Estranghero sa Loob ng Pamilya
ni Nestor Puno
Mahirap bang magpalaki ng anak, o mahirap magpalaki ng magulang…
Nang tayo ay lumisan ng bansa upang mangibang-bayan, ang ating tanging layunin ay maibangon sa kahirapan ang pamilya at sa pagnanasang mabigyan sila ng magandang kinabukasan. Sa ilalim ng kaayusang panlipunan sa Pilipinas, mahirap magkaroon ng katuparan ang ating mga panga-rap na makapamuhay ng matiwasay dahil sa matinding kahirapan at malaking kawalan ng hanapbuhay. Ang tanging paraan na naiisip ng lahat ay hanapin ang kanyang kapalaran sa ibang bansa.
Sa kabila ng mahirap na kalagayan sa ibang bansa, patuloy tayong nagsumikap upang masustentuhan ang pangangailangan ng ating pamilya at mga anak. Ang lahat ay tiniis at nilunok para sa kaganapan ng ating mga pangarap. Walang palya sa pagpapadala kada buwan, kahit na minsan ay mangutang. Unti-unti ay nasanay na tayo sa hirap ng buhay, namuhay ng nag-iisa at ginawa ang lahat ng pamamaraan upang mapaglabanan ang anumang lungkot sa ibayong-dagat.
Sa kabilang banda, naiwan ang ating musmos na anak sa ating mga magulang kahit hindi pa lubos na nagkakakilala ang mag-ina. Dahil sa ipinapadalang sustento ng ina, nakakapag-aral sa maayos na paaralan at nakapamuhay ng maayos ang ating anak, gayun din ang ating pamilya. Nasusubaybayan na lamang natin ang paglaki ng bata kapag tayo ay tumatawag sa kanila. Mabuti na nga lang at mayroon na ngayong ibang paraan upang makita at makausap ang ating pamilya, sa pamamagitan ng social media tulad ng facebook, skype, at iba pa.
Sa mahabang panahon ang magulang at ang anak ay nabuhay ng hiwa-hiwalay sa magkaibang mundo. Subalit sa pagtakbo ng panahon, nagkakaroon ng pangangailangan upang kunin na ang anak dahil sa usapin ng titingin sa kanya at lumalaki na ang bata. Dinala ang anak dito sa Japan, na mayroong pag-aalala sa magkabilang panig sa kabila ng sila ay mag-ina. Sa mahabang panahon na magkahiwalay, nagsimula na naman silang mamuhay. Ang ina, na dating namumuhay na nag-iisa, ay kailangang maagang magising para asikasuhin ang anak kahit na medyo kulang sa tulog, maglaba, maglinis, at kung anu-ano pa. Ang anak naman, na nasanay sa pagpapalaki ng lolo at lola, ay kailangan ding mag-adjust sa kanyang bagong kapaligiran. Madadagdagan pa ito ng hirap sa lengguwahe at kakaibang kultura sa kanyang nakalakihan. Maraming bagay na hindi pa kayang unawain ng isang bata.
Dito na nag-uumpisa ang banggaan ng mag-ina, dumadami ang bagay na hindi pagkakaunawaan dahil sa mahabang panahon na hindi nagkasama. Maraming bagay na hindi alam sa isa’t-isa, mistulang “estranghero.” Wala namang kamag-anak na malapitan ang bata para makahingi ng ibang opinyon o mamagitan kaya lalo lamang tumi-tindi ang alitan ng mag-ina. Dahil dito, natutuon ang pansin nila sa kani-kanilang mga kaibigan upang maiwasan ang matinding pagtatalo. Ang ina dahil sa stress lalong napapabayaan ang anak, at ang anak naman ay natuon na sa mga kaibigan, maganda man ang impluwensiya o hindi nito, ay ito na ang kanyang pinakikinggan sa bandang huli.
Maliban dito, marami pa ring kinakaharap na problema ang mga batang Pilipino o JFC dito sa Japan. May mga Hapon ang nasyonalidad pero hindi marunong magsalita ng Wikang Hapon, at may mga Pilipino naman ang nasyonalidad na hindi marunong ng Wikang Tagalog. Maraming bata na galing sa Pilipinas ang hirap sa pag-a-adjust sa pamumuhay dito dahil sa wika, ito ang pinagmumulan kung bakit sila nagiging sensitibo at madaling maapektuhan ng mga bagay-bagay. Ito ang kadalasang dahilan kung bakit hindi nakakalugdan ang paninirahan dito sa Japan. Marami ang ayaw ng pumasok ng paaralan dahil sa problemang ito, may napapasama sa mga grupo upang magloko at mayroong napapatawag ng guro sa paaralan dahil sa mga reklamo.
Kailangan ding unawain ng mga magulang ang ganitong kalagayan ng mga anak natin. Sa murang isip kailangan nilang gumawa ng mga desisyon na hindi nila lubos na nauunawaan at nadadamay sa gusot ng matatanda. Kailangan nating gabayan ang ating mga anak laluna sa pamumuhay dito. Tayo lamang ang lubos na makakaunawa sa kanila. Kung hindi natin ito maaagapan, baka maging huli ang lahat.
Sa Nagoya, naglunsad ng “Parenting” forum/workshop noong Pebrero 17 ang Filipino Migrants Center (FMC) sa pakikipagtulungan ng Japan Consortium for Areas Studies (JCAS) at ng iba pa, upang mapalalim ang pag-unawa sa kalagayan ng mga ina at ng kanilang mga anak. Dinaluhan ito ng mga nanay upang magbahagi ng kani-kanilang karanasan ng pagpapalaki ng anak dito sa Japan, at ng mga kinatawan ng mga NGO at support group. Ang mga naging tagapagsalita ay sila, Yuko Yamaguchi ng Manabiya@Kyuban, Kimi Yamato ng Osaka University, Jhing Hirate isang ina mula sa Nagoya, at ang inyo pong lingkod.
Narinig natin dito ang samu’t –saring kalagayan at problema ng mga ina at ng kanilang mga anak. Sa workshop, hindi napigilan ng mga nanay ang pagpatak ng luha habang nagsasalaysay ng kanilang istorya. Marami ang biktima ng domestic violence at tumakas sa kanilang asawa ng walang lugar na mapupuntahan, at kakabit nito ang problema din sa kanilang visa. Suliranin sa pagpapalaki ng kanilang anak bilang isang single mother kaya’t ang iba ay napipilitang iwan ang kanilang mga anak sa Pilipinas upang makapagtrabaho ng maayos at matustusan ang kanilang pangangailangan. May dumalo ding isang binatilyo na nagsalaysay ng kanyang karanasan sa pamumuhay at pag-aaral dito.
Mahalaga ang ganitong talakayan upang maging daan upang maipaabot ng mga magulang at mga anak sa komunidad ang kanilang kalagayan at suliranin. Layunin din na makapagbuo ng mga konkretong solusyon at aksyon hindi lamang sa komunidad kundi maging sa antas ng pamahalaan.
Para naman sa ating mga ina, pakinggan din natin ang sinasabi ng ating anak dahil walang makikinig sa kanila kung mismo ang kanilang magulang ay hindi sila pinakikinggan. Ang sobrang paghihigpit ay hindi kasiguruhan ng kawalan ng problema, at ang sobrang pagluluwag naman ay nagbabadya ng pagpapabaya.
No comments:
Post a Comment