DAISUKI!
Tanya, Tama Na! Tigil Na!
“Natuto kang lumandi, pwes, magtiis ka sa hapdi.”
- hango mula sa pahina ng Facebook, hindi nakalaad ang may-akda
Nag-iingay na ang aking tiyan. Ewan ko kung anong tugtog pero sa aking pandinig, medyo maraming torotot yata. Alas dos na. Dalawang oras na pasado ng tanghalian. Hindi pa rin ako kumakain. Onaka ga peko-peko!
Sa ganitong kalagayan, kaila-ngan makakain kaagad. Ayaw ko naman kumain sa McDo o iba pang hamburger fast food dyan. Ika nga, hindi healthy! Sa aking edad ngayon, kaila-ngang maging health-conscious na at mapili sa pagkain. Kung pababayaan ko na naman ang diyeta, baka derecho na naman ako sa ospital! Nung nagdaang taon, sampung araw akong nakulong sa ospital dahil sa pamamaga ng aking apdo o gallbladder.
Ngunit gutom na ako talaga kaya hayun at napadpad ako sa Matsuya. Kilala sa mga kalalakihan ang Matsuya sa tatlong K: kabilisan ng pagluto, kamurahan ng presyo at kasarapan ng ulam. O ano pa naman ang gusto mo? Buti nga dito, hindi hamburger at French fries. Meron naman silang karne, kanin at sabaw ng miso. Siguro naman, medyo mabuti na sa katawan yon.
Nag-order ako ng “buta don” o pork rice bowl. Mura lang. Wala pa ngang 500 yen. Pagkatapos sumigaw ng malakas na “Irrashiamase!” ang waiter, biglang meron akong tubig at mainit na ocha. Kinuha niya yung ticket na binili ko sa vending machine. Wala pang isang minuto ang nakalilipas, unti-unti niyang linagay ang kanin, miso soup, salad at ang main dish, pork rice bowl sa aking mesa.
Masarap ang salad. Okey lang ang miso soup. Pero pagdating sa piniritong baboy, na-shock ako. 90% ng baboy ay puro taba. Hayan at nagkaroon bigla ako ng dilema. Kakainin ko ba yung karne na puro taba o aalis na lang ako at iiwan ko siyang ganoon? Alam mo naman ang mga Hapon, hindi sila mareklamo. Sa kanilang kultura, kung anong binigay, yun na! Kakainin nila.
Pero, wait lang! Hindi naman ako Hapon, a! Tsaka, binayaran ko naman ng husto ang pagkain. Tinawagan ko yung waiter at sinabi ko na yung karne ay puro taba. Inexplain ko hindi maganda sa katawan ang taba at hindi ko iyon makakain. Nagpaumanhin naman siya habang kinuha niya bigla yung pagkain. Papalitan daw nila. Naku, kung ang kapalit ay puro taba na naman, hindi ko talaga iyon kakainin at aalis na lamang ako. At least, nasabi ko na sa kanila.
Pagkaraan ng ilang minuto, lumapit sa akin ang manager dala-dala niya ang bagong nilutong pork rice bowl. Nagpaumanhin siya ng maraming beses at sabay-yuko niyang inabot sa akin ang pagkain. Maingat daw niyang pinili yung karne na walang taba. Ako naman ay nagpaumanhin at nagpasalamat sa kanya na parang Hapon din.
Buti na lang at nagreklamo ako nang mahinahon. Kung si Tanya siguro ang nasa puwesto ko, para ko na siyang nakikitang nagtataray sa loob ng shop. “Neee! Chotttto! Nani kore? Bakit puro taba ang binigay ninyo sa akin? Ano ba at gusto ba ninyo akong mamatay agad? Gusto ba ninyo akong ma-atake sa puso? Ganyan ba ang gusto ninyo sa mga kostomer ninyo? Papatayin ninyo ba kami?”
Buti na lang, hindi ako si Tanya… si Tanya na Paraluman ng Pagwawala, Diosa ng Katarayan at primera unong Escandalosa Queen! Pero alam ko, napakaraming mga Tanya lalung-lalo na sa mga Pilipino dito sa Japan. At bakit ko nasabi iyon? Kasi nasa kultura natin. Iyan kasi ang napapanood natin sa mga drama sa pelikula at telebisyon. Sigaw dito. Sigaw diyan. Lahat ay dinadaan sa init ng ulo. Sa atin, mas bida ka kung ikaw ang sumisigaw. Pang Famas ang acting. Award-winning kuno ang labas ni Tanya.
Kung gusto mong mag-reklamo, daanan mo sa mahinahong paraan. Ang mga Hapon, nagpapaumanhin din sila kahit sila ay nag-rereklamo. Oo, “Sorry for complaining but…” “Sumimasen kedo…” Ganoon sila. Magalang pa rin. Ipaliwanag mo lang ang gusto mong sabihin sa maayos at mahinay na pamamaraan.
Pero sa totoo lang, kung Hapon ako, hindi ako magre-reklamo. Wala sa kultura ng mga Hapon ang mang-gulo, mang-istorbo at mang-gambala kahit ikaw ay nasa tuwid at tama (pero hindi naman sa lahat ng bagay at oras, OK?). Pababayaan na lamang nila. Mas mahalaga sa kanila na alagaan ang samahan sa lipunan kaysa magreklamo tungkol sa sariling hinaing. Meron silang asal na sinasabing “Gaman suru” na ibig sabihin ay “magtiis o mag-tiyaga.” Ito ay napakahalaga sa kanilang kaugalian. Mas mahalaga ang ikabubuti ng marami kaysa ng sarili. Pagkatapos matalo ang bansang Hapon sa digmaan, sinunod nila ang ugaling ito at naging malaking bagay ito sa pag-unlad ng ekonomiya ng kanilang bansa.
Sabi ng aking guro ng high school, si Ginang Jovita Lacson, pagkatapos niyang nabasa ang unang ulat nito (salamat sa Facebook), “Ang pagtataray sa walang lugar na tulad ni Tanya ay nakakawalan ng respeto at nakakababa sa pagkatao ng mga Pilipino.” Dagdag pa niya, “Ang mabuting Pilipino ay nakikilala sa kanyang pagkilos, pagsasalita at pag-gawa.”
Kaya Tanya, huminahon ka na! Nakakahiya ka! Wala ka pa naman sa iyong sariling bansa. Baka akala ng mga Hapon at ibang dayuhan, lahat tayong mga Pilipino ay tulad mo. ‘Di pwede. Itigil na ang mga eksenang nakakahiya. Ibahin ang drama. Yung medyo class ang dating, sosyal, with poise at kagalang-galang!
Cut! Take two!
No comments:
Post a Comment