Sa Pagtatapos ng Klase
ni Arlene Dinglasan
Unang araw ng klase. Kulay rosas ang mga lansangang naghatid sa akin patungo sa lugar ng aking hanap-buhay. Pagpasok ko pa lamang sa silid-aralang hindi ko nagisnan nang mga dalawang buwan dahil sa spring break, bumungad na sa akin ang mga mukhang matamang naghihintay sa aking pagdating. Medyo excited ako lagi sa unang araw ng klase dahil ito ang unang pagkakataon kong makilala ang mga bagong enrollees. Crucial ito para sa akin dahil sa araw na ito ko sinisimulang timbangin kung paano ko ilalatag ang mga leksyon sa buong taon. Pinapakiramdaman ko ang level ng fluency sa wikang Ingles ng mga estudyante, kung ano ang interes nila, ang naglalayong dynamics ng buong klase at imposible mang matandaan ko ang lahat ng pangalan, ay inaalam ko man lamang ang tamang pagbigkas ng mga ito. Madalas, nagiging ehemplo ito ng pagpu-punyagi sa pag-aaral ng wikang banyaga – isa sa mga binibigyang-pansin sa buong taon.
Unang araw ng klase. Inaasahan ko ang mga inosenteng mukha ng mga edad 18-21 na bumati sa akin ng nahihiyang "Good morning, Professor" kasabay ang mahihinhin at panakaw na mga sulyap sa bago nilang propesora. Madaling mabakas sa kanilang mga inosenteng mata ang magkahalong kaba at pananabik na maranasan ang buhay-kolehiyo. Halata kung ang mga estudyante ay nasa unang baitang pa lamang dahil sa mga bagong damit, bagong hairstyle at mga bagong folder kung saan nakasulat ang pangalan ng bagong unibersidad. Siyempre nga naman, hindi na talaga sila maituturing na mga bata. Marami sa kanila ay galing pa sa ibang rehiyon sa Japan at sa unang pagkakataon ay naninirahang mag-isa sa kani-kanilang mga apartment malapit sa unibersidad. Malaking porsyento din ang may kanya-kanyang part-time job kaya nagsisimula na silang matutong mag-budget. Bagong yugto ng buhay, ika nga. Anupa't wala nga namang dahilan upang hindi makaramdam ng kaba at pananabik.
Unang araw ng klase. Oo, puno ng mga inosenteng mukha na may bagong hairstyles ang bumati sa akin ng "Good morning, Professor". Oo, halata ang kaba at pananabik sa kanilang mga mata. Oo, naaamoy ko sa hangin ang mga bagong damit at folder. Ngunit may isang mukhang kakaiba. Bagama't bagong gupit siya, bago ang kanyang folders at bakas ang kaba at pananabik sa kanyang mga mata, kakaiba ang uri ng kanyang pananamit. Pananamit na di naiiba sa mga nasa silver seats ng mga tren. Naiiba rin ang kanyang mukha sapagkat hindi ito mukha ng 18-21 ang edad. Batay sa mga pileges nya sa pisngi, kulubot sa mga kamay, at mga ubang kumikinang sa kanyang ulo, ang hula ko ay nasa 55-65 ang edad ng babaeng buong galang na nagmagandang umaga sa akin. Akala ko, nagkamali ako ng pinasok na classroom. Kaya lumabas akong muli upang i-tsek ang room number. Nasa tamang silid ako. Naisip ko tuloy na baka magulang ng isa sa mga estudyante itong babaeng nakangiti hanggang tenga. Hanggang bumulaga sa akin ang malalaking letrang nakasulat sa kanyang ID. STUDENT.
