Saturday, March 16, 2013

Renaliza Rogers

SA TABI LANG PO
Ni Renaliza Rogers

Kabaduyan

Umulan nung isang araw at wala akong dalang payong. Hindi naman gaanong kalakasan pero ayokong mabasa dahil ako'y bihis na bihis. Pero kailangan kong magmadali at baka ako'y ma-late, kaya hindi na ako nag-isip; automatic na kinuha ko ang aking panyo sa bulsa at inilagay sa aking ulo sabay takbo. Nabasa pa rin ako at nabasa pa rin ng bahagya ang buhok ko. So bakit ko pa inilagay sa ulo ko ang panyo? Dahil yun ang nakagawian ko at ng lahat halos ng Pinoy para daw hindi mabasa ang ulo para huwag magkasakit.

Kung iisipin mo, walang masyadong silbi ang panyo sa ulo at mas importanteng hindi mabasa at ginawin ay ang likod. Pero dahil ito ang nakagawian ng Pinoy na ipinasa pa mula sa ka lolo-lolohan mo, ginagawa mo rin. Kabaduyan kung tutuusin pero nakasa-nayan na.

Karamihan sa mga Pinoy ay nandidiri sa mga banyaga na sa tingin nila ay hindi naliligo. Para kasi sa mga Pinoy, kailangang nakaligo bago umalis ng bahay sa umaga para mag mukhang fresh. Minsan nga ay nakaligo na sa gabi, maliligo pa ulit pag gising sa umaga. Akala natin na mas madaming ligo, mas mabuti. Pero ang hindi alam ng marami ay nakakapag papangit ng buhok ang sobrang pagligo dahil nawawala ang mga essential oils nito. Ngunit ang umalis ng bahay ng hindi nakakaligo ay sadyang kalunos-lunos. Understandable ito dahil ang Pilipinas ay isang tropical country, mainit at humid. Ang hindi maligo ay tiyak mag aamoy putok. Pero para sa mga ibang lahi tulad ng mga Hapon, sa gabi mainam maligo kung kelan ang katawan ay marumi galing sa labas. Sa umaga, hindi kailangan dahil natulog ka lang nga naman eh at hindi naman madumi ang katawan mo. Yun nga lang, muta at panis na laway ang kakalabanin mo. Sa Pinas, fresh halos lahat pag-alis ng bahay, minsan nga'y sa sobrang pagmamadali ay may sabon pa sa tenga o namumuti ang gilid ng labi dahil sa toothpaste. Pag sobrang late at wala ng panahon maligo, buong araw na mag fi- feeling guilty. Sa Japan, rare makakita ng taong basa ang buhok sa umaga. Makakita ka man, malamang Pinoy yun.

Sa mga handaan naman tulad ng bertdeyan o kasalan, ang isang typical na Filipino handaan ay may spaghetti na, may pansit at kanin pa. At ang isang typical na Pinoy ay iuulam ang spaghetti sa kanin. Hindi ko maintindihan kung anong klaseng taste meron ang Pinoy pero hindi naman lahat gumagawa nito. Siguro nga mas malasa kapag pInaghalo mo ang spaghetti at kanin. Ang hindi ko lang maipaliwanag ay kung bakit merong ibang inuulam pati ang macaroni salad sa kanin. Well, iba-iba nga naman ang panlasa ng tao. Si lolo noon, kumuha ng kanin. At dahil naka separate ang spaghetti sauce mula sa pasta ay ibinuhos niya ito sa taas ng kanin niya sa pag-aakalang  giniling ito. In fairness, masarap naman daw.

Kapag bago naman ang isang bagay, bawal alisin sa plastic at baka ma gasgas! Tulad ng aking ina na binigyan ako ng iPad. Mga mahigit anim na buwan ko ring ginamit ito habang nasa loob pa ng original na plastic nito. Buti na lang at nakabili ng plastic screen protector.  Pero tinalbugan ito ng ninang ko na kasama kong bumili ng payong sa mall. Saktong umulan nang papauwi na kami. Sinabi kong buksan na ang bagong biling payong dahil umuulan. Aba'y sinagot ako bigla ng, "ay huwag at baka mabasa!"

May mga bagay na sadya nga namang hindi maiaalis sa isang Pilipino at ang mga bagay na ito, gaano man ka baduy ay siya mismong nagbibigay sa kanya ng kanyang pagka Pilipino. Sigurado ako na bawat lahi ay may kanya-kanyang mga nakagawian na sila lang mismo ang nakakaintindi. Hindi dahil hindi mo maintindihan at hindi mo nakasanayan ang nakagawian ng isang tao ibig sabihin mali na ito. Kailangan lang minsan ay lawakan mo ang pag-iisip mo at subukang intindihin ang isang taong naiiba sa iyo. Bawat tao ay naiiba, bawat kultura ay espesyal.

Pero hindi naman ibig sabihin na magagawa mo na lahat ng gusto mong gawin dahil ito ang kultura mo at espesyal ka. For example, ayaw mong mag hubad ng sapatos sa bahay ng Hapon. Minsan, kailangan mo rin mag adjust ng naaayon sa sitwasyon at kapag ayaw mo ay ikaw mismo ang makitid ang utak o bastos. Hindi ko naman sinabing bawal matawa kasi minsan may mga bagay talagang hindi mo naman dapat tawanan pero hindi mo mapigilang matawa. Kung ganun eh magkunwari ka na lang na inuubo.

No comments:

Post a Comment