SIDE TRIPS
Kaya ba? Kaya pa? Kakayanin!
January-February 2014
Sa katatapos lang na taon, inisa-isa kong hinimay kung ano ang mga makabuluhan na nangyari, walang kuwentang nangyari at mga bagay na pinag-ukulan ko ng panahon at pinagkaabalahan ko ng mahalaga at mahabang oras. Kasama na siyempre diyan ang mga mahal ko sa buhay at mga kaibigan ko. Dahil kung may saysay at mga magaganda nga naman ang nangyari ay gusto ko itong ulit-ulitin at yun ang gagawin ko ulit.
Isang nakakagulat na bagay ang sobrang tumatak sa isipan ko: kung ano at bakit at paano nangyari sa isa kong malapit na kakilala ang isang bangungot na hanggang ngayon ay di ko lubos maisip at pilit kong ayaw paniwalaan. Itatago ko siya sa pangalang Emily.
Kagaya ng isang karaniwang Pilipina, si Emily ay unang na- ngarap maiahon sa hirap ang pamilya sa Pilipinas pagkatapos niyang makapag-asawa ng Hapon. Kayod-kalabaw kung maghanapbuhay sa siyudad ng Saitama. Halos ayaw niyang mag day off kasi dagdag pang-school allowance nga naman ng mga anak niya ang kikitain sa araw na yun. Si Emily ay butihin at ulirang maybahay, walang bisyo, mapagmahal na asawa at maasikasong ina sa kanyang tatlong anak. May mga panahon noon na tumatawag siya sa akin para humihingi ng payo tungkol sa buhay may-asawa, trabaho, negosyo at iba pang investment matters.
Nitong nakaraang tatlong buwan ay umuwi siya at nagbakasyon sa Pilipinas para asikasuhin ang mga papeles ng kanyang mga nabiling ari-arian doon. At dahil sa family friend siya, inasikaso siya ng aking family during her whole stay there. Noong unang araw pa lang ay may mga text messages na akong natanggap sa aking nakababatang kapatid na medyo wala sa timpla kung kausap si Emily. Pagod lang sa haba ng biyahe yan ‘kako at makakabawi din. Sunod na araw habang ako’y nasa trabaho isang emergency overseas call ang aking natanggap. ‘Dadalhin na namin siya sa mental hospital, Ate’ ang narinig kong garalgal na salita ng sister ko. ‘Ha?’ At dahil wala akong kamalay-malay, tanong ko naman: ’Sino ang pasyente?’ ‘Eh di si Ate Emily’ sagot naman ng sister kong halatang tuliro kung ano ang susunod na gagawin. Bigla akong napaisip…’si Emily talaga? Mental hospital agad-agad?’ ‘ Halos di ko mapaniwalaan ang mga sumunod na narinig ko: ‘Iba-iba ang mga sinasabi niya. Nagwawala…inihahagis lahat sa labas ng bahay ang laman ng kuwarto, nagsasayaw, nagdadasal bumubulong sa sarili at mayamaya ay pagulong-gulong sa poolside na ikina-alarma ng mga taong nag-uusyoso. Nang madaling araw naman ay kanyang pinindot ang emergency alarm na ikinagulat, ikinaalarma at kinainis ng mga kapitbahay. Dumating na ang barangay para tulungan siyang dalhin sa mental’ ang pabalitang sabi sa akin ng kapatid ko …tsk
Ilan ba sa atin o sa mga kakilala natin ang may mga tendencies na ganito? Bakit sa isang mabuting tao nangyari ang ganito? Ano ba ang kanyang nagawa? Saan ba siya nagkamali? Ito ba ay kusang nangyayari na lang o may mga bagay na nagtulak sa kanya para mangyari ang ganito?
Hindi natin maiiwasan na tayo ay binabayo ng stress sa pamilya, sa asawa, sa mga anak, sa TRABAHO at usaping pinansiyal lalo na kung tayo ay nakatira sa ibang bansa. Pero paano mo haharapin ang mga ganitong aberya kung ikaw ay: walang makausap (dahil nasa trabaho lahat ang mga kaibigan at kakilala mo?), walang mapagsabihan ng sama ng loob? Gusto mong tawagan ang bff mo kaya lang meron din siyang mga pinagkakaabalahan o di kaya’y pareho mong may mga problema ring kinakaharap. And your other choices? Kung yung huling taong akala mo’y kakampi mo ay di mo mapagkatiwalaan at sa huli ay siya pa ang kakalaban sa ‘yo! Ayy, iba na lang! Eto kaya? Tumawag ka sa pamilya mo sa Pinas pero mas malayong marami ang problema nila kesa sa ‘yo? Huwag na rin! O dili kaya ay may naturingan kang may pamilya sa Pinas pero mas pipiliin mong huwag na lang tumawag sa kanila baka mag-alala sila ng sobra sa kalagayan mo o mag-alala kang baka ikaw ay utangan ng wala sa oras? Wala kang maka-text man lang…??? Hayyyzzz, ano-ano ba ang pwede mong maging alternatibo kung sa ‘yo mangyari ang ganito?
Huwag nang magpatumpik-tumpik pa!…pwede kang mag-karaoke mag-isa at mag-ngawa-ngawa ka doon…who cares about how you carry a tune… hmmmp! Pwede ka ring manood ng sine mag-isa! Sumilip ka sa maingay na 'pachinko parlor'! Kumain ka sa mga restaurant na matagal mo nang gustong puntahan! Kung napagod ka nang dumalaw sa madalas mong puntahan na coffee shop at kung napagod ka na sa kakalinis ng bahay mo pwede ka ring dumalaw sa simbahan at humingi ng tawad at pasasalamat sa Diyos. Bisitahin mo ang mga matagal mong di nabibisitang mga kaibigan at pasalubungan sila ng dalawang tumpok ng ‘mikan’ o isang supot ng butong-pakwan! Pwede ka ring manood ng mga paborito mong movies sa internet. Huwag ng makinig sa radio ng mga nakakaiyak na tugtugin at baka lalong maisip mo lahat ang iyong mga pinagkakautangan at bigla kang maluha: makinig sa mga nakakaindak na kanta at sabayan mo ng sayaw…kesehodang parehong kaliwa ang paa mo…hmmmp!
Sa kalaunan pasasalamatan mo ang sarili mo kung kaya mong dalhin ang mga problema mo ng di ka nakakaabala sa ibang tao at di mo nakakalimutan ang iyong kalusugan. Di natin kakayaning ma-solve nang sabay-sabay ang lahat ng problema sa mundo. Lahat tayo meron niyan: di ka nag-iisa! While there’s still time left, be more independent from others and if you have the chance, do the things you're dying to do during your idle moments. After all, life is what we make it!
Happy reading!
No comments:
Post a Comment