Ano Ne!
ni Jasmin Vasquez
Trabaho ng Trabaho Hangga't May Pagkakataon
Ang bilis ng panahon, parang kailan lang ng natapos ang taong 2012. Ngayon ay patapos na rin ang unang quarter ng year 2013. Pero sa buwang ito masasabi kong mas lalong lumalamig ang paligid na nagiging sanhi ng pagkakasakit ng mga tao sa sobrang ginaw. Mag-ingat po tayong lahat. Sabi nga ng lahat sa panahong ito bawal ang magkasakit.
Nais kong ibahagi sa inyo ang aking maikling story. Kung paano ko po nairaraos ang buhay dito sa Japan at nairaraos ang buhay ng aking mga anak.
Ako po ay kasalukuyang nagta-trababo sa isang kumpanya mula sa isang agency dito po sa Nagano-ken. Araw-araw pag-sapit ng 6 AM, ako ay gumigising upang maghanda sa pagpasok sa trabaho. Kadalasan hindi ko na makuhang mag-almusal sa umaga dahil maaga kaming sinusundo ng service ng aming agency patungo sa aming pinapasukan (kaisha). Marami kaming sinusundo kaya sa kaisha na lang kami nagko-coffee. Sabay- sabay kami ng aking mga kasamahang kapwa Pilipino at mga taga ibang lahi. Sobrang laki ng aming kaisha kaya iba't-ibang lahi ang dapat mong pakisamahan at dapat pag-tiisan. Mayroong mababait, may mga suplada. Mayroong akala mo kung sino umasta na magaling, mayroong nagmamalasakit ka na ikaw pa ang mamasamain at marami di naman matulungin na tuturuan ka sa trabaho kapag hindi mo pa alam ang iyong gagawin. Lahat na yata ng klase ng tao nandoon na. Talo ka pag nagpatalo ka sa stress. Sabi nga nila "Trabaho lang walang perso-nalan."
Ang amin pong hanapbubay ay gumagawa kami ng electronic parts na ginagamit sa "Pachinko." Kung saan-saan ako nalulugar na pwesto. Kahit mahirap na trabaho, sige lang ang gawa ko. Katuwiran ko, buti na ito kesa naman sa walang trabaho. Kahit na minsan pang-lalaki na ang gawain, hindi mo makuhang magreklamo kaya kailangan marunong kang magtiis at mahaba ang pasensya mo. Ang pinaka- nahirapan ako doon sa pag drive ng turnilyo 8 pcs kada isang kiban na ikinakabit sa monitor ng pachinko mula 8:30 ng umaga hanggang 20:00 ng gabi. Kung kaya sobrang pagod buong katawan mo pagtapos ng trabaho. Pag minalas ka pa, may pagkakataon na paglabas mo ng kaisha umuulan or nag snow. Pasma ang aabutin mo dahil ang layo ng parking ng service namin pauwi ng bahay. Di ako nakaligtas sa sakit, kaya nadale din ako ng ubo at sipon. Pero kahit masama ang pakiramdam ko, sige pa rin ang hanap buhay ko, katuwiran ko kung mag absent ako baka mawalan ako ng pwesto sa trabaho. Uminom na lang ako ng gamot at nagdasal na mawala agad ang sakit ko. At hindi naman ako pinagkaitan dahil gumaling din agad. Mabuti na lamang at natapos na ring yung ginagawa namin at nalipat ako ngayon sa ibang pwesto: nagkakabit at check ng plastic panel sa monitor ng pachinko. Masakit sa mata at masakit sa tenga ang ingay ng pang hangin sa panel. Dito masusubok ang haba ng pasensya mo sa pagtanggal ng yogore (dumi) sa panel at monitor. Mahirap ang lahat ng trabaho pero kailangan nating magtiis para tayo ay kumita at makapagpadala sa Pilipinas.
Mahirap na masarap magtrabaho lalo na pag araw ng sweldo, he-he-he. Kaya lang, parang dadaan lang sa palad mo ang pera dahil kailangan kong magbayad sa bahay, kuryente, gas, tubig at bill ng celphone at ang pinaka-importante ang makapagpadala ako sa Pinas ng pera pang-gastos ng mga anak ko. Pero kadalasan kulang pa din kaya tuwing Friday at Saturday, may arubaito (part time) ako sa gabi. Ang hirap na ng buhay dito ngayon, hindi na katulad noon na madaling kumita ng pera.
Naalala ko tuloy yung nabasa ko sa facebook: “Hindi porket nasa abroad, eh marami ng pera." Hindi napupulot ang pera dito. Kung alam nyo lang kung gaano kalungkot. Napakahirap pong maghanap-buhay lalo na kung malayo ka sa iyong mga mahal sa buhay at lalo ako, single mother, kaya kahit nahihirapan ako, kinakaya ko pa rin ang lahat ng mga pagsubok na dumarating sa akin. Salamat sa Diyos! Nung pumasok ako sa trabahong ito, dalawang linggo lang ang binigay nila sa akin. Pero sa awa ng Diyos, 7 months na ako pero may trabaho pa din ako. Wala talagang imposible sa Diyos. Lagi Mo akong pinagbibigyan, Panginoon, kaya naman kahit gaano ako kapagod sa aking trabaho, patuloy akong maglilingkod sa Iyo bilang pasasalamat sa mga blessings na ibinibigay Mo sa akin. Sana po ay wag Kayong magsawa. Amen.
Ganyan ang buhay namin dito sa Japan. Hindi lamang pinupulot ang pera dito. Pinaghihirapan namin ang bawat isang kusing na aming kinikita sa araw- araw. Akala lang ng nakakarami ay madali lang ang trabaho dito. Kaya sana huwag natin basta gastusin sa walang kabuluhan ang mga perang ipinapadala ng ating mga mahal sa buhay sa ibang bansa.
Ako po ang organist sa church every first Sunday of the month at every other Second sunday sa Iida Catholic Church at Inashi Catholic Church alternate.
Maraming salamat po sa inyong pagbasa sa aking maikling kwento at isang bahagi ng buhay dito Japan.
God bless us all!
No comments:
Post a Comment