KAPATIRAN
by Loleng Ramos
Body and Soul
Kapatid, kumusta? May dinaramdam ka ba sa iyong katawan? Sakit na ini-inda? Pwera ang bulsa hah, hindi iyan parte ng katawan. Kung ikaw ay ''in the pink'' o malusog at malakas, walang karamdaman, mayaman ka! Sabi nga '' Health is wealth'' Isipin mo na lang, ang dami mo ngang pera, may sakit ka naman, paano na ang exciting na shopping, lakwatsa, lamyerda, travel? Hindi pwede! Lalo na kung sabihan ka ng doktor na 'Kailangan kang masuri ng mabuti, magamot ng husto, tira kamuna ng ospital' Haaaaay. Syempre pa, matapos ang gamutan, gumaling ka man o hindi, bayad ka! Mas masakit di ba? Kung wala ka namang pera, napadala mo kase lahat o nag-bayad ng sangkaterbang utang, di bale basta wala ng utang, at malakas ka naman. Ngayong Spring, mag-baon ka lang ng onigiri kahit kanin at nori lang, malay ba nila, ibalot mong furoshiki at punta ka na sa koen. Maglatag ka lang ng banig este picnic mat at doon kayo kumain ng pamilya mo o mga kaibigan mo habang naka-titig sa mga bulaklak ng Sakura. Ahhhhhh, ''the best things in life are free!'' ika nga. Nandoon ka na rin lang, mag-inat inat ka na rin, patunugin ang mga buto, sipa-sipa, taichi, gymnastics, aikido, badminton, patintero, luksong kalabaw, basta enjoy the sun, outdoor life! O di ba ang yaman mo? Nagagawa mo lahat iyon.
Napaka-halaga ng ating kalusugan, ng mabuting panga-ngatawan. Itong katawan natin, ito tayo sa mundo. Hiram nga lang eh. Balang-araw o kahit maya-maya lang, huwag naman, di man maarok ng ating imahinasyon, magiging alikabok din ang ating katawan. ''From dust to dust.'' Apat ang nai-pakita ng kinahihinatnan ng isang katawan matapos ang kamatayan. Una, ang Mahal na Birhen at propetang Elijah ay ini-akyat sa langit ng buong-buo. Pangalawa, kung ikaw ay isang tunay na banal katulad ng mga santo. Si St. Bernadette at Padre Pio ay mga ''incorruptible,'' ang kanilang mga katawan ay hindi ina-agnas. Pangatlo, kung ma-preserba ka bilang mummy kagaya ni King Tutankhamen ng Egypt o ng batang ''la Doncella'' na natagpuang nakalibing sa yelo ng bundok Andes sa Peru.
Hmmm. Ika-apat na siyang sasapitin natin ay ang maging alikabok! Sabi nga ng kanta, ''All we are is dust in the wind'.'
Ganoon lang? Dust? Alikabok? Kung naniniwala ka sa turo ng simbahan, merong matitira kapatid. Tayo pa rin! Ang bawat nilalang ay binuo na may isang katawan at kaluluwa. One body and one soul. Sabi nga, sa pagtagpo ng isang sperm cell ng lalaki at egg cell ng babae, 'a soul is infused'. Nabigyan na ito ng kaluluwa kaya may buhay na, unti-unti ang katawan nito ay mabubuo na rin. Isipin mo na lang ang kahindik-hindik na kasalanan ng abortion. Kaya sa tanong na ''Sino ang nauna, ang manok o itlog?'' Walang katapusan na sagot at tanong ito. Pero sa tanong na alin ang nauna, ang katawan o kaluluwa? Alam na natin ang sagot. Ito rin ang matitira sa pamama-alam ng katawan.
Ano na ang kasunod? Ang kasunod ay nakasalalay kung paano tayo nabuhay bilang isang katawan at isang kaluluwa. Iginalang ba natin ang ating responsibilidad sa ating sarili at kapwa bilang isang katawan? Iginalang ba natin ang ating responsibilidad sa Dakilang Lumikha bilang isang kaluluwa? Ang lahat ay may huling hantungan, higit sa isang puntod. Ito ay lugar na maliwanag at masaya o madilim at napaka-init. Saan kaya tayo mapupunta?
Sana mag-kita-kits ulit tayong lahat doon sa maliwanag at masaya, toka mo ang bola ng volleyball, ako onigiri o manna.
No comments:
Post a Comment