Papalit-palit Lang
January-February 2014
Ang bilis ng pagpalit ng panahon. Pagkatapos ng undas, pasko at ngayon naman taon na ang magpapalit at kasunod na rin ang Valentine’s Day. Ang pinakamalungkot kung iisipin ay ang ating pagtanda. Nakakalungkot isipin na tayo ay tumatanda na pero yun po ang isang riyalidad sa buhay ng tao na mangyayari't-mangyayari. At kagaya ng mga kalamidad na nangyari, kailangan natin itong tanggapin. Lubos kong binabati ang lahat na sana maganda at masaya ang kani-kanilang nakaraang pasko.
Ayon sa Chinese Astrology, ang nagdaang taon ay "Year of the Snake." Ngayong 2014 naman po ay "Year of the Horse." At ang mga ipinanganak daw sa taong ito ay matatag, malakas, matalino, malikhain, masipag ngunit mahihirapan amuin kapag sila ay nagkamali. Lahat naman po tayo ay hindi perpekto. Bawat isa ay may mga positibo at negatibong mga pag-uugali at hindi po basehan ang ibat-ibang taon nang kapanakan sa pag-uugali ng tao. Dahil ito ay nasa sa ating lahat, kung paano tayo hinubog ng ating mga magulang, kung ano ang ating nakalakihan o nakasanayan. At sa tulong ng ibat-ibang aspeto ng lipunan na ating ginagalawan, sa ating mga napag-aralan at karanasan ay lumalabas kung ano at sino tayo ngayon. At sa sinasabing katangian ng mga kabayo ngayon natin higit mas kailangan ang ganito upang sa ganun ay mabilis tayong makakaahon o makalimot sa mga hindi magandang nangyari sa ating mga buhay-buhay noong nakaraang taon. Kagaya nga nitong bagong taong darating, may mga bagay na hindi natin inaasahan at walang makakapagsabi sa mangyayari sa kasalukuyan. Parang sa showbiz, papalit-palit ang mga bida, ang ka-relasyon at ang "role" na ginagampanan. Kagaya din nating mga ordinaryong tao sa mundo, lahat tayo ay may kanya-kanyang ginagampanan at responsibilidad sa pamilya, pamayanan, bayan at buhay ng iba. Minsan, isa tayo sa nagiging inspirasyon ng iba upang ituloy ang buhay na mayroon sila. Dahil bawat isa sa atin ay binibigyang pagkakataon na maging parte ng buhay ng may buhay. At minsan hindi natin namamalayan na may mga bagay tayong ginagawa o sinasabi na hindi man natin sinasadyang makaapekto sa iba ay naapektuhan natin sila maganda man o hindi. Marahil ay sadyang ganun ang buhay sa mundo, masalimuot, mahirap, malungkot, masaya pabago-bago, at papalit-palit.
Marami sa ating mga kababayan ang malungkot sa paskong nagdaan dahil na rin sa sunud-sunod na kalamidad na nangyari sa ating bayan. Kung noon sa Pinas ay sabay-sabay mag Christmas dinner o noche buena at nagka-"countdown" ang buong pamilya sa pagsalubong ng bagong taon, maraming handa sa lamesa na hindi nawawala ang nakaugaliang may mula anim hanggang labing-tatlong mga bilog na prutas kasama ng handa na pinaniniwalaang magbibigay suwerte sa bagong taong papasok, na tineternohan pa nang pagsusuot ng makukulay na polka dots at floral sa pagpasok ng pera at kaligayahan sa bagong taon. Ngayon maraming pamilya ang tiyak na wala sa isa dito ang makakaranas. Nawa sa tulong natin at ng ibang tao ay naibsan ang kanilang lungkot, pag-aalala at paghihinagpis sa mga naranasang trahedya. Tulad ng mga Hapon na isa sa mga nag-alay ng malaking tulong sa bansa o nagbigay ng maagang pamasko o regalo sa mga nasa-lanta, sila din ay nagdidiriwang ng bagong taon at masaya ang mga tao lalo na ang mga kabataan sapagkat makakatanggap sila ng mga maliliit at may ibat-ibang desenyong sobre o futo na naglalaman ng pera at tinatawag nila itong "otoshidama" na ibibigay ng mga magulang, lolo at lola, mga kapit-bahay, o kamag-anak. Para lang din kapalit ng pasko sa atin kung saan ang mga Pilipino sa pasko ay nakakatanggap ng aginaldo. At ang pagsalubong ng mga Hapon sa bagong taon ay tulad din sa atin kasama ang pamilya at pinagsasaluhan ang unang almusal sa unang araw ng bagong taon. At nakakatuwang isipin na iisa ang tema ng handa sa mesa ng bawat bahay dito. Ito ay ang kamabuko o fish cake, puto, rice cake o omochi o pagkaing gawa sa malagkit na bigas na pinaniniwalaan nilang magdadala ng pagkakaisa at pagsama-sama ng mag pamilya at may beer o alak, ocha o green tea at magkakampay sabay bati ng happy new year. At pagkatapos ng almusal ay magbibigay na ng otoshidama ang matatanda sa mga bata. At pupunta ng onsen o spa para mag relax o kaya ay jinja o templo para magdasal.
Iba-iba ang pagsese-lebra ng bawat tao, bawat lahi o bawat lugar sa mundo, mapapansin ang lahat ay kasama o hinahangad na makasama ay ang nag-iisang itinuturing na pamilya. Mapapansin natin na saan man sulok ng mundo, ano man ang kulay, relihiyon, at pagkatao, makikita dito ay ang kahalagahan ng tinatawag nating pamilya. Ang pagmamahal at pagpapahalaga ng bawat isa kahit ang iba'y nag-asawa na o may sarili na ring pamilya, at magpalit-palit man ng kinakasama, magpalit-palit man ang panahon ay mananatili ang nag-iisa nating kinagisnang pamilya. At sa anumang pagsubok ng buhay, kapag ang iyong pamilya ay laging kaagapay, tiyak na lahat ay makakaya lalung-lalo na pag nagtutulong-tulong o nagkakaisa.
At sa mga naiwan nating kababayan sa Pilipinas, sabay-sabay nating salubungin ang bagong taon nang may tatag, may tapang at may tiwala sa Diyos na sa kahit anumang trahedya o pagsubok ng buhay, lahat ay makakayang lutasin o lagpasan. Ang pagmamahal sa pamilya at kapwa ay magbibigay ng lakas ng loob sa bawat isa, sa ating lahat para lumaban at harapin ang lahat ng suliranin na ating nararanasan o mararanasan.
Muli maligaya, masagana, mapayapa at matatag na bagong taon at advance Happy Valentines Day sa ating lahat. Pagpalain nawa tayong lahat ng ating Poong Maykapal ngayon, bukas at sa mga susunod na mga araw.
No comments:
Post a Comment