Friday, January 24, 2014

Rey Ian Corpuz

Nasyonalismo
ACHI-KOCHI



July-August 2013

Paano mo ba matutulungan ang ating bansa bilang isang OFW? Marahil marami sa atin isa lang ang sagot. Ang pagpapadala lang ba ng pera ang sagot? Siguro karamihan sa atin ay ito ang sagot. Ngunit hindi natin alam na kahit sa simpleng bagay na ginagawa natin sa ating buhay sa Japan ay nakakatulong tayo sa pangkalahatan. Sa aking opinyon ay ang pagkakaroon ng pagmamahal sa ating bansa ay masasabi nating isang malaking tulong na hindi pinansiyal. Sa loob ng limang taong pagtuturo sa mga pampublikong paaralan sa Japan ay kailanman hindi ako nahiya na ako ay Pilipino. Kahit sabihin natin na pangit ang reputasyon ng mga Pilipino at pilit ko itong pinapakita na may mas maraming magandang bagay na dapat tayong ipagbunyi bilang isang Pilipino.

Unti-unting dumarami ang mga Pilipino na nagtuturo sa Japan bilang mga Assistant English Teacher. Sa unang lingo o buwan ng kanilang pagiging AET ay nabibigyan ng tuon ang kanilang bansa para ito ay ibahagi at ikwento sa mga bata. Ang pagiging cultural ambassador ng mga AETs sa mga pampublikong paaralan sa buong Japan ay isang malaking tulong para maiba ang imahe na naitatak ng mga Hapon sa mga Pilipino simula noong Bubble Era.

Karamihan sa mga guro na nakakatrabaho ko ay nagugulat sa mga pinapakita kong mga larawan lalo na ang mga pagkain, kultura, at pagiging “diversified”
nating bansa sa lenguahe. Sa paraang ito ay kahit paano, nabubura ang masamang imahe nating mga Pilipino dito sa Japan.

Limang taon ko nang ginagamit ang mga posters at brochures na pinapadala ng Department of Tourism ng Philippine Embassy. Sa kada paaralan at siyudad na ako’y na de-destino ay namamangha ang bawat nakakakita ng ganda ng Pilipinas. Marahil ito na lang ang masasabi ko na hindi pinansiyal na kontribusyon sa ating bansa. Pinapakita ko parati ang mga magagandang tanawin at mga kakaibang bagay na malimit na makita ng mga turistang Hapon sa ibang bansa.

Bilang isang mamamayan ng siyudad ng Dabaw, pinagmamalaki kong ibahagi ang Mt. Apo bilang pinakamataas na bundok sa ating bansa. Ang ating “monkey-eating eagle” na karamihan ay natatagpuan lang sa Mindanao at kakabansag lang itong pambansang ibon. Ang “orchids” na “walingwaling” na natural na nabubuhay sa rehiyon ng Davao at Mindanao ay isang simbolo ng pagiging hitik sa yamang halaman ng ating bansa. Alam nyo ba na ang mga saging at pinya na kinakain natin dito sa Japan ay lahat galing sa Davao at Mindanao? Ang ating jeepney ay isa din sa ating pwedeng ipagmalaki dahil ito ang simbolo ng ating pagiging Pilipino. Maliban nito ay mayaman din ang ating bansa sa mga coral reefs at diving sites. Meron tayong tarsier at Chocolate Hills sa Bohol, at Underground River sa Palawan. Iyan ay iilan lang sa mga mabubuting bagay ukol sa Pilipinas na gusto kong ibahagi.
Sana maging proud lahat ng Pilipino sa Pilipinas. Eh mga dayuhan nga eh proud sa bansa natin, desho? Kahit sa inyong munting paraan, ibahagi ang mga magagandang bagay tungkol sa ating bansa. Tama na ang mga kwento ng kahirapan, at kaguluhan. Sawa na mga Hapon sa mga yun. Gusto nilang marinig ang mga mabubuting bagay ukol sa Pilipinas.


No comments:

Post a Comment