon at hindi pa pumapasok ang mga European luxury shops. Kaya ang image ni Imelda ay kahanga-hanga dahil sa kanyang pananamit, kumpara sa kalagayan ng China noong panahong yon.
Nakita niya ang magagarang damit ni Imelda, na siguro ay mula pa sa Europe. Kasama na rin sigurong nakita niya ang ating tinatawag na mestiza dress. Tulad ng tinikling, kapag Philippine dress ang pag-uusapan, ang alam ng tao sa ibang bansa ay mestiza dress.
Sa iba’t-ibang pagkakataon, kapag nagkukwento ang ilang Pilipinong matagal nang naninirahan sa Japan madalas ay napag-uusapan ang iba’t-ibang gawain na nagiging dahilan upang ang ating mga kababayan ay magsama-sama. Mukhang marami ang nagsimula ng mga gawaing ukol sa kultura - sayaw, damit, kanta at pagkain – upang matipon ang mga Pilipino. Ito siguro ang mga pagsasayaw ng tinikling o ang fashion show ng mga damit tulad ng iba’t-ibang uri ng mestiza dress. Maipagmamalaki nga naman ang barong dress na may telang jusi o ang katangi-tanging manggas na parang abaniko ng mestiza dress.
Nguni’t sapat na ba ang fashion show, food festival at mga sayaw (tinikling yata ang paborito) upang makabuo ng isang community o grupo ng maraming Pilipino sa Japan?
Pagsisimula ng Pagtitipon
Minsan, sa isang disco sa Madrid, nakasabay ko sa aking maskipops ang ilan may kabataang Pinoy at Pinay. Sa Espanya sila nagtatrabaho. Nalaman ko sa kanila na may simbahan sa Madrid na pinupuntahan ng mga Pilipino. Tamang-tamang may Linggong parating, at kaya may pagkakataon akong makabisita sa simbahang tinukoy. Doon ko nakita ang maraming mga Pilipinong sumisimba. May choir ng mga Pilipino, may mga Pilipinong tumutugtog, may Paring Pilipino na nagmimisa, may Madreng Pilipina na tumutulong, at may mga kantang Pilipino. Nakakatuwa na marinig ang mga kantang Pilipino habang ang misa ay halong salitang Kastila at Pilipino. Masaya ang mga Pilipino sa kani-kaniyang grupo.
Sa Bangkok, sa simbahan ng St. John na malapit sa Lardprao street, pagkalipas ng maraming taong hindi pagbisita, nabigla ako na ang choir ay napalitan na ng mga Pilipino, pati ang lectors ay mga Pilipino na rin, at ang Pari ay Pilipino. Mula pa rin sa iba’t-ibang bansa kasama ng mga Thais ang mga dumadalo sa English mass doon. Pero hindi dating ganun karaming Pilipino ang nagsisilbi sa misa. Dumami na ang mga Pilipino sa Bangkok kaya mas marami ang sumisimba na may kakayahang magsilbi sa misa.
Sa tabi ng simbahan ay may isang Pilipinang nagtitinda ng tinapay at cake. Siya daw ay Thai na. May mga apo na siya na mga batang Thai. Isa siya siguro sa mga unang dating ng mga Pilipina na nakapag-asawa ng Thai. May ilang Thai na ang asawang Pilipina nung nag-aaral pa sila sa Pilipinas. Marami ding Pilipino sa Bangkok na may trabaho sa mga korporasyon, o sa international agencies (tulad ng United Nations agencies), o nagtuturo sa international schools. May mga Pilipino engineers na kasama sa paggawa ng mga mahahabang elevated highways at ibang projects sa Bangkok. Nung 2000s dumami ang mga professionals na Pilipino na pumunta sa Bangkok dahil sa trabaho sa mga companies tulad ng mga engineers at may teachers na rin para sa schools. May ilang teachers na nagtuturo ng Filipino language sa Thai elementary school, dahil sa programang pang-ASEAN. May napuntahan akong Pilipino teachers na nagtuturo sa isang Catholic school sa Chiangmai. Gamit nung isang teacher ang mathematics textbook mula sa Pilipinas.
Pareho sa Madrid at Bangkok, ang simbahan ang lugar na pinagtitipunan ng mga Pilipino. Kaya ang kasabihang kung gusto mo makakita ng Pilipino, simbahan ang dapat puntahan ay maaaring totoo. Sa anumang simbahan, Katoliko o anumang Christian church, sa alin mang malalaking siyudad sa maraming bansa sa buong mundo maaaring may isang Pilipino.
Pagsisimula ng Isang Komunidad
Relihiyon ang isang dahilan kung bakit nagtitipon ang mga Pilipino. Kahit sa ngayon, ang mga simbahan sa Pilipinas ay napupuno ng mga tao, samantalang nangungulila ang mga simbahan sa Europe at America at mga matatanda na lamang ang natitira.
