Isang Araw sa Ating Buhay
ni Jeff Plantilla
Nagpalabas ng play sa isang conference na aking dinaluhan sa Taipei. Ang mga salita ay Chinese, at ang istorya ay buhay sa Taiwan. Bagama’t hindi ko maintindihan ang salita, naunawaan ko ang istorya. Naramdaman ko ang damdaming ipinahayag ng mga artista. Nagustuhan ko ang play.
Ang maganda dito ay ang mga katangian ng grupong nagpalabas ng play. Una, hindi sila taga-Taiwan. Pangalawa, natutunan lang nila ang salitang Chinese. Pangatlo, hindi sila professional na theater artists.
Sila ay mga babaeng taga-Vietnam, Thailand, Cambodia at iba pang bansa na nakapag-asawa ng Taiwanese, nagkapamilya at nakatira sa Taiwan. Sa kanilang play, ipinakita nila ang kanilang istorya mula nang sila ay pumayag na magpakasal sa mga dayuhan. Ipinakita rin ang kanilang paghihirap sa pakikipamuhay sa bansang hindi kanila.
Pagkatapos ng play, nakipag-usap sila sa mga dumalo sa conference sa isang panel discussion. May kompiyansa silang nagsalita at nagpaliwanag sa wikang Chinese kung paano sila napasama sa play, kung bakit sila sumama sa ganung proyekto. Dire-diretso ang salita, walang tumulong na mag-translate sa kanilang pagpapaliwanag.
Humanga ako sa kanila. Naisip ko na hindi naging hadlang ang kanilang status na karaniwang tao sa kanilang ginawa – magpahayag sa artistic na paraan ang kanilang nararamdaman (saya, lungkot, pangamba, pag- aalinlangan) at karanasan (masaya at malungkot) upang makatulong sila sa kapwa nila mga dayuhan sa Taiwan na ngayon ay bahagi na ng bayang yon, mga ina na ng mga batang Taiwanese.
Sa tingin ko, ang ginagawa nila ay isang napakagandang halimbawa ng tinatawag na “empowerment.”
Meeting ng mga Dayuhan
Bago magtapos ang taong 2012, nagkaroon ng isang roundtable meeting sa Fukushima city na dinaluhan ng iba’t-
ibang grupo ng mga dayuhang naninirahan sa Japan. May mga Koreans, Chinese, Brazilians, Thais, Latinos (Peruvians, Chileans, at iba pang taga Latin America), grupong Muslim (na halo-halo ang nasyonalidad) at mga Hapones. Sa mga 100 na participants, mga 45 ang mga Pilipino na karamihan ay taga-Tohoku.
Pinag-usapan sa meeting ang kalagayan ng mga dayuhang nakatira sa Japan.
Sa mga report ng mga grupo ng mga dayuhan, ilan ang lumalabas na problema. Halos lahat ay nagpahayag ng problema ng kakulangan ng impormasyon sa mga bagay na mahalaga sa pamumuhay sa Japan. Dalawang bagay ang problema. Una ay ang kakulangan ng impormasyong na nasa wika na naiintindihan ng mga dayuhan. Sabi nila hindi sapat ang English na impormasyon dahil hindi sila marunong mag-ingles. Pangalawa, hindi sapat ang impormasyong kanilang nakukuha. May mga bagay na hindi nila malaman dahil nasa nihonggo lamang o hindi alam kung saan kukunin ang impormasyon.
Ilang beses ding binanggit ang problema sa edukasyon. Problema sa mga may edad na ang mapag-aralan ang Nihonggo at mga bagay-bagay sa Japan. Kaya mahirap lalong makakuha ng trabaho na nanga-ngailangan ng kakayahang makapagsalita ng Nihonggo. Problema ang edukasyon para sa mga dayuhang bata. Maaaring hindi sila makasabay sa turo na nasa Nihonggo. O di kaya ay masyado silang mabilis natututo at naiiwan ang mga magulang na kulang ang kaalaman sa Nihonggo.
Ipinahiwatig din ang kahalagahan ng pagsasama-sama ng mga dayuhan para sa kanilang kabutihan. Karamihan sa mga Pilipino na dumalo sa meeting ay may kani-kaniyang community. Galing sila sa iba’t-ibang bahagi ng Japan – Hokkaido, Nagano, Iwate, Fukushima, Miyagi, Shizuoka, Tokyo, Nagoya, Nara, Hiroshima at iba pa.