Ako yata ang biglang kinabahan! Napansin ko ring wala siyang katabi sa upuan at parang naiilang ang mga kaklaseng tumabi sa kanya. Naku, anong gagawin ko sa babaeng ito? Paano ko ilalatag ang bawat leksyong nakaplano para sa mga edad 18-21 na ang interes ay fashion at J-pop, hindi gardening at knitting? Paano nito maaapektuhan ang dynamics ng klase? Makikihalubilo kaya sya sa mga kaklase at gagawin ang mga aktibidades na ipapagawa ko sa loob ng walong buwan? Sa isang iglap, nawalan ako ng pakialam kung paano bigkasin nang tama ang kanyang pangalan. Tila yata may mga bagay na mas nararapat kong pagtuunan ng pansin…
Wala akong nagawa kundi ituloy ang klase hindi lamang noong umagang iyon kundi sa buong taon. Unti-unti akong nalibang sa buong-tuwa niyang pangunguna sa mga group work, masiglang pagha- hanap ng kapares sa mga pair work, at nakangiting pagsagot sa mga oral test na kung minsan pa nga ay medyo napapalakas dahil sa kasamang halakhak. Dahan-dahang naglaho ang bakas ng pagkailang ng mga kaklase at sa halip ay tila naging halos magkaka-barkada na lamang ang turingan nila sa isa't-isa. Anupa't nagdaan ang mga araw na hindi ko na napansin ang makikinang na mga uban sa kanyang ulo, o ang kakaiba niyang pananamit. Hindi ko na rin alintana ang mga pileges nya sa pisngi, at maging mga kulubot sa kanyang mga kamay. Sa katunayan, napansin ko pa sa sarili ang dagdag na pananabik tuwing darating ang araw ng klase namin.
Mabilis na nagpabagu-bago ang kulay ng mga lansangang naghahatid sa akin patungo sa lugar ng aking hanap-buhay. Ilang beses na ring naiba ang klima kasabay ng pagpapalit ng mga style ng damit at buhok ng mga estudyanteng nasa silid-aralang iyon. Hindi ko na naaamoy sa hangin ang bagong folders. Wala na rin ang magkahalong kaba at pananabik sa mga mata ng mga inosenteng mukha. Kung may kaba man, iyon ay sa dahilang araw na ng final exams. Sa huling araw na binati ako ng "Good morning, Professor," ang aking naging ganti ay nakangiti kong pamimigay ng pagsusulit, sabay sabi ng "Good luck."
Ilang saglit pa't inaayos ko na ang mga test papers, nang mapatunghay ako sa masayang tinig na naging pamilyar na sa aking pandinig. Sabi niya, "Salamat. Salamat at hindi mo inalintana ang mga pileges ko sa mukha. Hindi mo pinansin ang aking edad. Hindi mo hinayaang layuan ako ng mga kaklase ko dahil naiiba ako sa kanila. Maraming salamat sa iyong pagtuturo at binigyan mo ako ng pagkakataong matamo ang ilang dekada ko nang pinapangarap --- ang makapasok sa gusali ng unibersidad, at higit sa lahat ay magkaroon ng sarili kong edukasyon."
Namuo ang luha sa aking mga mata at dahil ayokong magisnan nya ang pagtulo nito, wala akong nagawa kundi ang ngumiti. Hindi ko na nasabing hindi ako, kundi siya ang naging guro sa buong taon. Oo, natuto sya ng kahusayan sa pagsasalita, pakikinig, pagsulat at pagbabasa sa wikang Ingles, ngunit sa palagay ko ay mas makahulugan ang aking mga natutunan. Hindi siya, kundi ako ang naging estudyante sa klaseng ito. Sa pagtatapos nito, natutunan kong lampasan ng tingin ang anumang marka sa balat. Natutunan kong walang mahirap na leksyon kung may kasamang halakhak. Higit sa lahat, natutunan kong walang kailangang maging sagabal sa pagtamo ng sariling pangarap --- edad, o kung anuman --- dahil hinding hindi nahuhuli ang lahat. At sa palagay ko, ako ang higit na dapat magpasalamat para sa mga leksyong wala sa syllabus ng kurso sa labas ng unibersidad.
No comments:
Post a Comment