Ito ang istorya ng pagsisimula ng Kyoto Pag-asa Filipino Community. Nagkwento ang isang Franciscan priest (Fr Lukas Horstink, OFM) sa isang pagtitipon na nagsimula nung 1983 ang misa sa English para sa mga Pilipino. Ang misa ay ginaganap sa isang maliit na kwarto sa isang yochien sa likod ng Kyoto Catholic Cathedral. Simula sa maliit na kwartong yon, napalipat sa Saiin church. Nagkaroon na rin ng novena sa Francisco no Ie, bahay ng mga Franciscan priests sa Kyoto. Sinabi ng Pari na nabuo ang grupo ng mga Pilipino sa Kyoto dahil sa misa at novena. Nguni’t may isa pang dahilan sa pagtitipon ng mga Pilipino. Ito ay ang kagustuhang makatulong sa kapwa Pilipinong may problema. Nagsasama-sama ang mga Pilipino – yung mga may problema at yung handang tumulong.
Kaya’t simula nung mga late 1980s, ang Francisco no Ie sa Kyoto ay hindi lamang lugar para sa novena o misa, kundi isang tuluyan para sa mga Pilipinong naghahanap ng matutulugan.
Mula doon nabuo na ang Kyoto Pag-asa Filipino Community. Tumulong ang ilang Pilipinang naging haligi ng pagbubuo ng grupo tulad ng namayapa nang si Mely Kohno. Sa imbitasyon ni Fr. Gerard Salemink, OFM, tumulong na rin ang mga Pilipinang Madre mula 1989. Sina Sr. Altagracia Miguel at Sr. Emiliana Encarnacion ng Franciscan Sisters of Immaculate Conception o SFIC ang unang naka-assign na tumulong sa komunidad ng Pilipino.
Para Saan ang Komunidad?
Mukhang dumami ang mga grupo o komunidad ng mga Pilipino sa Japan mula nung 1990s. Marami din akong napansin na paborito pa rin ang fashion show, food festival at mga sayaw. Sa Osaka, mukhang ito ang hilig ng mga Pilipinang nagpapakita ng kulturang Pilipino.
Nguni’t ang mga pagpapakita ng mga magagarang damit na mula pa sa Pilipinas at mga sayaw ay para sa mga Hapones. Hindi ito kinakailangan kung mga Pilipino lamang ang nagkakatipon-tipon.
Kung pagkain din lamang, gusto ko na dinuguan ang kakainin kasama ang isang tambak na kanin. Kung party din lamang gusto ko na may kantahan at sayawan. Sa tingin ko dito masaya ang mga Pilipino. Karaniwan sa atin ang kumakain, kumakanta at sumasayaw sa party – hindi lamang nakaupo, nagkukwentuhan, kumakain at umiinom. Uso na raw sa Pilipinas ang rental na sing-along para sa mga party kahit sa baryo. Ang kantahan ay talagang hindi mawawala.
Nguni’t hindi palaging masaya ang buhay. Totoo na maraming Pilipino ang dumaranas ng malaking problema. Maaaring dahilan ito sa pagha-hanap ng simbahan upang magkaroon ng tamang pag-iisip sa paglutas ng problema. Maaaring ito ang dahilan kung bakit may nagha-hanap ng kapwa Pilipino na makakatulong. Kaya halos naging shelter ang Francisco no Ie sa Kyoto nung 1980s (ng wala pa sigurong shelter sa Japan) dahil yon lamang na matitirhan ng mga Pilipinong walang masilungan.
Kaya nga ang tanong: Para saan ang komunidad?
Pagtulong sa Kapwa
Hindi iilan ang mga Pilipina/Pilipino na tumutulong sa mga kababayan nila. May tapang silang kumilos kahit mahirap ang problema. Marunong din silang makiusap sa iba – Pilipino man o Hapones – para kunin ang kinakaila-ngang tulong.
Nguni’t mas malaki ang magagawa kung hindi lang isa o dalawang tao ang kumikilos. Mas may magagawa kung komunidad ang sangkot.
Kaya nga’t isa sa mga magandang gawain ng komunidad ay yung programa sa pagtulong – mula sa pagbibigay ng pagkakataong makapag-aral ng salitang Hapon, sa tulong sa pag-aalaga at pag-aaral ng mga bata, sa paghahanap ng matatanungan ukol sa mga problema lalo na yung mapagtatanungan sa pamahalaan sa Japan, sa pagpapayo kung ano ang magandang gawin sa iba’t-ibang usapin, sa pagbibigay ng impormasyon tungkol sa hanapbuhay lalo na para doon sa nag-iisang bumubuhay ng pamilya, hanggang sa pagbibigay ng linaw ng isip at tapang ng loob sa pamamagitan ng relihiyon. Sa mga ganitong gawain nagiging malalim ang kahulugan ng komunidad. Mapalad tayong mga Pilipino at may mga komunidad tayo sa iba’t-ibang sulok ng daigdig.
May isang pareng Pilipino (Fr Faustino Cruz) na nagsusulat ukol sa simbahan at mga migrants (lalo na para sa mga Pilipino na nasa Amerika). Sa kanyang bisita sa isang simbahan sa Nara nung 1986, ito ang sinulat niya:
The serendipitous experience of meeting a compatriot at a church in Yagi, which for me was “off the beaten path,” instilled an acute awareness of a parish or congregation’s critical presence and role in immigrant life. I call it gospel hospitality: to help provide a sense of identity and belonging to those who have either crossed or entered marginal spaces--- places where we could be outsiders from within.
Maaaring sabihing kasama sa “gospel hospitality” ang komunidad na nakapalibot sa simbahan. Ang mga Pilipinong tumatanggap sa kapwa Pilipinong naghahanap ng lugar na masisilungan.
No comments:
Post a Comment