Nothing About Us Without Us
Isang mahalagang bagay na inilabas sa meeting ay ang presentation ng isang propesor na Hapones na matagal nang nakikipag-ugnay sa mga dayuhan sa Japan.
Nagpaliwanag siya ng kakaibang pagtingin sa mga dayuhang naninirahan sa Japan. Ipinaliwanag niya ang konseptong “Nothing about us without us.”
Sa aking pagkakaalam, ang “nothing about us without us” ay unang ginamit ng mga grupo ng mga may kapansanan (sa katawan o isipan) o yung persons with disability. Ipinalabas nila ang ganitong kaisipan upang sabihin na hindi sila dapat ituring na inutil at walang kakayanan. Ang hinihingi nila ay paggalang, hindi awa. Ang kailangan nila ay pagkilala sa kanila bilang tao na tulad ng ibang taong walang kapansanan.
“Nothing about us without us” ay naangkop din sa kalagayan ng mga dayuhang naninirahan sa Japan. Sabi nung propesor na kailangang magkaroon ng partnership sa pagitan ng mga Hapones at mga dayuhan. Dapat ay kilalanin na ang mga dayuhan ay may galing at kaalaman na makakatulong sa pagpapaganda ng kanilang pakikipamuhay sa Japan at sa mga Hapones.
Hindi dapat isipin ng mga Hapones na ang mga dayuhan ay dapat lamang kaawaan. Sa imbes, dapat palabasin ang galing at kaalaman ng mga dayuhan at gamitin ang mga ito upang malutas ang kanilang problema.
Dahil dito, kung may “nothing about us without us” kailangang empowered ang mga dayuhan. Mahalaga na sila ay mabigyan ng tamang impormasyon at igalang sa pagdedesisyon ng sarili.
Sa madaling salita, walang bagay na gagawin na hindi alam at kasangkot ang mga dayuhan. Kung para sa kanila ang gagawin, ang mga dayuhan ang dapat magdesisyon kung payag sila o hindi sa gagawin.
Sa play ng mga dayuhan sa Taiwan, nakita ko ang magandang naidudulot ng empowerment – kaya nilang tumindig sa sariling paa. Kaya nilang sabihin ang nasa loob nila – hindi sila dinidiktahan.
Sa “nothing about us without us” ang lahat (Hapones at dayuhan) ay pantay sa kahalagahan at kakayanan – at may tunay na paggalang sa bawa’t isa.
Postscript
Sa aking nakaraang artikulo, nabanggit ko yung panahon na tinatanggihan ng mga Hapones ang mga imported na bigas. Sabi ng isang Hapones na talagang ayaw nila nung bigas na imported dahil hindi nila gusto ang lasa. Sabi rin nung Hapones na may kaugnayan daw ang Pilipinas sa problemang yon.
Tinanong niya ako kung alam ko yung pagsabog ng bulkang Pinatubo nung 1991. Alam na alam ko yun dahil isang umaga nagising kami na parang nag-snow sa bundok sa Mindoro na kinaroonan namin. Naging maputi ang lahat – ang mga dahon ay puting-puti. Ang tubig sa ilog ay naging kulay milk tea. Nagtatanong ang mga taga-lugar kung ano ang nangyari. Sumabog pala ang bulkang Pinatubo.
Apektado din ang aking flight paalis ng Pilipinas dahil hindi masigurado kung paliliparin ang mga eroplano dahil sa volcanic ash na dala ng hangin. Napa-karami naming naghintay sa airport sa Maynila sa flight, na muntik nang hindi matuloy.
Sa lakas ng pagsabog at pagbuga ng abo, nagbago ang pangdaigdigang klima. Bumaba ang temperatura, lumamig ang daigdig. Maaaring napigilan din ang sinasabing global warming. Dahil sa pagbabago ng panahon, malaki ang sira sa mga taniman sa Japan. Apektado ng lamig ang palayan. Hindi nakapag-ani ng sapat na dami ng palay ang mga magsasakang Hapones. Sa kakula-ngan ng bigas, napilitang mag-import ang gobyerno ng bigas mula sa ibang bansa. At doon na nangyari ang pagtatapon ng bigas na imported ng isang nagtitinda ng bigas sa Japan.
Hindi talaga masasabi na hindi tayo magkaka-ugnay. Ang nangyayari sa isang sulok ay nararamdaman sa ibang lugar.
No comments:
Post a Comment